~*~
Putok ng baril.
Sigaw.
Iyak.
Ito ang bumabalot sa buong paligid...
Ito na ang pinakahihintay namin, ang karapatang matagal ng dinukot ay muling maibabalik sa tunay nitong may-ari.
Pinulot ko ang isang baril mula sa duguang katawan ng isa sa mga tauhan ni Don Sebastian. Ang lagkit sa pakiramdam ng hawakan ko ang baril dahil kahit ito ay nababalot na ng dugo - dugo ng mga taong lumalaban para maibalik ang kapangyarihan na ninakaw mula sa kanila.
Walang pag-alinlangang tinutok ko ang baril sa taong nasa harapan ko, ngunit hindi ako nagpakawala ng putok agad at ganun rin siya. Puno ng galit ang mga mata ko at ang kalooban ko nang muli kong maalala ang sinapit ni Tatang. Pero hindi ko magawang pakawalan ang bala na magsisilbing hustisya sa sinapit ng pamilya ko.
Seryoso ang kanyang mga mata habang hawak ang baril na nakatutok sa puso ko. Makisig pa rin ang kanyang tindig, di alintana ang patuloy na pag-agos ng dugo mula sa kanyang kaliwang braso. Di gaya ng mga kamay ko na nanginginig habang hawak ang baril, ang mga kamay niya ay parang walang takot na pumatay anumang oras.
Napadako ang tingin ko sa suot niyang kuwintas na may bituin na disenyo. Tiningnan ko rin ang mga mata niyang kulay-kape na matagal ng palaisipan sa akin. Kasabay ng pagtitig ko sa perpekto niyang mga mata ay ang pag-agos ng mga alaala sa ilalim ng mga nagkikislapang bituing tila kay payapa. Mga alaalang pinagsaluhan ko kasama siya.
~*~
"Sana ay hindi ako nagkakamali kapag sasabihin kong ang kagandahan ng bituin ang siyang tinatanaw mo mula rito." Bigla akong napatayo ng marinig ko ang baritonong boses ni 'ya Indoy sa likuran ko.
"Ang sariwa po ng hangin dito sa labas, nakagaganda ng pakiramdam." Nagmano muna ako sa nakatatanda kong kapatid bago muling bumalik sa pagkauupo. Sumandal ako sa puno ng Narra habang nakatingin sa kalangitan, paminsan-minsan din akong sumusulyap sa ibaba ng burol kung saan nakikita ko siyang nakahiga sa gitna ng bermuda habang nakatingin rin sa ganda ng mga bituin.
"Bumalik ka na roon at maghahapunan na tayo. Huwag ka sanang lumalayo sa bahay lalo na't gabi, maraming mga mata si Sebastian, delikado, Ising."
"Alam ko po. Nag-iingat naman po ako ya' Indoy." Naramdaman ko ang pagtabi niya sa akin, ganun na rin ang pagsandal niya sa puno ng Narra.
Kumawala siya ng malalim na buntong hininga bago itinuon muli ang pansin sa kalangitan."Parati ka sanang mag-iingat, bunso. Lagi mong isaisip na ang kalaban, ay mananatiling kalaban. Tandaan mo ang layunin natin kung bakit natin ito ginagawa." Puno ng diin ang pagkasasabi niya na wari'y may alam siya sa totoong rason kung bakit ako nandirito, ngunit ayaw niya lang talaga paniwalaan.
"Mas mabuti sigurong bumalik na tayo, 'ya Indoy. Naghihintay na marahil sina inay sa atin." Nauna akong bumaba ng burol. Sana ay huli na ito Ising, huwag ka nang bumalik muli rito, pakisuap. Wika ko sa aking sarili, pinapagalitan ang namumuong damdamin sa aking dibdib. Hindi ko maloloko ang sarili ko kung sasabihin kong ang kagandahan ng mga ang bituin ang tunay na pakay ko rito,
alam kong siya.
At mali iyon, mali ang pagtanaw sa kanya mula sa malayo dahil isa siya sa mga dahilan kung bakit kami nagdurusa ngayon. Kailangan ko itong pigilan.
BINABASA MO ANG
ESTRELLAS
Historical FictionSa ilalim ng mga nagkikislapang bituin at maliwanag na buwan... Sa isang payapang gabi... Mga patagong kasiyahan at pagmamahalan, kasama ka. (Estrellas- Spanish for Stars)