Una at Huling Pag-Ibig

12 2 2
                                    


Malamig ang simoy ng hangin. Ang mga bata ay patuloy na nagtatampisaw sa ilalim ng ulan. Hindi alintana ang mga putik na dumadaloy sa kanilang kasuotan maging ang dilim sa paligid ay walang magagawa sa sayang dumadaloy sa mukha ng mga bata. Batid ang kasiyahan sa paligid, ngunit may isang natatanging binibini na tulala lamang na nakatanaw sa mga tubig na pumapatak sa kaniyang palad. Tila malalim ang iniisip at walang sino man ang may kakayahang burahin ang lungkot sa mukha ng dalagang nagngangalang Alycia.

"Tulala ka na naman," Nakangiting wika ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Gregoria. "Batid kong alam mo ang kaniyang karamdaman, ngunit umaasa ka pa rin na ikaw ay kaniyang babalikan." Ngayon ay seryoso na ang mukha niya habang nakatitig sa kaniyang nakababatang kapatid.

Huminga ng malalim si Alycia. Tila sinaksak ng matulis na bagay ang kaniyang puso sa narinig niya. Totoo ang lahat ng sinabi ng kaniyang kapatid, ngunit patuloy siyang naniniwalang darating ang panahon at maaalala rin siya ng kaniyang iniibig.

"Ang pag-alala na lamang sa inyong nakaraan ang tanging natira sa iyo. Nakalimutan ka na niya, kalimutan mo na rin siya, Alycia." May pagkaprangka si Gregoria, ngunit tama naman lahat ang mga salitang lumalabas sa bibig niya. Nais niya lamang tulungan ang kapatid niyang ilang taon ng nagdurusa.

Nangilid ang luha sa mga mata ni Alycia. Hindi niya kakayaning kalimutan ang lalaking una at patuloy na nagpapatibok sa puso niya. "Kahit na ata iuntog ko ng ilang beses ang aking ulo, hinding-hindi ko malilimutan ang aking una at magiging huling pag-ibig, Ate Gregoria. Napakahirap ng iyong pinagagawa." Malungkot na tugon ng dalaga.

Napabuntong hininga na lamang si Gregoria at tinapik ang balikat ng kaniyang kapatid. Wala siyang magagawa rito. Talagang ang pag-ibig ni Alycia na alay sa kaniyang sinisinta ay hindi kayang tumbasan ng kahit ano man.

"Matulog ka na. Maaga ka pang aalis upang dumalo sa klase." Malambing na tugon ni Gregoria bago umalis sa silid ng kaniyang kapatid.

--

Ala-singko pa lamang ng umaga ay gising na ang pamilyang Beltran upang paghandaan ang unang pagpasok ni Alycia sa eskuwelahan. Bente anyos na ang dalaga at nasa ikatlong antas na ito ng kolehiyo na pinag-aaral ng kaniyang Ate Gregoria na ngayo'y isa ng doktora.

"Napakaganda mo talaga, anak. Tiyak na maraming mabibighani sa iyo. Ngunit paalala lamang na pag-aaral muna ang iyong pagtuunan ng pansin." Nakangiting turan ng kaniyang ina.

Napangiti at nagmano naman si Alycia sa kaniyang ina. Ang salitang lumabas sa bibig ng kaniyang pinakamamahal na ina ay naghatid ng kaonting gaan sa puso niya.

"Ina, alam mo namang nag-iisa lamang lalaking nakapag-papatibok sa puso ni Alycia. Hindi iyon mapapantayan ng kahit sino man." Nagbibirong wika ni Gregoria.

Napatawa naman ang kanilang ina maging ang ama na kasalukuyang inaayos ang sasakyang gagamitin sa paghatid kay Alycia.

"Si Sebastian pa rin pala. Talagang napakalupit ng pagmamahal na alay mo sa kaniya, anak." Natutuwang sabi ng kanilang ama.

Nabura naman kaagad ang ngiti sa labi ni Alycia nang marinig ang ngalan ng kaniyang sinisinta. Matagal na panahon na ng huli silang magkita, at hindi niya alam kung ito ba'y may iba na.

"Oh, siya. Tama na ang usapang pag-ibig na iyan," Magiliw na sabi ni Feliciana, ang kanilang ina. Napansin nito ang tila pagbabago ng itsura na kaniyang bunsong anak. Inilipat naman niya ang kaniyang tingin sa asawang binuksan na ang makina ng sasakyan. "Baka mahuli pa sa unang klase si Alycia. Ihatid mo na siya, Mahal." Malambing na sambit ni Feliciana sa kaniyang asawa.

"Masusunod, mahal!" Giliw na giliw na tugon sa kaniya ni Romelio. Nagbigay pugay pa ito na parang isang hari at hinandugan ng mabilis na halik sa pisngi ang kaniyang pinakamamahal na reyna.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 27, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Unpainted LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon