MA'AMa

7 1 0
                                    

Matiyagang naghihintay si Mary sa kaniyang ina na nasa loob. Tapos na ang klase niya kaya dumiretso na siya sa lugar ng ina para sabay silang umuwi. Sinilip ni Mary ang ina na nakikipag-usap sa isang bata sa paraan ng pagsa-sign language. Tumango at ngumiti ang bata na siyang nagpangiti rin sa kaniyang ina.

Umayos siya nang upo at mula sa  kan'yang bulsa, ay kinuha niya ang medalyang napanalunan kanina. Ang painting na ginawa niya kasi na pinamagatan niyang "MA'AMa" na nagpapakita ng isang ina na nagtuturo gamit ang sign language sa mga espesyal na bata ang napili at idineklarang panalo. Sinulyapan niya ang painting na nasa tabi.

Bumukas ang pinto ng silid at naglabasan ang mga batang may malalaking ngiti. Hindi niya maiwasang mapangiti. Hindi kasi gaya ng ibang mga bata ang tinuturuan ng kaniyang ina. May mga deperensiya ito na hindi normal sa ibang bata pero kahit gano'n ay nagagawa pa rin ng mga itong ngumiti gaya ng ibang batang normal na masayang naglalaro.

May kumalabit sa kaniya, dahilan para mapatingin siya rito.

"Mama!" Tumayo siya't agad na kinuha ang bag na bitbit ng ina. Napatawa naman ang matanda dahil sa inasta ng anak. Sumenyas ang ina niya na nagpapahiwatig na, 'Halika, uwi na tayo anak.' Ngumiti siya rito at sabay silang naglakad.

Pagkauwi nila ay agad silang nagbihis. Nagtungo ang ina ni Mary sa kusina. Siya naman ay sa sala para gumawa ng mga takdang- aralin. Saktong tapos na siya sa paggawa, nang maamoy niya ang adobong niluluto ng ina kaya mabilis niyang isinalansan ang mga gamit.

"Hmmm... Amoy pa lang ulam na," magiliw na sabi ni Mary pagpasok sa kusina. Ngumiti naman ang kaniyang ina. Tumulong siya rito na maglagay ng baso at plato. Nang handa na ang lahat, ay sabay at masaya nilang pinagsaluhan ang pagkain.

Maingat na tinaob ni Mary ang huling basong binanlawan bago nagpunas ng kamay. Sa kan'yang paglabas ay naabutan niya ang ina na nakaharap sa laptop na abala sa paggawa ng lesson plan. Napansin niya rin ang kumpol ng papel sa tabi nito na paniguradong mga test paper ng estudyante niya.

Nagtungo siya sa kaniyang kwarto't kinuha ang painting at medal na nasa ibabaw ng kama.

Kan'ya itong nilapag sa tabi ng ina na umangat ang tingin sa kan'ya. Minwestra nito ang kamay na nagsasabing, 'Tingnan mo po mama.'

Tinanggal nito ang papel na nakabalot dito. Nang tuluyan nang mabuksan ay tumingala sa kaniya ang inang nakangiting lumuluha. Inabot niya ang medalya sa ibabaw at isinuot ito sa ina na mas lalong napaluha.

Gamit lamang ang mga kamay ay  ipinabatid niya rito ang gustong sabihin sa ina.

'Para sa iyo 'yan mama. Ikaw ang inspirasyon ko sa paggawa niyan. Pasensiya na mama kung wala akong magarbong regalo sa iyo, pero pangako pong babawi ako sa susunod. Maraming salamat po sa lahat. Mahal na mahal kita, mama.'

Mabilis siyang niyakap ng ina na ginantihan niya rin ng mahigpit na yakap.

"A... nak... k.. o"

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 14, 2018 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

MA'AMa (Dagli)Where stories live. Discover now