Maulan na gabi, nagmadali akong maka-sakay sa huling bus na naroon sa terminal.
Sa bandang dulo ng mga upuan, isang espasyo. Ipagsisiksikan ko na naman ang sarili ko.
Napaupo ako ng biglang paandarin ni Manong ang bus kaya naman napalakas ang pag-dikit ko sa babaeng nakayuko.
"Sorry po."
"Okay lang."
Napakahinhin ng boses niya, sinubukan kong silipin ang kaniyang mukha ngunit nakayuko ito.
Isang oras ng ganoon ang sitwasyon, nakayuko pa rin siya. Nakakapagtaka na rin at wala itong kibo.
"Miss?" Ang hindi niya pagsagot sa tatlong beses kong pagtawag ay ikinabahala ko na.
Hinawakan ko ng walang pahintulot ang kaniyang leeg, napaka-init nito.
"Uy Miss? Ang taas ng lagnat mo, dadalhin kita sa ospital!"
"Hindi ko na kaya." Hinang-hina niyang sagot. Hindi ko man siya kilala ay ganoon na lamang ang aking pag-aalala, hinubad ko ang jacket kong suot at binalot ko ito sa kaniya.
Ipinahinto ko ang bus upang bumaba kami at dalhin siya sa pinaka-malapit na ospital.
"Boss? Kaano-ano mo?" Tanong ng konduktor sa akin, sa tingin nito'y may pag-aalinlangan kung anong gagawin ko sa babae.
"A-ah, girlfriend ko po. Masama ang pakiramdam, baka kung mapaano pa."
Ang takot sa aking dibdib, baka mauna pa akong mamatay sa babaeng kasama ko. Wala na akong maisip na sasabihin. Mukhang hindi naniwala ang konduktor.
"Babe tara na." Hinang-hina na pagsasalita ng babae, pagtataka ko at sinakyan niya ang sinabi kong girlfriend ko siya.
"Oh sige bumaba na kayo, naku. Mukhang nagtanan kayo ah." Pang-aasar ng konduktor.
Humawak siya sa aking bewang upang makapag lakad ng maayos, ganun din ang paghawak ko sa kaniya.
Ewan ko ba at pakiramdam ko'y girlfriend ko talaga siya. Sa unang pagkakataon na may babae akong hinawakan at humawak sa akin. Unang pagkakataon rin na magsabi ako ng 'girlfriend ko'.
"9pm na pala. Nagugutom ka ba? Anong masakit sa'yo?" Tanong ko sa kaniya.
Napakapit siya sa akin ng mahigpit, napaka-init ng kaniyang katawan.
Isang restaurant, pumasok kami doon at humanap ako ng upuan na magiging komportable siya.
"May ipit ka ba dyan?" Tanong ko ng maka-upo na kami, napatingin siya sa akin, kakaibang tingin.
Iniabot niya sa akin ang ipit niya, hindi man ako marunong ay inayos ko ang buhok niya at inipit ito.
"Ayos na, marunong pala akong mag-ayos ng buhok ng babae."
Tumawa siya sa mga oras na 'yun, umaliwalas ang kaniyang mukha, maganda siya, at may chinitang mata.
Nalaman ko na rin ang pangalan niya, Thea.
"May boyfriend kana?" Patawa kong tanong.
"Wala na, pero.." Hindi niya itinuloy ang sasabihin niya, at hindi na rin ako nagtanong dahil bakas sa kaniyang mukha ang kalungkutan ng itanong ko 'yun.
Alam kong sa kaunting panahon ay nagustuhan ko siya, ang unang beses na pagtibok ng aking puso para sa babaeng nakasabay ko lamang sa Bus.Ng matapos kaming kumain ay dinala ko na siya sa malapit na ospital, hindi ko man alam at kabisado ang lugar na 'yun, may natatandaan pa rin naman ako na nakatulong sa amin.
"Sir, girlfriend niyo po?" Tanong sa akin ng Doctor, "O-opo." Pagsisinungaling ko na naman, pero gustong-gusto ko.
"Anong nararamdaman mo?" Tanong naman nito kay Thea.
"Nahihilo po, nasusuka, hindi ko maintindihan." Sagot nito.
Hinawakan ng Doctor ang pulso nito, sa tingin pa lamang niya ay alam na niya ang sagot.Ang sinabi ng Doctor ay nagpahinto sa aking paghinga.
"Sir, congrats. Daddy kana."