Ang Tulang Ito

186 6 4
                                    

Ang Tulang Ito (Poem, syempre)

Written by ThisGirlIsM

Na-LTS po ako. Last Test Syndrome. Haha. Kami'y naatasang gumawa ng tula kaya ayun. Haha.

WALA PO AKONG PINANGHUHUGUTAN. HUHU.

Dedicated po sa kanya. Ang galing po niya magsulat. Huhu.

-------------

Ang tula na ito ay hindi para sa iyo,

Kahit maaaring ikaw lang ang laman nito.

Itong larong ito ay sadyang nakakahilo,

Pati itong isip ko ay iyong ginugulo.

Ang tula na ito ay hindi para sa iyo,

Ito'y para sa akin at sa katangahan ko.

Hindi mo lang alam pero maraming araw na,

Nang tumibok 'tong puso kong nakakapanghina.

Ang tula na ito ay hindi para sa iyo,

Ito'y damdamin ko na sana maramdaman mo,

Itong damdamin ay hindi na kaaya-aya,

Pati itong 'di maipaliwanag na saya.

Ang tula na ito ay hindi para sa iyo,

Ito ay para sa lahat ng nadarama ko.

Kahit hindi mo ako nabibigyan ng sulyap,

Ikaw pa rin ang aking hinahanap-hanap.

Ang tula na ito ay hindi para sa iyo,

Kundi para ito sa nararamdaman ko.

Ibang pakikitungo mo saki'y kakaiba,

Mas mahirap kang basahin kaysa Alibata.

Ang tula na ito ay hindi para sa iyo,

Kung hindi nais ko lamang ipaalam ito,

Na kahit hindi ka man interesado,

Nandito lang ako, naghihintay sayo.

Ang tula na ito ay hindi para sa iyo,

Kungdi para sa akin nang maamin na ito,

Na kahit hindi man sadya, ako'y nasasaktan,

Alam ko namang wala itong kahahantungan.

Hindi ako tanga para hindi ko mapansin,

Na nasa kanya lagi ang iyong mga tingin.

Nakikita ko sa iyong mata ang hangarin,

Ngunit ito'y sa kanya't hindi para sa akin.

Matagal ko nang naamin sa sarili ito,

Hindi mo man alam pero ako na'y sumuko.

Nakakasawa ring ipaglaban lahat ng 'to,

Sa huli rin naman nito, ako pa ri'y bigo.

Ngunit kahit anong gawin, walang nangyayari,

Ano bang meron sa iyo? Hindi ko mawari.

Isa pa lang sulyap sa mapupungay mong mata,

Lahat ng bagay sa paligid ko'y balewala.

Ang pakiramdam ay minsan ko lang nadarama,

Minsan lang dapat, pero sayo'y biglang humaba.

Minsan ko lang 'to sasabihin, ika'y makinig,

Mahal kita! Narinig mo ba ang bawat pantig?

Sana'y nabaling ko na lang ang tingin sa iba,

Aminin ko man sa hindi, ito'y masakit na.

Pero kahit anong gawin ko, hindi 'to mawala,

Anong ginawa mo't ganito na siya kalala?

Nais ko nang tapusin ang tula ko na ito,

Dahil sa isang bagay na aking napagtanto.

Kahit ilang beses kong sinabi sa akin 'to,

Letche, para sayo talaga 'tong tulang ito.

Ang Tulang ItoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon