Ang Lalaking Umawit ng I Dreamed a Dream (A Gift to A Friend)

1.4K 16 2
                                    

 

Hindi alintana ni Marco ang pag-iyak ng anak tuwing iiwan niya ito sa eskwelahan. Sabi sa nabasa niyang website, normal ang pag-iyak ng bagong pre-schooler hanggang sa mga dalawa o tatlong linggo. Isang buwan nang hinahatid ni Marco ang anak at hanggang ngayon ay umiiyak pa rin ito. Sinukuan na niya ito sa pag-asang aayos ito ng kusa. Sa buhay niya, ang mga bagay naman ay bumabagsak nang kusa sa dapat nitong mga kalagyan.

Kaya naman taas-noo pa rin siyang bababa sa ground floor, sasalubungin ang ibang mga magulang na nagkwe-kwentuhan tungkol sa mga anak nila. May ilang babati sa kanya dahil kahit na unang pagkakataon niyang makapagpaaral ng anak, ay nakakuha na siya ng posisyon sa Parents Association. Vice president. Hindi naman niya iyun gusto pero tanggap na rin niyang marami siyang gusto na hindi para sa kanya. Kaya pag may napunta sa kanya, ayos na.

Pansin ni Marco ang pagbubulungan ng mga tao matapos bumati at mag-alis ng tingin sa kanya. Alam niyang siya ang pinagbubulungan dahil nakasando, shorts at tsinelas siya. Mga bagay na nakapaskil sa gate ng paaralan na ipinagbabawal sa mga maghahatid o susundo. Parehong ang paskil at ang bulungan, hindi niya binigyang halaga.

Hanggang ang gwardiya na ang lumapit kay Marco. Tuloy lang ang lakad niya sa pagsalubong dito. Kilala na niya ito. Kinuha ang lighter sa bulsa at iniabot sa gwardiya. Bawal man, e nakakasabay niya itong manigarilyo paminsan-minsan sa may simbahang katabi ng paaralan. Ito naman ang isa sa mga bawal na sandali ng gwardiya.

Habang nag-uusap ang dalawa, napahinto si Marco. Kilala naman nila ang kotse ngunit ang bumaba, ngayon lang nila nakita. Kilala nila ang batang sakay ngunit ang babaeng naghahatid ang iba. Isang babae na mukhang may edad na ngunit maganda pa rin ang hubog ng katawan. Ngumiti ang gwardiya, pwede. Para kay Marco, matanda ito para sa kanya. Tawanan. Ang totoo, early thirties na rin si Marco pero pakiramdam niya ay nasa late twenties lang siya. Alam ito ng guwardiya. Kaya naman napalakas lalo ang kanilang biruan. Hanggang sa bumukas ang kotse at lumabas ang driver nito. Parang pinatay lahat ng ingay sa paligid ni Marco at tanging mga mata lang niya ang gumagana sa kanyang mga pandama.

May naalala ang kanyang puso kaya’t nakalimutan nitong tumibok nang isang saglit.

Maluwag ang pantalon niya noon, maong, at sandlas na balat. Malaking pulang t-shirt ng Spoofs Unlimited. Tag Hirap imbes na Tag Heuer. Nasa kolehiyo siya. Ikalawang taon, kaya’t kailangan nang humanap ng org na sasamahan. Nakapili na siya at sa orientation ng napiling org, una niyang nakita ang lalaking ito. Sa lalaking ito niya unang nakita ang mga labing nais niyang unang halikan. Saka na lamang niya napansin ang tikas nito at ang maamong mukha nang lumapit ito sa kanya at nagtanong kung kasama ba siya sa orientation. Napa-oo si Marco. Ngumiti. Hanggang sa mapansin niyang hindi niya alam ang kanyang inoohan. Isang imposibleng bagay ang kanyang nararamdaman. Imposible niyang magawa, imposible niyang magustuhan.

Nagpakilala ang mga members ng org. Mishka ang pangalan ng may-ari ng mga labing iyun.

Lumabas ang lalaki sa kotse dala ang baunan. Humabol ito sa babaeng lumabas ng kotse at sa batang kasama nito. Napahakbang si Marco ngunit pinigilan siyang humakbang pa ng kanyang pagbuntong hininga. Tinanong ng gwardiya si Marco kung kaibigan niya ang lalaki.

Kilalang-kilala, naisip ni Marco.

Sa bawat araw ng pagtambay ni Marco sa org ay kasa-kasama niya si Mishka. Naging mabuting magkaibigan sila, at hindi ito natatapos sa paghihiwalay nila sa eskwela. Pagkatapos ng hapunan, habang ginagawa ang kanilang mga takda, hawak nila ang kani-kanilang mga telepono, nag-uusap. Magdamagan ang mga usapang ito at walang alinlangan sa bayad dahil landline pa ang konsepto ng telepono, walang binabansagan ng unlimited dahil walang nililimitahan.

Napansin na ng ibang mga kaibigan ni Marco ang pagiging busy lagi ng telepono nito. Paliwanag naman niya, hindi siya ang tumatawag. Binalaan siya ng mga ito na baka bakla si Mishka. Pangalan pa lang niya, hindi mo na maintindihan, ano pa ang pagkatao niyan? Natawa lang si Marco, at hindi masabing gusto niya ang mga tawag na iyun. Hindi pa rin nawawala ang pagnanasa niyang mahalikan ang mga labi ni Mishka. Halik lang naman. Hindi ako magiging bakla sa isang halik lang.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 20, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Lalaking Umawit ng I Dreamed a Dream (A Gift to A Friend)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon