Byaheng U-Turn (short story)

21 0 0
                                    

Sapat na sigurong mabasa ang medyas kong pink, para sabihing trip ako ng nakangiting ulan sa mga sandaling ito. Minsan kahit hindi mo inaasahan, may pagkakataon talagang sinusubok ka ng panahon. Panyo lang ang dala ko na sakto lang talaga sa hugis ng ulo ko. Mabuti nalang black ang kulay ng shirt ko, at hindi mahahalatang lunod ito sa malalaking patak ng ulan.

"Last trip! Last trip!" sigaw ng barker.

Walang may lakas ng loob magkasakit, kaya nauna akong sumakay sa unahan ng jeep. Piniga ko ang panyo bago tuluyang humakbang papasok. Si manong driver na curious ang mga mata ang sumalubong sa akin.

"Doble ang bayad mo iho, sa dami ng bitbit mo wala nang uupo sa tabi mo" bungad nya.

Hindi ako sumagot. Binunot ko ang bente pesos na sukli ko pa sa nagtitinda ng mais na flavored margarine. Wala naman akong mai-rereklamo, dahil kulang nalang ay harangan ko ang side mirror ng jeep sa dami ng bitbit ko.

"Saan ka ba?" tanong nya.

"Sa bus station po. Yung byaheng maynila" sagot ko.

Hinawi ko pa ng sagad ang kurtina. laylayan nalang kasi ng luma kong pantalon ang hindi pa nai-invade ng ulan. Baka bago pa ako makarating sa bus station, e pwede na akong itlugan ng mga lamok.

Kapansin-pansin ang paglakas ng ulan. Nasa liblib pa ang kalye kaya may kadiliman ang daraanan. Hindi pa siguro sapat ang buwis na binibigay namin, kaya wala pang matinong ilaw na pwedeng ilatag sa lugar. Tuwing hakutan lang kasi ng boto, nagagawi si mayor.

"May bagyo ba?" wika ng isang ale.

"Natatakot ako sa kidlat mama!" singit ng bata.

"Yung mga panty ba nasamsam ni Inday?" bida ng misis sa kausap sa cellphone.

"Sinagot mo na sya?" kinikilig na wika ng dalaga sa katabi.

"Manong kulang sukli ko!" galit na sambit ng sabit.

Inaagaw ng pagod ang sigla ko, dahilan para isandal ang aking ulo sa tatlong patong ng mga bag na nasa kanan ko. Dinaan ko nalang sa pagsipol ang pag-aabang kung mananalo ba si manong driver sa pakikipagdigma sa galit ng panahon.

"Susmeyo!" palatak na sigaw ni manong.

"Flat tayo?" tanong ko.

"Maputik ang kalsada, kaya hirap sa pag-abante" dahilan nya. Hindi ko lang masabi na trenta pursyento nalang ay kakainin na ng kalawang ang jeep nya.

Wala sa tipo ko ang pumapel sa bagay na wala naman akong alam. Sa loob ng isang taon dalawang beses akong umuuwi ng siyudad, kaya alam kong may ibang daan pa para mabawasan ang pamumuti ng buhok ni manong.

"May alam akong shorcut. Kung hindi ako nagkakamali, malapit lang tayo doon" suhestiyon ko.

"Dalawapung taon na akong driver. Pero hindi ako nasanay sa madaliang daan"

"Sementado po kasi ang daan doon, walang lubak at hindi maputik" punto ko.

"Alam ko iho.." kalmante nyang sagot.

Lumagpas lang kami sa sinasabi kong shortcut, pero ni lingon ay hindi nya ginawa. Tamad akong makipagtalo, lalo't hindi pakikinggan ang panig ko. Tumahimik lang ako, at ibinaling sa pagtulog ang atensyon.

"Hindi mo kasi masasabing driver ang isang driver kung hindi nito kayang lagpasan ang mahirap na daan.." nakangiti nyang wika sa akin.

"Ano po?"

"Ang hirap kasi sa tao kapag may putik at lubak sa buhay, una agad iisipin ang umiwas. Kung may bagyo sa daan, dapat matuto tayong umabante kahit pa nakayuko"

Napangiti ako sa sinabi nya. Wala pala sa itsura ng tao ang nilalaman ng kanyang isip. Hindi ko napansin na maliwanag na ang paligid na dala ng naglalakihang bus sa terminal. Huminto na din ang malakas na buhos ng ulan.

"Terminal!" wika ni manong.

"Hindi ka pa ba bababa? U-turn na dito, babalik na ko para gumarahe.." tanong nya sa akin.

"Sasabay nalang po ako pabalik" nakangiti kong sagot, matapos ibulsa ang cellphone.

"Doble ulit ang babayaran mo"

"Ayos lang! Nag-text kasi si mama. Hindi naman daw talaga galit si papa"

Umarangkada ulit ang jeep, kasabay ng pagpahid ko sa luhang kanina pa nangingilid.

-end

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 23, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Byaheng U-Turn (short story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon