Nakita Mo Ba Si Uriel?

297 17 10
                                    

Nakita mo ba si Uriel?”

Tinig ‘yon ng isang matanda sa may bangketa na malapit sa isang unibersidad sa maynila. Ang mga katagang ito ay sa tuwina’y maririnig mo kapag may napaparaang mga nakaunipormeng estudyante.

“Pakisabi naman umuwi na kasi hinahanap na siya ng kanyang ina.”

Ayon sa mga tao roon, ang matandang iyon ay matagal-tagal na ring namamalagi roon. Base sa pananalita n’ya, may hinahanap siya, ang pangalan ay Uriel na baka anak niya na naglayas at hindi na nagbalik. Iyon ang iniisip ng tanan na dahilan kung bakit tinakasan ang matanda ng bait. Noong bago lang ang matanda sa lugar, usap-usapan siya ng mga tao kung saan siya nanggaling o kung sino ang kanyang mga kamag-anak.Walang nakaaalam. Walang nangahas na lumapit at magbakasakaling magtanong. Walang nagtangkang magsayang man lang ng saglit na panahon. Nabubuhay ang matanda sa delehensya ng mga tao na kahit papaano ay nagmamalasakit sa kanya.

“Nakita mo ba si Uriel? Pakisabi naman umuwi na kasi hinahanap na siya ng kanyang ina.”

Sa daan-daang tao na bumabagtas sa kalyeng kinaroroonan ng matanda araw-araw, may isang  estudyante na nangangalang Rod ang nagkaroon ng interes sa buhay ng matandang pulubi. Sa kung anumang masamang hangin ang nagdala sa kanya sa ideyang iyon, pati siya ay hindi niya talos. Basta desidido siya. Ngunit ang malaking tanong ay ...Paano?

“... sa susunod na linggo ang deadline ng project ninyo ha,”  paalala ng propesor nina Rod sa Psychology. “Mag-ingat kayo baka mahawa kayo at  kayo na ang susunod na pag-aaralan. Hahaha!” pahabol na biro ng kanilang komedyanteng guro.

Pagkakataon na ni Rod makilala ang matanda. Ito na marahil ang sagot sa kanyang katanungan. Gagawa kasi sila ng isang dokumentaryo tungkol sa buhay ng isang mentally retarded o baliw. Alam na niya kaagad kung sino ang gagawin niyang sabjek – ang matanda sa bangketa.

Lima sila na gagawa sa proyekto. Si Rod ang inatas na maging lider. Hindi na niya hinayahan na magkaroon pa ng tanungan kung kaninong buhay ang kanilang pag-aaralan. Sumang-ayon naman ang grupo sa kanyang panukala.

Laki sa hirap si Rod. Siya ay nag-iisang anak nina Aling Rhoda at Mang Rudy na kapwa tindera ng kung anu-anong pagkain at chichiriya sa kalye. Kung minsan ay umeekstra si Mang Rudy ng pagwawalis sa kalsada. Lahat ay ginagawa ng mag-asawa para igapang lang ang pag-aaral ng kanilang unico hijo. Nariyan na mamalimos sa mga kamag-anak o dili kaya’y sa mga nagbabait-baitang pulitiko. Punong-puno ng pangarap ang pamilya ni Rod. Kahit na isang-kahig, isang-tuka lang, hindi naging hadlang ito para abutin ang kanilang pangarap – ang tuluyang makalaya mula sa pagkakasadlak sa kahirapan. Ngayon nga ay nasa huling taon na si Rod sa kolehiyo.

“Ako na lang ang hahawak sa videocam ha,” pagpiprisinta ni Noel.

“Ang tanong, paano natin siya makakausap?” si Shella ang nagsalita na nakaharap kay Rod.

“Hmmm... ako na ang bahala,” sagot ni Rod. “Dalhan natin siya ng pagkain para makalapit tayo sa kanya.”

“Sandali!” pakli ni Grace. “Hindi kaya siya nananakit?”

“Hindi naman siguro,” sagot ni Rod.

“Eh, ano pa ang hinihintay natin? Tara na!” yaya ni Bryan.

Tinungo na nga ng magkakaklase ang kinaroroonan ng matanda.

“Nakita mo ba si Uriel? Pakisabi naman umuwi na kasi hinahanap na siya ng kanyang ina.”

Naulinig na naman nila ang pamilyar na linya. Naroon na nga sila sa kanilang pakay.

Naroon ang matanda sa kanyang pwesto na malapit sa may poste at tinatanong na naman ang bawat estudyanteng dumaraan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 21, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Nakita Mo Ba Si Uriel?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon