"Joey gising na!!". Ani Aling Rose na nakabihis na panggayak at handa nang umalis. Ang kanyang mukha ay nalipasan na ng panahon pero kung tambakan ng pulbos at mga burloloy ay hindi naman nalalayo sa espasol.
"Gising na, baka mahuli ka sa klase mo!!", dugtong ni Aling Rose.
Pupungay-pungay ang mga matang tumayo sa kinahihigaan si Joey. Baka hindi na naman tumigil ang kanyang ina sa kakadada.
Hindi maganda ang panahon ng araw na iyon. Nagbabanta ang malakas na ulan. Kahapon pa dapat gumala sa Kamaynilaan ang ulan na siyang sinabi sa balita ngunit mukhang malayo na naman ito sa katotohanan.
Ang maaliwalas na mukha ni Joey ay hindi bumagay sa panahon. Ang kanyang katawan ay malakas lakas pa tulad ng ibang kabataan. Ang kanyang mga labi ay mamula-mula at ang kanyang ilong ay may katangusan din. Hindi rin nakaligtas sa mga makakating dila ang sitwasyon ng mag-ina. Bali-balita na namana raw ni Joey ang kanyang mukha sa isang Amerikanong kostumer ni Aling Rose nang minsan ay may bumisitang mga sundalong Amerikano sa kanilang lugar.
"Pumarine ka na dito at kakain na tayo," ani Aling Rose na may kalamigan ang boses. Hindi na rin naghintay pa ng isang tawag si Joey at siya'y sumabay na sa pagkain.
"Joey, kamusta na nga pala yung pag-aaral mo?" tanong ni Aling Rose ngunit para lang siyang nagtanong sa isang pader.
"Anak kung susuwertihin ako ngayon ay ipaghahanda kita sa kaarawan mo bukas," dugtong niya.
"Bakit? San na naman ang punta mo?" tanong ni Joey na bumasag sa kanina pa niyang katahimikan.
"Magtratrabaho. . . . "
"Anong trabaho? Pagbebenta mo ng tilapia ha?!! Trabaho ba ang tawag mo dun?!! Sige!! ibenta mo yang katawan mo. Ipatikim mo sa lahat ng kalalakihan iyang tilapia mo!!!"
Biglang tumayo sa mesa si Aling Rose at sabay dumapo sa mga pisngi ni Joey ang mga palad ng ina. Natigilan silang dalawa. Lumatay sa mukha ni joey ang kamay ni Aling Rose. Ngayon lang nagkalakas ng loob si Joey para sagutin ang kanyang ina ngunit mukhang nabalewala lang ito.
"Magbibihis na ako," tugon ni Joey sa sampal ng kanyang ina.
"Anak, sorry! Hindi ko sinasadya."
Parang walang narinig si Joey at dumiretso na siya sa kanyang kwarto para magbihis.
Umalis ng bahay si Joey na parang walang nangyari. Sumakay siya ng jeep papunta sa kanyang napasukang unibersidad. Alam ng lahat na kahit nagbebenta ng laman ang kanyang ina ay nagawa nitong mapag-aral ang kanyang anak at hindi lang iyon, sa isang kilala at tinitingalang unibersidad pa ito naipasok.
Ala-una ng hapon ang pasok ni Joey sa UE kaya masikip ang daloy ng trapiko dahil ito ay kalimiting pasukan at uwian ng mga estudyante sa kolehiyo. Halos labing-limang minuto na ang lumipas bago niya marating ang dulo ng terminal dahil mabagal ang usad ng mga sasakyan. Bumaba siya ng underpass para sumakay sa kabilang kalsada dahil mas malaki ang nakakaing oras kung lalakarin niya ito.
Pinara niya ang unang sasakyang dumaan sa kanyang harapan. Wala gaanong pasahero ang jeep na iyon. Sumakay siya sa harapan kung saan katabi niya ang drayber. Lumipas ang sampung minuto ngunit hindi pa rin umaandar ang kanyang sinakyang jeep.