Nasa ikalawang taon tayo sa kolehiyo noong una tayong nagkakilala pero nung Froshies Orientation, nakita na kita. Sino bang hindi makakapansin sayo? E sobrang tangkad mo tapos may itsura ka pa. Yung tipo ko sa lalaki. Hindi ka matanggal sa isip ko noon. Sabi ko pa, sana maging magkaklase tayo kasi parehas lang naman tayo ng course kaso dahil sinuswerte ako, hindi yun nangyari kasi magkaiba tayo ng section. Nawalan na ako ng pag asa.
Pagdating ng second year college, nagulat ako nung makita kita sa room na pinasukan namin ng mga kaibigan ko. Akala ko nga yung kabilang section pa napasukan namin e. Yun pala, irregular kayo kaya napunta kayo sa klase namin. At ang nakakatawa pa, kaklase din natin sa subject na yon si Trina na schoolmate ko noong high school na napag-alaman kong kaclose mo pala. Nabanggit ko sa kanya na may crush ako sayo kaya ayon, inasar nya ako ng inasar sayo. Pinakilala pa. Tapos binibigay nya yung number mo sakin. Hiyang hiya na ako noon kasi parinig ng buong klase yung mga sinasabi nya. Napayuko na lang ako sa kahihiyan. At dahil nakayuko ako, sa phone ng kabarkada ko niya sinave yung number mo. Syempre, kunwari wala akong pakialam.
Sembreak. Kinuha ko sa kabarkada ko yung phone number mo. Tinext kita ng "Hi." Sabi ko hindi ka naman siguro magrereply sa unknown number kaya tinuloy ko yung pagtext saka kaya lang din ako nagtext para kako hindi ako mabored. Sembreak kasi tapos wala naman akong kahit anong plano. Ibig sabihin, nasa bahay lang ako buong bakasyon.
Pero hindi ko alam na sa simpleng text pala na yon magsisimula ang lahat.
Nagreply ka. Nagpakilala ako. Nagkwentuhan tayo. Nag usap tungkol sa mga sarili natin. Hanggang sa dumating sa puntong araw araw na tayong magkatext, magkausap sa phone, o di kaya e magkachat. Sobrang saya ko noon. Sino ba namang hindi sasaya kung yung crush mo kaclose mo na di ba? Parang isang panaginip lang. Ni sa hinagap, hindi ko inaasahang mangyayari to. Sobrang imposible kung iisipin pero posible pala.Walang araw na hindi tayo magkausap. Yung tipong kulang at hindi kumpleto ang araw ko kung hindi tayo nagkakausap. At dahil don, lumalim itong nararamdaman ko para sayo. Ang sweet mo kasi. Tapos kinakantahan mo pa ako lagi tuwing magkausap tayo. Alam mo bang ang pinaka-paborito kong kinanta mo sakin ay yung "Baby, now that I found you"? Parang sasabog yung puso ko sa sobrang saya.
Natapos ang sembreak. Akala ko doon na rin magtatapos kung ano mang meron sa atin. Akala ko kasi kaya mo lang ako nireplyan at inentertain nung sembreak e kasi bored ka. Yun pala hindi. Nagkamali na naman ako ng akala kasi nagtuloy tuloy kung ano mang meron tayo. At nito lang, narealize ko na lang na mahal na pala kita.
Hindi ko sinabi yung nararamdaman ko para sayo. Natatakot kasi ako na one sided lang to. Kumakain tayo sa labas minsan after school. Sabay nagrereview pag may quiz o exam. Pag magkachat tayo, palagi ka ring nagsesend ng pictures. Selfie mo pag nagttoothbrush ka, workout, o kaya OOTD mo pag aalis ka ng bahay. Minsan pictures mo nung bata ka o kaya ng mga alaga mong aso ang sinesend mo sakin. Minsan pictures din ng mga lugar na napuntahan mo. Mahilig ka rin kasi sa photography gaya ko. Isa sa mga bagay na nagustuhan ko sayo.
Madalas ako yung palaging unang nagtetext sayo. Kaya isang beses, tinry kong wag unang magparamdam sayo. Ayun, tinadtad mo naman ako ng text. Sabi mo pa miss mo na ako. Tinanong mo pa ako kung galit ako sayo kasi hindi kita tinetext. Syempre sabi ko naman hindi ako galit. Napaka-imposible ata nong mangyari. Hindi mo kasi alam kung gaano kita kamahal. Sobra pa ata sa sobra. Hulog na hulog na ako. Ang tanong, sasambutin mo kaya ako?
Hindi ikaw ang unang lalaking minahal ko pero ikaw ang kauna-unahang lalaking nagparamdam sa akin kung ako gaano ako kahalaga sa kanya. Wala ka mang sabihin pero nararamdaman ko naman.
Anim na buwan. Lumipas ang anim na buwan at ganoon pa rin tayo sa isa't isa. Sweet sa isa't isa pero walang label. Sabi ko pa minsan sa mga kaibigan ko, okay na ako sa ganito. Masaya na ako sa kung ano mang meron tayo. Wala ngang label pero ramdam ko namang mahalaga rin ako sayo. Actions speak louder than words ika nga.
Pero hindi ko inaasahang dadating yung araw na ang lahat ng ito, matatapos na. Bigla ka na lang hindi nagparamdam. Hindi namamansin. Sobrang lungkot ko at sobrang sakit sa puso. Umiiyak ako sa mga kabarkada ko. Lahat sila galit sayo. Gusto kitang puntahan at habulin para magkausap tayo. Para itanong kung ano bang nangyari. Kung bakit bigla kang nawala. Pero hindi ko magawa kasi baka sumbatan mo lang ako. Hindi naman kasi tayo. Ni minsan, hindi mo rin binanggit sakin kung anong nararamdaman mo para sa akin.
Isang beses, sinagot mo yung tawag ko. Sa wakas. Hindi ko mapigilang hindi umiyak. Miss na miss na kita. Tinanong kita kung bakit bigla tayong nagkaganito. Wala kang ibang sinabi at sinagot sa akin kundi "Merong better person na dadating sa buhay mo at hindi ako ang taong yun." Ang gago lang di ba? Sorry, pero sino ba namang hindi mapapa-curse sa sagot nya? Sino ba sya para magdecide ng ganon? At saka, bakit ba nya iniisip na may better person pa kesa sa kanya? Why not just live in the moment di ba? Hindi yung ganon yung mga iniisip nya. Pero kahit anong pilit ko sa kanya na sabihin kung ano talagang rason nya, ayun lang ang nakuha ko.
Ang isa sa mga pagkakamali ko, itinatak ko na agad sa utak ko na tayo na agad hanggang sa huli. Nakalimutan kong wala nga palang tayo.