Isang dilag na kay ganda, tampok sa isang banda
Sa templong banal, pook ng pagsamba
Suot isang magandang trahe de boda
Palamuti ay maliliit na tila diamante,
Nagniningning sa gara sedang pinasadya ang yari
Puting telang sagisag, walang bahid dungis sa babae
Sa kanyang yapak, sari-saring talutot ng rosas
Hagis-hagis ng mga mala-anghel na batang umaabante
Hawak niya’y bungkos ng mga bulaklak
Kay babango at kay ririkit na sadyang piñatas na bagong bukadkad
Habang sumusulong sa paglakad patungo sa altar
Maririnig ay anasan ng pagbati at pag-asam
Habang may sumisigaw ng “SA WAKAS” ikaw naman
Pagkatapos ng pagdiriwang ay hihigop ng sabaw
Sa dulo nitong daan ay naghihintay
Isang matipuno at kagalang-galang
Iniirog nitong dalagang nakasungkit ng kanyang pusong uhaw sa pagmamahal
Ngiti niya abot langit at titig ay nakatutunaw
Suot niya’y barong tagalog, kisig ay lumilitaw
Wangis niya ay tipong hindi kailanman malilimot pagdating ng araw
Kaagapag niyaring dilag, mga magulang
Inang umiiyak, dahil natatanging anak kamay
ay buhay iaatang sa lalaking natipuhan
Amang nanghihinayang apelyido niya’y mapapalitan
At umaasang natagpuan ng kanyang bunso isang taong di kailanman mang iiwan.
Nang iabot kamay nitong dilag, luha ay bumalong
Pagkatapos nitong pagdiriwang,
Isang bagong buhay ang haharamin at hamon.
Seremonyas ay nagpatuloy, rito ng kasal ay pinaglayon
Palitan ng singsing, basbas ng matrimonya ay nag ibayo
Tuwa’y walang pagsidlan, mga tao ay naghihiyawan
Sumaksi sa pag-iisang dibdib ng dalawang taong nagmamahalan
Ngunit isang pangyayari nagpawakas sa kasiyahan
Pagdampi ng unang halik ng asawa sa kanyang katipan,
Hindi man lang sumayad sa pulang labi walang sinumang pinag-alayan
Mabining hangin ay umihip, lahat ay natigilan
Parang hanging hinigop sa karimlan, dalagang puspos sa kaligayahan
Lahat ay namangha ng biglang maglaho
Sa bisig nitong makisig na binatang namimintuho
Dalagang sinisinta at pinangakong pang magpakailanman
Pagsasamang punung-puno ng pag-asa at pagmamahalan
Pangarap na nais kamtin, sa isang iglap ay naparam din.
Mata ko’y nabuksan, liwanag namasdan
Sa labi ko nakadampi isang puting unan
Isa pa lang panaginip tagpong pinanggalingan
Na waring sa kanina lamang ito’y nasa kaganapan
Isang masayang araw, puno ng tawanan at pag-iibigan
Ay natapos sa isang iglap lamang
Dahil ito’y isang katha ng isip lamang
At pusong umaasam sa isang magandang kinabukasan.
