Linggo. Araw ng pahinga—literal. Nagkulong ako buong maghapon sa kwarto at inenjoy ang sensasyong dulot ng di-maispeling na amoy ng kumot at unan na may pa-add-on na tulo ng laway. Kakagising ko ng lang kaninang alas-kwatro. Muni-muni. Sulat-sulat.
Sa tuluyang pagsuot ng pajama ng kaninang bibong Haring Araw at tuluyang nahimbing sa kabilang kalangitan, dinampot ko ang aking cellphone. Wala man lang text. Walang tawag. Hindi nga talaga "cellphone" ang cellphone ko kundi alarm clock na lang. Minabuti kong buksan ang aking messenger at baka may makaalala sa akin. Pagkabukas, wala ako ni isang nakitang nakabold na contact name—lahat puro message pa noong Huwebes. Wala pa rin. Matamlay pa rin—mas matamlay pa siguro sa 26-year old na kaibigan ko na 2019 na ay wala pa ring jowa at kadate sa Feb. 14.
Gamit ang kakaibang sipa ng kasipagan ay minabuti kong patayin ang oras. Oo, ginusto kong patayin ang oras dahil sa kapagurang ibinigay sa akin ng oras ng pahinga. Nagpascroll up and down ako sa aking News Feed at unti-unting naumay sa shared posts at walang tigil na result ng OMG app ng mga friends kong daig pa ang isang charity sa pagshashare. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagpop ang isang chat head sa kanang bahagi ng aking phone screen mula sa hindi ko kilalang Pontio Pilato.
Shawn is waving at you. Tap to wave back. Time: 11:11 p.m.
Nagtatalo ang aking damdamin. Sasagutin ko ba o hindi? Gusto ng aking mga daliri na pindutin ang kamay sa screen dahil sa kapagurang dala ng walang kwentang pagiiscroll sa feed. Subalit, ayaw ng isip ko dahil sa ilang kadahilanan. Una, dahil baka napindot niya lang at iseen niya lang ako at nagpaasa pa sa aking feelings na may gustong makipagchat sa akin. Pangalawa, baka marketing strategy niya lang ito para iinvite ako sa binibuild niyang grupo sa isang networking. Pangatlo, baka mag-aask ng favor at magpapalike ng pageant photo o kaya ay group project niya sa school.
Binalot ako ng matinding katahimikan. 'Yung katahimikang gaya sa loob ng isang vacuum. At dahil ayaw ko sa lubhang katahimikan ay naipindot ng aking daliri ang kamay sa screen. Nanalo ang mga daliri sa pagtatalo.
Seen. Naghintay ako ng ilang saglit at nag-hello si kuya. Doon na nagsimula ang hindi inaasahang mahabang palitan ng...sabihin na nating blessing mula sa samahan ng mga bored facebook scrollers.
Shawn: Kumusta? Anong ginagawa mo?
Ako: Doktor ka ba? Bakit mo ako kinukumusta? Kung sasabihin ko bang sinusumpong ako ng boredom, may irereseta ka bang gamot? At bakit mo tinatanong kung anong ginagawa ko? Magulang ba kita o sadyang bobits ka lang para hindi maisip kung anong ginagawa ko habang nirereplayan ko ang random mong chat.
Shawn: Andami mo namang tanong...pero sige sasagutin ko. Oo, doktor ako. Doktor na maaaring magbigay lunas hindi lang sa nangangalay mo nang daliri sa kakascroll kundi pati sa puso mong namamasko na sa pagtingin ng ibang tao. Kinukumusta kita kasi sa tantiya ko'y wala pang nangungumusta sa'yo maghapon. Bored ka? Alam ko gamot diyan...kausapin mo lang ako mawawala na 'yan. Tinatanong ko ang ginagawa mo kasi baka may isinisingit kang gawin habang chinachat ako. Ako nga nagchachat sa'yo, tumatakbo na...ang puso ko papunta sa'yo. Hindi mo ako magulang, ngunit, magiging magulang pa lang ng bubuuin nating pamilya ng magkasama.
Ako: Andami mong hirit. Para lang malaman mo...bakla ako. Hindi kagandahan. Hindi cute na may maiksing buhok. In short, hindi nararapat sa personality ang mga pinagsasasabi mo.
Shawn: Sa tingin mo ba, kailangan mo pang maging maganda at cute upang magustuhan ka ng iba at pangaraping maging magulang ng bubuuing pamilya?
Ako: Aissshhh! Dami mong satsat at hirit. Marami nang naggagaganyan sa'kin. Wala nang iba sa mga pinagsasabi mo. Tsaka, kakilala mo lang sa'kin 'no? Kakikilala lang kita kaninang 11:11—na hindi ko naman winish sa mapaghimalang oras at numero.
Shawn: 'Yun ang akala mo. Kilalang-kilala na kita. Zandrius Angelo Garcia. 2nd year BA Communication. Feature Editor ng school paper. Kaibigan ni Glaiza, Alyssa, Abigail, Karl, at Michael. Nagdodorm sa Beljon's. Lumalabas ng dorm ng 7:30. Pero minsan 8:45. Hindi mo lang alam pero kilalang-kilala na kita.
