NANATILI ANG kuryoso kong paninintig sa iba't ibang tao na nagkanda-kalat sa plasa ni Jorge Imperial Barlin, ang unang obispong Filipino.
Dalawang linggo pa bago ang pintakasi, subalit magulong-magulo na ang paligid. Limang metro mula sa kinatatayuan ko ay marami na ang nagbebenta ng kung anu-anong religious artefacts kagaya ng rosaryo, prayer booklets, panyo na may mukha ni San Agustin, pamaypay na may mukha ni San Agustin, langis 'di umano ni San Agustin, at mga imahen ng Nuestra Señora de Peñafrancia, Sto. Niño de Cebu, Divino Rostro, at San Agustin. May nagbebenta rin ng bulaklak, bracelets, pantali sa buhok, balloons, bra, tupperware, pekeng ahas, pekeng daga, pekeng ipis, at iba't ibang laruan. Sa tabi ng mga nagbebentang ito ay may mga manghuhula na abala sa pagbabalasa ng malalaking baraha. May naglalaro ng chess. May umiinom ng Sprite. May kumakain ng fishball, may humihigop ng skrambol, may nakatitig sa kumakain ng fishball at humihigop ng skrambol. Sa likod ko, may nag-aalok ng padasal. Isang daan lang daw, tatapusin niya ang novena para kay San Agustin o 'di kaya'y kay Inâ.
Umiling ako sa matandang nag-aalok ng pa-dasal at dumiretso sa loob ng simbahan.
Wala namang kakaiba sa simbahan ng San Agustin. Kagaya ng ibang parokya, basilica, at katedral sa bansa, sinusunod nito ang tradisyonal na cruciform plan. Sa dulong hilaga ay makikita ang narthex kung saan nakapuwesto ang dalawang bénetier o sawsawan ng mga daliri para sa pag-antanda. Sa dulong silangan naman ay matatagpuan ang altar, reredo at retablo kung saan nakapuwesto ang Krus (gitna), imahen ni San Agustin ng Hipona (kanan), at imahen ng Inâng Peñafrancia (kaliwa). Katabi ng altar ay ang dalawang transepts kung saan madalas pumupuwesto ang mga kumakanta sa misa.
Ipinagpatuloy ko ang paglinga-linga at ang paglakad sa naba. Sa aking pagtingala ay bahagya akong nasilawan sa mga bintanang pininturahan nga iba't ibang istastyon sa Krus. Agaw-pansin talaga ang mga ito.
Ilang metro mula sa narthex at sa gilid ng mga pasilyo ay makikita ang apat na kumpisalang yari sa kahoy. Dalawa sa kaliwa, dalawa sa kanan. Hugis kahon, walang bintana. Hindi dalawahan kagaya ng nakasanayan, kundi isahan. May bumbilya sa labas na nagpapahiwatig kung handa na bang magkakumpisal ang pari sa loob. May pinto.
Natigil ang paninintig ko rito nang biglang tumunog ang cellphone ko. Umugong ang jologs na Whats Makes You Beautfiul ringtone sa loob ng sagradong simbahan. Napalingon tuloy sa akin ang iilang nagdarasal.
Agad ko itong dinukot mula sa aking bulsa at sinagot. Kaibigan ko lang pala ang tumatawag.
"Hello, Al--"
"Buntis ka ba?"
Aba, napakagandang pamungad nga naman.
"Gusto kitang murahin, pero nasa loob ako ng simbahan," kalmante kong tugon. "Anong pinagsasasabi mo diyan?"
Humalakhak siya nang malakas, dahilan para ilayo ko saglit ang cellphone mula sa aking tenga, "Really now, Lau? Tinotoo mo pala talaga ang pagpunta sa simbahan? Buntis ka nga ata!"
"Baliw. Paano mangyayari 'yun kung wala akong jowa?"
"Duh! Hindi mo naman kailangan ng jowa para mabuntis. Kailangan mo lang ng tite. Okay? Tite."
Napasapo ako sa noo. Kung hindi ko lang talaga nakikita ang judgmental looks sa akin ni San Agustin ay minura ko na 'to nang katakut-takot.

BINABASA MO ANG
Kumpisal
RomanceIisa lang ang long-time crush ni Lauren at iyon ay si Sebastian. At kagaya na lamang ibang tao na malakas ang loob, naisipan niya na magkumpisal (ng feelings).