NAGKAKAGULO ang mga tao sa labas ng isang bahay na may kalakihan. Maraming media, pulis at mga nakikiusyuso lang. May isang helicopter na lumilipad at paikot-ikot sa bahay. Isang babae na halos buto’t balat na at maputla ang balat ang dinudumog ng mga reporter para tanungin. Lahat ay gustong makausap o mainterview ang naturang babae. Gustong mauna sa scoop.
“Tabi! Tabi! Tabi!” sabi ng isa sa dalawang pulis na umaalalay sa babaeng iyon papunta sa ambulansiya. Ngunit hindi sila makausad ng mabilis dahil sa kapal ng tao.
Akala mo ay may concert ang isang sikat na singer o banda sa sobrang dami ng tao na naroon.
Nakayuko lang ang babae habang may nakasaklob na jacket ng pulis sa kaniyang ulo. Hindi pa siya ganoon kasanay sa liwanag. Hindi pa rin niya kayang makipagtitigan sa mga tao dahil natatakot siya na gawin iyon. Nabibingi na rin siya sa ingay na gawa ng samo’y saring sinasabi ng mga taong naroon.
“Anong pakiramdam na ngayon ay malaya ka na?”
“Ano ang nangyari sa iyo sa loob?”
“Totoo bang naglayas ka at hindi ka naman talaga nakidnap?”
“Ano ang nararamdaman mo at pagkatapos ng halos sampung taon ay nakita ka na?”
Ilang lang iyon sa mga maraming tanong ng mga reporter sa kaniya.
“Tumabi muna kayo! Saka niyo na siya tanungin kapag naka-recover na siya!” bulyaw ulit ng pulis sa mga reporter.
Tila nakinig naman ang ilan kaya pinadaan na sila ng mga ito hanggang sa makapasok na siya sa ambulansiya. Doon ay isang babaeng nurse ang agad na tumabi sa kaniya at tiningnan ang kaniyang mata.
Umawang ang bibig niya. May gusto siyang sabihin. “M-may… m-may…” Nanginginig ang boses niya sa sobrang takot.
Kumunot ang noo ng nurse. “Ano 'yon?”
“M-may kasama pa ako sa loob ng bahay,” deklara niya.
-----ooo-----
TEN YEARS EARLIER…
“MAMA, ayokong mag-audition, okay? Ayokong mag-artista! Wala akong talent kaya hindi ko talaga linya ang showbiz. Ang gusto ko ay mag-aral ng nursing pagkatapos ko ng high school!” Nagdadabog na sabi ni Irene sa kaniyang ina.
Nagmamadali itong umuwi sa bahay nila na silang dalawa lang ang nakatira. Agad siya nitong pinuntahan sa maliit niyang kwarto habang siya ay nag-aaral para sa nalalapit nilang pagsusulit sa eskwelahan.
Nasa isang maliit na baranggay iyon sa probinsiya ng Laguna sa bayan ng Calamba. Simple lang ang buhay nila kahit silang dalawa lang ang magkasama sa buhay. Mag-isa siyang binbubuhay ng kaniyang ina sa pamamagitan ng pagbebenta nito ng ulam sa mga nagtatrabahong call center agent. Nagluluto ito ng ulam at may mga suki na ito na dito bumibili. Minsan naman ay suma-sideline ito bilang manicurista.
Alam ni Irene kung bakit siya pinag-aartista ng nanay niya. Maganda daw siya. Nakuha niya ang ganda niya sa ama niyang Russian na matapos mabuntis ang nanay niya ay hindi na dito nagpakita. Sa hiya ng nanay niya dahil sa nabuntis ito ng walang asawa ay umalis ito sa poder ng tita at tito nito na siyang nagpapa-aral dito noon. Ulila na rin kasi ang nanay niya sa magulang. Sa Laguna napadpad ang nanay ni Irene at dito na ito nagsimula ng bagong buhay.
Isa pang dahilan ng nanay ni Irene ay malaki daw ang kinikita sa pag-aartista. Mababago daw niyon nag buhay nilang dalawa. Ngunit ayaw talaga ni Irene ang ganoong trabaho. Hindi naman sa minamaliit niya ang mga artista pero bukod sa wala naman siyang talento ay mas gusto niya talaga ang mag-nurse. Gusto niyang makatulong sa mga may sakit at mapagaan ang loob ng mga ito.
BINABASA MO ANG
Chains
Mystery / ThrillerTatlong babae ang kinidnap ng isang lalaki. Ikinulong, inaabuso at pinahihirapan... Magawa kaya nilang takasan ang kadenang nakatali sa kanila?