Ako: Stalker ka ba? Ba't alam mo lahat ng 'yan? Sinusundan mo ba ako araw-araw, walang hiya ka! Bakit, ha?
Shawn: Oo. Stalker mo ako. At matagal na kitang gustong makausap at makasama ng personal. Sa mahigit dalawang buwan kong lihim na pagmasid sa iyo'y nabuo ang isang pagtinging hindi ko inaasahang mabubuo. Gusto kita Zandy. Gustong-gusto. Hindi ko alam kung bakit, pero noong una kitang nakita habang nakikipagkwentuhan sa iyong mga kaibigan sa harap ng iyong dorm ay nabihag mo na ang aking puso. Ang iyong tawa. Ang iyong ngiti. Ang iyong mga mata. Iba. Nakatutusok ng puso at mata. Kaya ngayon, naglakas loob akong ichat ka, nagbabakasakaling ako na ang kulay orange na harinang babalot sa mala-pugo mong puso.
Kinabukasan, nasa kalagitnaan ako ng pagiging gising at pagiging tulog nang biglang may kung anong tumutunog sa ilalim ng aking unan. Natulugan ko pala ang komag na si Shawn kagabi. Kinabahan ako saglit. Tapos na-excite. Kinabahan dahil baka bad stalker na pala siya at pinapaasa lang niya ako. Naexcite dahil iniisip ko kung ano na naman kayang hirit ang sasabihin niya sa akin umagang-umaga.
"Bumangon ka na...dahil liliwanagan mo pa ang umaga ko." Isa lang 'yan sa mga hirit niya na ibinungad niya sa akin. Hindi ko alam subalit ibang-iba talaga ng sense of humor ng taong 'to. Hindi lang tagos sa puso kundi hanggang sa aking hypothalamus.
Mabilis na nahabi ang mga mahalimlim na gabi at kami'y mas nagging malapit. Naging madalas ang aming mga late night conversations. At ang dating malamig kong pakikitungo sa kanya'y napalitan ng mas magaang pakiramdam at pagbabahagi ng mga personal na bagay-bagay. Sa loob ng isang buwan naming pagchachat, pagtetext, at pagtawag ay hindi kailanman siya nagmintis na gumuhit ng ngiti sa aking labi. At sa likod ng mga ngiting ito'y nagkukubli ang aking damdaming unti-unting nahuhulog sa kanya.
Time check: 11:11 p.m.
Siya: Zandy, isang buwan naman na tayong nagkakausap, pwede na ba kitang makaharap ng personal?
Hindi na rin mapigilan ang sariling makita siya'y pumayag ako.
Kinabukasan, binuhay ko lahat ng natutulog kong sipag upang maunang pumunta sa restaurant na sinabi niyang pagtatagpuan namin. Ngunit, nabigo ako. Mas nauna pa siya sa akin. Nasa malayo pa ako ngunit nakita ko na ang matikas niyang tindig na naghihintay sa akin sa napili niyang uupuan namin.
Gentleman. Joker. Sige...gwapo na rin. Ito ang mga bagay na hubad niyang ipinakita sa akin sa aming paghaharap. Batid sa kanyang mga salita ang kanyang kasiyahan sa pagkakataong ako'y kanyang makaharap na rin ng tuluyan.
Siya: Zandy, ngayong nakaharap na kita ng tuluyan...hindi na talaga ako magpapapigil pa. Mabilis man pero sasabihin ko na...pwede ba kitang maging girlfriend?
Napatda ako sa binitawan niyang mga salita. Sa sobrang pagkabigla'y nagdumali akong pumunta ng banyo upang tingnan ang ekspresyon ng aking mukha. Iniwan ko siya sa aming upuan nang wala ni isang imik. Hindi man lang nagpaalam. Sobra akong nabigla.
Pagbalik ko sa aming upuan...mas nabigla ako...wala siya, wala na rin ang aking bag.
Mala-movie like man ngunit nagmadali akong lumabas upang magbakasakaling mahagilap ko pa ang maitim niyang damit sa paligid ng restaurant. Pero...gaya ng mga nasa teleserye at movie, wala. Wala akong nakita.
Sa sobrang panghihinayang ay binaybay ko ang police station upang iblotter ang pagnanakaw na kakaranas ko lamang. Ibinigay ang mga impormasyong kailangan ng mga pulis at kung paano ko siya nakilala.
Upang ikompirma ang aking nagging blotter, inulit ng police ang impormasyong aking inilahad sa kanya.
Tiime check: 11:11 a.m.
Sa makabago at mapanlinlang na panahon ngayon, hindi talaga matalino na magtiwala ka lamang bigla sa taong kakikilala mo lamang sa social media kahit na sinasabi pa niyang may pagtingin siya sa'yo. Sa masalimuot na buhay ng mga taong babad sa internet at social media, ang kailangan ng bawat isa'y matalinong pagkilala at hindi mabilisang pagtitiwala sa mga taong maari kang samantalahin....at paasahin. Huwag tumulad sa akin.
YOU ARE READING
#makeITsafePH
Short StoryTunghayan ang kwento ni Zandy at Shawn kasama ang malikot na tadhana ng 11:11. This is a prompt sa #makeITsafePH writing contest tungkol sa online safety.