Hindi ba puwedeng sumikat ang araw sa kanluran? Lagi kasi akong ginigising ng sikat ng araw, mula sa bintana ko na nakapwesto sa silangan. Samahan mo pa nakaiiritang alarm na nanggagaling sa cellphone ko. Ascending pa naman, kaya masakit sa taingga. Babangon na naman ako sa higaan kong kulang na lang ay lumubog sa ako gitna. Makati pa buong katawan ko. Dahil na naman siguro sa bed bugs. Iaapak ko na naman mga paa ko sa sahig na hindi pa napo-floor wax ng ka-board ko. Pikit mata ko na namang titiisin ang lamig ng bawat buhos galing sa timba, minsan sa balde. Kukuha ng kahit ano’ng bagay. Lilingunin muna ang sarili at ngingiti. Puwede na ‘to. Late na naman ako. Ano bang bago?
“Moraita!” Tinatawag na ako ni kuya. That’s my ride. Mahilig akong sumakay sa dulo ng dyip, kasi hindi ko kailangan maging taga-abot ng bayad kay manong. Mas mahirap kasi trabaho ko. Kailangan mag-save ng energy. Sisignal si manong kung kalian ako magsa-sky dive pababa. Bilis kasi magpatakbo, parang tuloy ako nasa eroplano.
“Project 2 & 3!” Tatalon na sana ako, kaso nahiya ako sa ulo ng katabi kong nakapatong sa kanang balikat ko. “May Project 2 & 3 ba?” Mayroon kuya. Sadyang paralyzed lang ako sa katabi ko. Kinalabit ko s’ya at tumambad sa akin ang laway niyang nagmula sa balikat ko hanggang sa bibig niya. Kulang ang salitang kadiri sa nasaksihan kong krimen. Buti na lamang may dala akong panyo. Punas punas na lang.
Tumunog nanaman ang chime na parang bell ng nagtitinda ng sorbetes na nakasabit sa pintuan ng tindahan. Dami nanamang costumer. Yari nanaman ako nito kay bossing. Mabilis akong nakipagsisikan at pinatong ang self-made apron na may tastas sa tagiliran dahil sa kalumaan. Ngiti lang. “Palagi na lang late. Ano’ng kikitain mo niyan?” Nakapako nanaman ang tingin niya sa akin. Kinikilala nanaman ang tulad kong bagong dating. Ngiti lang. “Doon ka muna sa likod. Ayusin mo mga libro dun.”
Nag-umpisa akong tumulong sa pagbubuhat ng mga libro sa likod. Buhat dito, buhat doon. Maalikabok at punong puno ng agiw ang mga patong patong na libro. Dahil may hika ako, nagsuot ako ng face mask with ear loops. Habang nagliligpit ng kalat sa isang sulok, kapansin pansin ang isang libro. Medyo maroon at magaspang ang balat nito. May kalumaan din ang amoy at itsura ng mga pahinang kulay brown na. Kumuha ako ng basahan at pinunasan ang balat ng libro. Wala namang pinagbago. Buhat ng pagiging mausisa, umupo ako sa isang patong ng mga librong naayos ko na kanina. Pinunasan ko muli ang balat ng libro gamit ang mga kamay ko.
Nang mabuklat ko ang unang pahina ng libro, bumungad sa akin ang mahaba habang pagpapasalamat. Mangilan dito ay para sa mga naging kaklase at katrabaho ng sumulat. Mga apat na pahina ang tinagal ng pagpapasalamat. At nakarating na rin ako sa dulo ng simula. Mukhang seryoso ang sumulat nitong libro. Sinimulan niya ang kuwento sa “Liliko ba ako sa kanan o sa kaliwa?” Kumunot ang aking noo sa nabasa ko. Tinuloy ko ang pagbabasa.…Kung alam kong kahit saan ako magpunta ay hindi ako tanggap. Lilibutin mo ba ang mundong alam mong mapanghusga? ‘O mananatili ka sa piling ng mga brasong alam mong ligtas? Kahit alam mong pareho itong hahantong sa katapusan, sa dulo ng kuwento.
Hindi ko malilimutan ang unang araw ko bilang isang mag-aaral. Unang araw pa lamang ay pinagtawanan na ako. Kung kumilos daw ako ay iba sa kanila. Noong umpisa ay hindi ko pinapansin ang matatalas na dila at mapanakit na salita ng mga kamag-aral ko. Lumaki akong parang isang binging nakaririnig.
Isang araw, habang ako ay naglalakad papasok sa paaralan, may humarang sa aking tatlong matatangkad na lalaki. Lahat ay naka-uniporme at may dalang bag. Dire-diretso lamang ako sa nilalakaran ko palagi. “Hoy! Baliw! Hindi mo ba narinig sinabi ko?”, sigaw ng hinala ko ay pinuno nilang tatlo. Gaya nang lagi kong ginagawa, nagbingi-bingihan at nagpatuloy sa paglalakad. “Aba! Baliw pala talaga ‘to, e! Kinakausap nang matino, e!” Hinila ako ng mga brasong doble ng laki ng mga braso ko. Pinilit kong makawala sa hawak ng isa sa kanila. Nagulat na lamang ako nang maging bukambibig ng pinuno nila ang mga sulat ko. “A-akin n-na ‘y-yan…” pilit kong sinigaw ang mga salitang alam kong magpapatigil sa kanila. ‘Di ko mawari sa aking sarili, kung bakit hindi ko kayang tingnan sa mata ang kahit sino na kausapin ko. “Ang mga paruparo na lumilipad… binubuhay ang mga bulaklak na sumadsad… ano kaya ‘yun? Mali pa i-spelling ng paruparo. Dapat P-A-R-O-P-A-R-O! Baliw na nga, bobo pa!” Tama ang pagbabaybay ko. Walang gitling, isang U at isang O. Paruparo. Tinuro ito noong kami ay nasa ikaapat na baitang sa elementarya.
BINABASA MO ANG
###
Short StoryMatutong maging matanong. DISCLAIMER: Ang kuwentong ito ay likha lamang ng imahinasyon ng manunulat. Ang mga tauhan, lugar, at pangyayari, na maaaring kahawig ng sino at anuman sa totoong buhay, ay hindi sinasadya at hindi nakibahagi sa anumang akti...