Nagising si Grace sa kalampagan ng mga kaldero at sa lakas ng bunganga ng kapitbahay nilang si Aling Belia. Anu pa nga ba ang aasahan niya sa lugar nila. Nakatira siya sa Kalye Buntisan kung saan kalat din ang mga taong maluluwag ang turnilyo sa utak.
Nalipat sila dito noong magtatatlong taong gulang pa lang siya. Nalugi ang kaisa isang negosyong naipundar ng mga magulang niya kaya napilitan silang isanla ang mga napag-ipunan. Walang ibang choice kundi tumira sa mabaho, magulo at nakakalokang lugar na iyon. Bata pa lang siya ay ipinangako na niya sa sarili na iaahon niya ang pamilya sa hirap at aalis sila sa lugar na iyon. Kaya ngayon kahit halos gumapang na makapag-aral lang ng kolehiyo ay ginagawa niya.
Nag-aaral siya ng business management coarse sa isang pampublikong paaralan. Dahil masikap ay nakakuha siya ng dalawang scholarships. Malaking tulong na rin iyon para makaraos sa araw araw. Ang mga magulang niya ay pinagtatrabahuhan ang kaniyang pangbaon sa araw araw at ilang gastusin nila sa bahay. Tagalinis sa palengke ang tatay niya at nagtatahi naman ng basahan ang nanay niya. Ipinapangako niya sa sarili sa oras na makatapos siya ng pag-aaral at makakuha ng trabaho ay hinding hindi na niya pagtatrabahuhin ang mga magulang.
Eighteen na siya at nasa 3rd year college na din. Isang taon at kalahati na lang ang titiisin niya at naaamoy na niya ang tagumpay. Makakaalis na rin sila sa lugar na iyon. Sinilip niya ang mga kapitbahay na abala sa kung anu-anong pinaggagagawa. May mga batang nagtatakbuhan sa kalsada. Ang ilan pa sa mga batang iyon ay mga walang saplot at mga nakayapak. Habang ang mga nanay ng mga ito ay ayun sige sa pagtsitsismisan. May mga nag-iinuman ding mga tambay na hindi niya alam kung maaga lang o hindi pa tapos mag-inuman. Sa coart naman ay nagbabasketball ang mga pinagsama samang adik sa lugar nila. May adik sa marijuana, sa shabu at mayroon ding adik sa katol.
Pero hindi mawawala sa eksena ang mahaderang kapitbahay nila na si Aling Belia. Binabalibag na naman nito ng sari saring gamit sa kusina ang binatilyong anak nito. Nandoong magliparan ang mga kaldero, takip, sandok, plato, kung kaya nga sigurong buhatin ng matanda ang ref ay ibinato na rin nito sa anak. Habang si Karl naman na anak nito ay hayun at hawak hawak ang payong na malaki na ginagawang pansalag sa mga binabato ng ina nito. Hindi niya mapigilang matawa sa itsura ni Karl, ni hindi pa ata ito naghihilamos dahil halata pa ang tulo laway nito sa gilid ng bibig. Napatingin siya sa wall clock, pasado alas nueve na pala. Siguro ay nagalit si Aling Belia dahil sa katamarang bumangon ni Karl.
Kasing edad lang niya si Karl, pwede na ring sabihing magkababata sila… minsan. Madalas kasi ay bwisit siya dito dahil tuwing magkikita sila ay wala silang ibang ginawa kundi mag-asaran. Lagi siyang inaasar nito na may gusto dito. Nag-umpisa lang naman iyon ng ayain niya itong maglaro ng bahay-bahayan noong mga bata pa sila. Kaya inakala ng lalaki na gusto niya ito.
Aaminin niyang attracted siya sa lalaki pero wala siyang balak na magkagusto o mainlove dito. Ni hindi niya pinangarap na makasama ito sa buhay. Mahirap na nga sila mag-aasawa pa siya ng mahirap? Anu yon? Dadagdag lang sila sa populasyon sa Kalye Buntisan na laging may makikitang buntis na babae? Paano ba naman kasi hindi mga mabubuntis ay walang ibang ginawa kundi magtumbling sa mga kama nila. Pangarap niyang iangat ang pamilya at mag-asawa ng lalaking kalevel niya pagdating ng panahon. Hindi niya pinangarap na tumira habang-buhay sa lugar na iyon.
Malapit na siya ng kanto ng harangin siya ni Karl. Ang asungot ng buhay niya. Siguradong sisirain na naman nito ang araw niya. Pero ng mapagmasdan ito ay hindi niya napigilan ang humanga. Kahit naman kasi hindi niya gusto ang lugar nila ay nakakatuwang isipin na may gwapong nilalang na naninirahan dito. Walang suot na pang-itaas si karl at tagaktak ang pawis nito. Napansin niya ang baldeng may tubig sa tabi nito, nautusan pala itong mag-igib. Napatingin siya sa malalapad nitong dibdib na akala mo ay alaga sa workout. Hanggang sa dumako ang mata niya sa mukha nitong ngising ngisi.