Hindi ko na siya nakikita ngayon. Mula nang unang makadaupang palad ko siya, nag-iba na ang aking pagtingin sa buhay—naging abala na ako sa pagbuo muli ng aking panibagong buhay. Sinasabi naman ng karamihan, hindi pa naman nila siya nakikita. Tantiya ko, naroroon pa siya, sa paborito niyang tambayan—at siguro'y hinihintay ako. Subalit, hindi ko na siya nakikita roon—doon kung saan tinuruan niya ako, hindi ng dunong pang-aklat, kundi isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan.
Isa siya sa pinakakaraniwang binabae na aking nakilala. Pareho kaming lalake ngunit ang pisikal niyang katangian ay animo'y sa isang tunay na dalaga—payat, matangkad, may mapungay na mata, may pulang labi, makinis na mukha, at balingkinitang katawan.
Hindi ko sana pagtutuunan ng pansin ang makausap siya at hindi sana ako kailanman magtatapat sa kanya ng anuman kundi lamang nahuli niya akong minsa'y umiinom ng alak at paunti-unti'y lumuluha; nang hapong iyo'y iniluha ng malambot kong puso ang hindi aakalaing suliranin ng matigas na kasarian. Sa isang bahay kubong hindi kailanman tinatangkang puntahan ng mga tao, pinilit kong doon lunurin ang sarili sa alak at lutasin ang aking suliranin sa pagluha. Doon niya ako natagpuan.
"May tao pa palang pumupunta rito, akala ko, ako lang ang madalas dito," wika niyang ikinukubli ang pag-aagam-agam sa tinig. "Tila may pinagdadaanan ka yata, baka makatulong po ako."
Hindi ako umimik bagkus tumagay pa ng likidong aking hawak.
"Markie nga pala. Taga diyan lang sa barangay Sinag. Harapan ng tindahan ni Aling Linda. Kung pupunta ka sa'min, magtanong ka lang dun kilala na nila ako," May namuong kurba sa kanyang mga labi. "Huwag kang mag-alala hindi kita aaluking sumali sa networking."
Ibig kong tumakas sa kanya, hindi dahil baka kung saan pa pumatungo ang aming usapan, kundi dahil sa kahihiyang dulot ng aking gawi sa kanyang kahinhinan. Sa maton kong pangangatawa'y ibinilang kong kahihiyan at kaabahan ang pagluha, lalo na sa, isang may pusong babaeng kagaya niya. Subalit, naumang na lamang ako sa aking kinalalagyan sa winika niya pagkatapos. Napatda ako at napaupong maayos sa aking kinalalagyan.
"Huwag kang mahiya, dito ka lang. Naparito rin naman ako upang umiyak."
Hindi ako nakawika pa ng anumang pangungusap sa katapatang naulinig ko sa kanyang tinig. Bigla-bigla, kinuha niya ang boteng aking hawak at uminom din ng kaunti—at narinig ko na lamang ang tinig sa pagtatapat ng aking suliranin.
"Pagiging bakla na ba ang pagsuot ng eyeglasses? Hindi ba pwedeng magbasa rin ng nobela ang mga lalake? Porke ba ganito ako, tatawagin na akong bakla? Dahil ba ganito ako, pwede na akong lalit-laitin? Dahil ba ganito ako kung bakit kinakalkal nila ang mga luma at stolen kong larawan sa social media para ipagkalat at pagtawanan?" Huminto ako upang kumuhang muli ng alak sa aking lalagyan.
"Palalampasin ko na lang sana ang lahat, ngunit, sumosobra na kasi talaga sila. Napakasakit na ng mga comments nila sa mga larawan ko na mas nagpasikat pa sa akin sa paaralan. O diba? Hindi dahil sa katalinuhan ako kilala kundi sa mga nakakatawa kong mga larawan." Unti-unti nang tumulo ang aking mga luha. "Heto nga ang epekto ng mga pinaggagagawa nila, umiinom na ako kahit hindi ko naman ito gawain."
"Kung magpakamatay kayo ako Markie, magiging masaya na kaya sila?"
Hindi ako makapaniwala sa kasagutang kanyang winika. "Gugustuhin ko sana e...kung ako ikaw. Subalit dahil ikaw ay ikaw, piliin mong mabuhay. Kung hindi man para sa sarili mo, para na rin sa mga mahal mo sa buhay...at isama mo na rin ako dun." Ngumiti siya, kinuha ang aking lalagyan at uminom muli.
YOU ARE READING
#makeITsafePH
Short StorySa mundong ating ginagalawan, ano nga ba ang mangyayari sa pananakit mula sa mga comment sa social media? Tunghayan ang kwento ni Markie at Kyle. Ito ang prompt sa #makeITsafePH writing contest tungkol sa online safety. Sana magustuhan po ninyo!