"Sorry, I'm late."
Sabi ko sa first period teacher namin na siya ring adviser namin. Hindi ko alam kung bakit kailangan ko pang sabihin 'yon. Kung bakit nagso-sorry pa ako kahit wala naman akong pakialam sa kanila. At kung bakit kailangan ko pa ulit pumasok sa school kahit sobrang huli na.
Ayoko ng ganito.
Mabuti pa noong bulag pa ako, hindi ko pa alam kung anong itsura ng plastik na mundong ito. Ilang taon makalipas ng operasyon ko at pinilit ako ng mga magulang ko na pumasok sa isang school. Dalawang buwan na akong hindi pumapasok simula ng first day of class kaya hindi pamilyar sakin ang mga mukha ng kaklase ko.
"Ma'am! Sorry I'm late!" sabi ng isang lalake na ngayon ay nasa kaliwa ko, hinihingal na para bang tumakbo ng ilang kilometro.
Hindi ko siya kilala, pero mukhang magkaklase kami.
Akalain mong may mas late pa sakin?
"Mr. Dela Fuente, alam mo na naman ang ginagawa ko sa mga late diba?" sabi nung pangit na adviser namin matapos tignan ng saglit itong Mr. Dela Fuente na classmate ko bago bumalik sa isinusulat niya sa pisara. "Pakisabi nalang kay Ms. Perez kung saan kayo uupo."
"Yes ma'am!" nakangiti niyang sagot.
Mukhang tanga.
"Good morning, Lian!" bati ni Mr. Dela Fuente sakin. "Dito tayo sa labas uupo hanggang last period. Ganoon kasi ang parusa ni ma'am sa mga late."
Tinignan ko siya na para bang unti-unting nahuhulog ang turnilyo sa utak niya. Seryoso ba 'to? Mukha bang gusto kong makipag-usap?
Nakangiti lang siya na parang tanga at hindi ko alam kung napansin ba niya ang pag-irap ng mga mata ko o sadyang hindi niya lang pinansin.
Gusto ko sana siyang tanungin kung bakit alam niya ang pangalan ko pero, ayoko.
Malamang kilala nila ang dakilang estudyante na dalawang buwan na ay ngayon lang nagpakita sa eskwelahan. Hindi na ako magtataka kung marinig ko ang pangalang Lian Perez sa kwentuhan ng mga butihin kong kaklase.
Kinuha ko 'yung armchair na nasa tagiliran at ipinuwesto ko ito malapit sa bintana bago ako umupo. Ganoon din ang ginawa niya at ipinuwesto ang armchair niya sa kaliwa ko.
"Bakit dalawang buwan kang hindi pumasok?" tanong niya na para bang matalik kaming magkaibigan.
Tinignan ko lang ulit siya dahil wala akong balak sagutin ang mga katanungan niya. Wala akong balak na makipag-usap sa kanya.
Ako naman talaga 'yung tipo ng tao na walang pakialam sa paligid. Mas gugustuhin ko pang mag-isa. Maraming nagsasabi na masungit ako at wala akong pakialam sa kanila. Ang importante alam ko kung sino ako at sapat na 'yon sakin.
Ngumiti na naman siya kaya hindi ko na lang siya tinignan. Mukha parin siyang tanga para sakin kahit na kung tutuusin ay bagay sa kanya ang ngiti niya. Sadyang hindi ko lang maintindihan kung bakit kailangan pang ngumiti ng mga tao. Simula ng ma-operahan ako, hindi na ako ngumiti ulit kahit kailan. Nawala na ang nag-iisang tao na rason kung bakit nagawa kong ngumiti noon.
"Ako nga pala si Liam." Akalain mo nga naman. "Ang galing no? Ikaw si Lian at ako naman si Liam."
Alam kong hindi na maipinta ang mukha ko dahil sa kaligayahan niya. May tao pala talagang hindi maalam makiramdam. Anong mahirap intindihin sa ikinikilos ko na ayokong makipag-usap?
Mukhang napaka-masiyahin niyang tao. Baliktad kami kaya ayoko sa kanya. Walang tyansang magkaron kami ng isang normal na pag-uusap. Laging siya at siya lang ang magsasalita at hindi ko naman siya papansinin.
BINABASA MO ANG
Sorry, I'm Late (Oneshot)
Short Story"Sorry, I'm late," sabi ko. One, two, three, four, five. "Ma'am! Sorry, I'm late!" sabi niya.