Narito tayo sa dulo ng ating pagsasama. Habang ako'y nakatitig sa mukha ng isang batang naging aking kalaro at naging mahalaga sa buhay ko. Kasabay ng pagkintab ng aking puting buhok sa kahel na kulay ng araw ay ang paglubog nito. Ang simoy ng hangin sa tabi ng dalampasigan na nagbibigay sa akin ng ating mga alaala.
Tinignan kita muli, tumigil na ang iyong pag-iyak at basang-basa na rin ang suot kong damit dahil sa iyong mga luha. Ang mukhang 'di nagbabago sa nagdaang taon. Tumanda na ako at ganiyan ka pa rin, ang mukhang nasilayan ko noong tinulungan mo ko noong ako ay bata pa.
Noong ako ay tinapon, iniwan, niligaw sa kagubatan at ikaw ang nasilayan noong panahon iniwan ako ng mundo. Dinala mo ko sa inyo, sa isang lugar na kakaiba sa mundong aking nagalawan. Hinatak mo ko noon at pinakilala mo sa iyong ama. Ang pagkakasabi mo noon ay ako ang iyong kalaro na nakita mong nawawala. Tinanggap niyo ko. Kinabukasan noon ay nagsimula na tayong maglaro, nilakbay natin ang iyong mundo. Ako'y namangha. Simula noon ay araw-araw na. Habulan sa dalampasigan, taguan sa mga pasilyo ng aklatan, kwentuhan sa taas ng mga puno, lahat ng mga maaring libangan ay ating nagawa.
Dunating ang isang araw na ako'y muli pinakilala mo at ngayo'y bilang iyong mapapangasawa. Ako'y nagulat noon dahil tayo ay bata pa lamang ngunit pumayag ang iyong ama.
Lumipas ang mga taon na tayo'y magkasama. Patuloy ang mga laro at sinamahan mo ng lambing at 'di ko namalayan na ako' y nahulog sa iyong piling. At doon tayo nangako sa isa't-isa.
Pinatawag muli ako ng iyong ama at ako'y pinapalayo. Sa kaniyang dahilan ay doon ko rin nalaman na ako'y tumatanda at ikaw ay nananatili. Ang inyong buhay ay mas matagal kaysa sa amin. Pinilit kong humindi ngunit wala akong magawa hiniling ko na lang na ikaw ay masilayan sa bawat ilang taon na lumilipas.
Malungkot ka noong ako'y umalis ngunit nangako ako noon na ako'y babalik.
Bumalik ako pagkatapos ng aking pag-aaral at nakita ko ang ating pagkakaiba.
Bumalik ako pagkatapos ng unang digmaan.
Bumalik ako pagkatapos ng ilan panglabanan.
Sa bawat pagbalik ay nakikita ko na ang pagkakaiba. Ako'y tumatanda at ikaw ay nananatili. Ang ating pangakong 'di natin nakalimutan. Kahit masakit ako'y lumayo at hindi ko kaya itong pagmasdan.Lumipas ang mga taon sinubukan ko ang iba't-ibang mahika maibalik ko lang and aking panahon ngunit oras ang hindi hawak ng kahit sino.
Tinanggap ko na hindi ko matutupad ang ating pangako. Bumalik akong muli at nakita kang umiiyak at narito na nga tayo sa dalampasigan at dapit-hapon.
"Malapit na kong mawala, pasensiya na kung 'di ko na matutupad ang ating pangako sa pagkat ikaw ay malaya sa tanikala ng oras"
"Patawad at hanggang dito nalang ako, mahaba pa iyong panahon kaya sana 'wag mo kong kalimutan, tanggapin mo itong kwintas at nang maaalala mo ko"
"Salamat, paalam"
"Wag kang umalis"