Chapter 18

50.5K 1.8K 455
                                    

More Than Anything

Maingay na naman silang tatlo habang naglalakad kaming anim papunta sa lupain nila Israel. Nagrereklamo pa si Freddie na natatakot daw siya kay Israel at baka bigla siyang masuntok pero hindi niya rin mahindian ang meryenda.

"Ano ba talaga kayo Trace?" tanong ni Roel sa akin nang magbalik ulit kahapon ang eksena sa aming isipan.

"Kaibigan?" Hindi ko siguradong sagot dahil maski ako ay napagtanto ang bagay na iyon.

"MU sila ni Trace... Gusto siya ni Israel Roel," si Rinka na ang sumagot na akala mo ay totoo iyan.

"Hindi!" sagot ko agad at umiling iling pero ang mukha ng mga lalake ay tila iyon na ang pinapaniwalaan.

"Oo may gusto si Israel kay Trace at si Tracey lamang ang manhid at hindi marunong makiramdam. Palibhasa tagabundok," natatawang biro ni Cecille sa akin na ikinatawa narin ng dalawa.

Sumimangot ako at hindi na sila maawat sa kanilang mga akusasyon sa amin ni Israel.

"Ayaw mo kay Israel, Trace?" tanong ni Freddie.

Binangga ako ng marahan ni Rose.

"Asus... Crush mo rin iyon eh!" mas asar niya pa sa akin at malaki na ang ngisi.

"Hindi nga raw sabi ni Tracey," si Roel na mismo ang sumagot at iritado pa habang nasa bulsa ang mga kamay.

Umabante pa si Rinka sa paglalakad hanggang sa dungawin niya ang mukha ni Roel at natatawa itong tinuro turo.

"Nagseselos ka ata eh!"

"Tigilan mo nga Rinka." Hinawi niya ang kamay ni Rinka at naiinis na nilagpasan ito.

Humagalpak ng tawa ang tatlo habang napakurap naman ako. Hinabol agad ito ni Freddie at inakbayan pa.

"Ano? Gusto niyong kumpirmahin kung gusto ni Israel o hindi si Trace?" Makahulugan na ang ngisi ni Rinka nang malapit na kami sa lupain.

"Paano?" tanong ni Cecille habang sinusuklay ang buhok gamit ang kanyang mga daliri.

"Simple lang! Paselosin natin!" May pagesture gesture pa ito sa kanyang kamay sa kanyang naisip.

"Oo nga 'no?!" Napapalakpak na si Rose at mukhang sang-ayon sa ediya ni Rinka.

Umiiling iling na ako pero hindi ako pinapansin at tatlo at masyado na sila nadadala sa pagsasaya. Nakagat ko ang pang-ibaba kong labi at kinabahan sa kanilang binabalak. Mabibigo lang sila. Hindi naman iyon magseselos. At masasampal lamang sa akin ang katotohanang iyon.

"H'wag na... Hindi naman iyon gagana," pigil ko.

Lumukot agad ang ekspresyon ni Rose sa akin.

"Gagana iyon, Trace! Kahapon nga halos saksakin niya si Roel sa matalim niyang mga mata!" paglilinaw niya.

"Kaya nga papaselosin natin para malaman, Trace..." si Cecille.

"Oo. De bale nang matapon tayo paalis sa kanilang lupain! Debale nang malagot tayo," tumatawang sabi ni Rinka.

Si Israel...magseselos? Parang napaka-imposible.

"Ayun na!" Itinuro agad ni Rinka ang pamilyar na imahe ng kung sinong nakaupo roon at hawak hawak na naman ang kanyang pulso habang nakapiko ang mga hita.

"Nakabukaka agad oh... Handang handa." Humagikhik si Cecille.

Nilingon ako sandali ni Roel na ikinangiti ko ng tipid sa kanya. Nahihiya itong nag-iwas ng tingin at binatukan naman agad si Freddie na nagulat pa. Tumawa lamang si Roel.

Shade of Love (Buenaventura Series #4 Ineryss' Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon