B.A.B.A.E.
Babae kang nilikha mula sa tadyang ni Adan
Hinubog sa iyo'y nakahuhumaling na katawan
Nakahahalinang tinig at mapupulang pisngi,
Katangian mong hindi maitatanggi
Sa paningin ay may nakabubulag na mga ngiti
Mga pasubaling nakapanghihina ng binti
Babae kang pumapagitan dito sa kamunduhan
Lason sa mahinang mga braso ni Adan
Maria Clara nga ba kung ikaw ay ituring?
O sadyang tapunan man din init ng katawan namin?
Ang ikaw ay titigan ay tila ba kasalanan
Ngunit ang pag-angkin sa iyo'y sapat na ba ang limang daan?
Babae ka mang nakapang-aakit
Sa mga kembot mong pumipilantik
Kailan ma'y 'di mo magagawa na ako'y mapa-ibig
Gumegewang 'di dahil sa kalasingan,
Kundi ang pagsayaw sa musikang nakamamatay...
Nakamamatay na kahihiyan,
Nakapandudurog ng tibay ng iyong dangal,
Dumurungis sa kalinisan ng 'yong katauhan,
Tumatapak sa pagkatao mong hinubaran ng kapalaran.
Sa entabladong sadyang nakasisilaw,
Grasya ng kasalanan ang iyong hapunan
Maya-maya pa'y kapiling mo na si Adan
Anupa't kasama ang kanyang kasabikan
At pikit mata mong ipasasaklaw
Ang 'yong hubad na katawan kung hindi...
Papaano na ang sikmurang walang laman,
Kumukulo sa gutom, umiimpis sa uhaw?
Babae kang nilikha mula sa tadyang ni Adan
Sinira na ba ng panahon ang taglay mong kagandahan?
Hinubog sa iyo'y nakahuhumaling na katawan
Tila yata hayagan mo itong ipinahihiram
Sa paningin ay may nakabubulag na mga ngiti
Ngunit bakit maging ikaw ay nabulag na rin ng salapi
May mga pasubaling nakapanghihina ng binti
Bakit ngayo'y sinasakal ka na ng pighati?
Habang binubusog ka ng karangyaan
Sa putik na iyong tinatapakan.
YOU ARE READING
-21215-
Teen FictionBabaeng nilikha mula sa tadyang ni ADAN na maligaya na sa limang-daan... paano na lang ang 'yong kinabukasan?