Makikita ang saya sa mukha niya habang tinitignan ang pagkislap ng singsing sa daliri niya. Kitang kita ang mga dyamante na bumubuo sa singsing na iyon. Bagay na bagay sa maputi at makinis na kamay niya. Napatigil siya ng maramdamang may humaplos sa mukha niya. Hindi siya ang tipo ng tao na madaling matatakot sa mga ganoong bagay. Hinawakan kaagad niya ang balisong na nakaipit sa baywang niya, handa na sa kung ano mang pwedeng mangyari.
“Bulaga!!” Muntik na niyang maiturok sa bestfriend niyang si Kim ang balisong nang sumulpot ito sa ilalim ng lamesa. Buti na lang ay hindi nagdilim ang paningin niya at nakilala niya kaagad ang babae.
“Impaktita ka. Anong kalokohan to? Hyper sa power trip ah, gusto mo pa ata humabol sa araw ng mga patay?” inis na singhal niya dito bago bumalik sa maayos na pagkakaupo kanina.
“Masyado ka naman kasing seryoso diyan sa nakuha mong singsing. Kailan ba natin ibebenta yan?” Raket nilang magkaibigan ang maghukay sa sementeryo at nakawan ang mga patay na iniwan ng kanilang mga pamilya. Katwiran nilang dalawa, wala na namang makikinabang sa mga bagay na iyon kaya sila na lang ang makikinabang. Sila na lang dalawa ang magkasama sa buhay mula ng makatakas sila sa dalawang mag-asawang sindikato na umampon sa kanila. Masasabi ngang pwede ng gawing episode sa MMK ang buhay nilang magkaibigan.
Naiiwas niya ang kamay ng akmang kukunin ng kaibigan ang singsing sa kaniya. “Akin to!” sigaw niya na animo aagawan ng paboritong laruan.
“Oy Yesha, anong natira mo? Wala tayong panggrocery ngayon dahil madami ng bantay ang mga puntod. Kailangan na nating idagdag sa salapi yang kumukutikutitap sa kamay mo.” sambit nito habang pinipilit na kunin sa kaniya ang singsing. Ngunit sa di niya maipaliwanag na pangyayari ay biglang umigkas ang kamay niya at nagawa niyang mapatalsik ng malakas ang kaibigan. Tumama ang likod nito sa pader at nawalan ng malay.
Kumislap ang singsing at naramdaman na naman niya ang paghaplos ng kung sino sa kaniyang mukha.
Pagkatapos niyang iayos sa kama ang kaibigan at tiyaking maayos naman ang lagay nito ay saka siya lumabas ng bahay. Kailangan niyang maghanap ng pagkakaperahan upang hindi na pag-interesan ng kaibigan ang singsing na suot niya. Hindi niya masiguro kung ano ang mayroon sa singsing na iyon pero parang may bumubulong sa kaniya na huwag hahayaang makuha ng kahit na sino ang singsing.
Alas dos y media na ng mga oras na iyon ng madaling araw at dahan dahan niyang tinawid ang bakod ng sementeryo. Tama nga ang kaibigan na nag-uumpisa ng dumami ang bantay sa sementeryo dahil malapit na ang undas. Ngunit walang undas undas sa kaniya basta kailangan ng salapi. Ilang kakilala na niya ang nagbigay sa kaniya ng babala na huwag pagkakitaan ang mga patay ngunit wala siyang pakialam. Hindi naman siya mapapakain ng mga pamahiin at mga babala na sinasabi ng mga tao. Nang makarating sa dulong bahagi ng sementeryo ay napatigil siya, may sumindi kasing kandila sa isang puntod na dadaanan niya. Kahit hindi siya relihiyosang tao ay napasign of the cross kaagad siya. Hindi pa siya nakakahakbang muli ng umihip ang malamig na hangin sa likod niya. Indikasyon na may dumaan na kung sino, paglingon niya ay wala namang ibang tao doon bukod sa kaniya.
“waa-----------.” Nabitin ang sigaw niya ng may lalaking biglang bumungad sa harapan niya. Sa tagal niyang palipat lipat ng mga sementeryo ngayon lang may nagpakitang mumu sa kaniya. Hindi maaaring normal na tao lang iyon dahil kitang kita niya ang pamumutla ng buong mukha nito at ang damit nitong punong puno ng bahid ng dugo.
“Akin ka.. akin ka.. akin ka..” paulit ulit na sambit nito sa harap niya.Gusto niyang humingi ng tulong habang palapit ng palapit ang mukha nito sa kaniya ngunit parang tinakasan na siya ng boses at ni ang mga paa niya ay hindi niya maigalaw man lang. Wala ring pakinabang kung magawa man niyang dukutin ang balisong sa baywang dahil hindi naman niya magagawang saktan ang patay na. Unti unti itong palapit sa kaniya, ilang sandali lang ay hawak na nito ang kamay niya at inilapit ang bibig kung saan nakasuot ang singsing na pinagkakait niya kahit kanino. Ang mga sumunod na nangyari ay hindi na niya alam, sa sobrang takot at kaba ay nawalan na siya ng malay.