Makinig ka lang kaibigan>>

1.1K 59 26
                                    

Ako si Pindoy...taong grasa ang tawag nila sa akin...pero wala namang grasa ang katawan ko...dumi at putik meron...pero grasa wala naman.

Dati akong teacher sa isang unibersidad...dyan lang sa tabi tabi...sa may Katipunan. Bakit ako nagkaganito? Magandang tanong yan kaibigan. Iniwan kasi ako ng asawa ko...este, pinalayas pala nya ako...kasi may iba na syang lalaki. Saklap no?  Bakit nya ako pinagpalit sa iba? Wala lang daw...uso e...kailangan lagi daw syang in. Pero ok lang. Naisip ko mas mapalad pa ako. Mas mapalad ako sayo kaibigan...at sa ibang mga tao.

Teka lang wait...ihihinto ko muna ang kwento ko ha...pipikit muna ako..(pikit...pikit...pikit! tik tak tik tak)

Bakit ako pumikit? May dumaan kasing babae...naka mini skirt...yun bang usong pang Koreanang palda. Dito kasi ako nakatira sa ilalim ng footbridge na green. May mga butas ang pagitan ng hagdan kaya pwedeng manilip. Pero hindi ko ginagawa yun. Choice naman kasi ang pagkakasala...yung iba todo ang tingala pag may nakitang umaakyat na maikli ang palda. Ewan ko ba naman kasi sa mga kababaihan ngayon...iba rin ang trip...tapos pag nabastos galit! Dumadami rin ang kaso ng rape dahil minsan halos ilabas na ng mga babae ang lahat ng pwedeng ilabas. Pero hindi pa rin naman makatwiran ang manggahasa kahit pa nakabilad na ang katawan ng ilan. Katwiran lang yan ng mga manyak. Pwede namang pumikit para wag makita. Hay naku!

Libre ang bahay ko...konteng pagpag lang sa karton ayos na. Hindi ko na kailangang mangupahan ng halos kalahati ng sahod mo ang halaga. Tapos pag may bahay ka at nagtatrabaho ka, kailangan may kasambahay ka rin...kasi walang mag-aasikaso sa mga anak mo at sa bahay mo. Si inday mas malaki pa ang net income sayo no? Paano libre na ang pagkain nya sayo ng agahan, tanghalian at hapunan. Ikaw naman bibili ka ng pagkain mo sa trabaho. Tapos libre din ang miryenda nya, dami kasing pagkain ni junior. Libre din ang kolorete ni inday no? Bukas naman kasi ang drawer mo. Saka load? Kasi kailangan mo sya loadan para may pang text sya sayo kapag emergency...yun pala si dudung ang ka textmate. Pag may lovelife pa si inday, doble pa ang kunsumo nya sa pagkain...kasi pag-alis mo sa bahay matic na yun, kain na din si dudung. Hay...swerte din pala si inday na tulad ko! 

Wala akong trabaho, kaya hindi ako pagod. Kakayod ka maghapon tapos wala rin namang mangyayari sa sahod mo kasi andaming kaltas...mahal pa ng bilihin. Swerte ko din kasi wala akong tax. Sayang lang din kasi ang tax mo minsan, hindi mo naman napapakinabangan. Ipinambili mo na lang sana ng ulam, may napala ka pa. 

Pasensya na ha, medyo madilim nang konte tong ilaw ng poste na nakatapat sa akin...wala naman kasi akong sariling linya ng kuryente. Ok lang naman sa akin...atleast hindi ako nagbabayad ng system loss...ninanakaw ng iba ikaw ang magbabayad! Kaasar di ba? Wala rin akong gripo ng tubig...sa ulan lang ako naliligo...libre pa. Nakikiinom na lang ako sa tindahan ni aling Petra, dyan sa kanto.

Kahapon alam mo, may holdaper na dumaan dito...nagbigay pa ng limos na limang piso sa lata ko. Tapang ng hiya ng bruho...dun nya pa kinuha sa wallet ng babae...kitang kita ko. Sinoli ko nga...choosy kaya ako...ayaw ko kumain ng nakaw. Kawawa yung babaeng naholdap nung ungas...mamahalin daw ang cellphone na nakuha sa kanya...tapos malaking halaga ang nasa bag nya...tapos bag nya pa lang daw kinse mil na. Mabuti pa ako, iwas holdap. Wala naman kasing makukuha sa akin kundi tong lata ko...saka karton. Swerte ko rin ano?

Nakinood ako ng tv sa tindahan ni aling Petra nung nakaraang araw...maraming balita sa mga politiko. Naku swerte ko kasi hindi ako bumoboto. Naisip ko kasi kung sakaling bumoboto ako, tulad mo,  iboboto ko rin yung paborito kong action figures...este action stars pala. Kung nagkataon, hindi ako makakatulog ngayon, kasi makokonsensya ako sa nagawa kong pagkakamali.

Ay teka wait lang ulit ha...may nagbigay ng limos sa lata ko...isang daang piso...susuklian ko lang. Fifty pesos lang naman kasi ang kailangan kong halaga sa maghapon...may sampung piso na sa lata ko, kaya sinuklian ko sya ng sixty pesos. Tama ba ang compute ko? Ayokong sumobra ang pera ko. Minsan kasi, pag sobra sobra ang pera mo, kung anu-ano na lang ang naiisipan mong bilhin...kahit hindi naman importante. Minsan naman, pag nakatikim ka ng konteng karangyaan...you will ask for more...and more...and more. Uy english na yan ha...teacher nga ako dati di ba? Para bang hindi ka na makuntento sa kung anong meron ka. Hanggang sa mangamkam ka na ng pag-aari ng iba...hanggang sa magnakaw ka...kahit sa kaban ng bayan. Kaya ako, fifty pesos lang, sapat na araw araw.

Noon ding nakaraang araw, nakisilip din ako sa cellphone ng tricycle driver na si Max...paradahan kasi dyan sa kanto. Nag fe-facebook sya. Naku, andaming selfie ng mga kaibigan nya. Sabi nya sa akin magseselfie din sya...habang inaabutan nya ako ng pera...tapos ilalagay nya daw sa selfie nya "I'm helping the needy". Walastik din itong si Max...mas kailangan nya pa yata ng tulong kesa sa akin. Mas malala pa ang kalagayan nya sa tingin ko.

Narinig ko rin sa kwentuhan ng mga drivers, si Teban daw nag suicide sa Saudi. Dati din yung driver, nagpunta sa Saudi para malaki daw ang kita. Ang kaso mo, nakita nya sa facebook selfie ng kumpare nya na suot nito ang brief nya...may tatak daw kasing "TEBS" ang garter nun...sya ang naglagay nun kaya alam nya. Asus...nag suicide agad, baka naman pinahiram lang ng asawa nya yung kanyang brief sa kanyang kumpare di ba? Baka basa lahat ng brief nung kumpare nya, kasi ang hirap magpatuyo ng sinampay kapag tag-ulan. Buti na lang wala akong facebook...wala akong sakit ng ulo.

Alam mo mas maikli ang araw ko kesa sayo. Bakit? Ang binibilang ko lang kasi yung lucid interval ko...madalas sampung oras lang akong matino. Yun lang ang mga oras na natatandaan ko, kaya tuloy ang ikli ng oras ng isang araw ko.

O kaibigan, anong masasabi mo? Mapalad ako di ba? Minsan subukan mong maging ako...pag na-enjoy mo ang life ko, pwede kang makitabi dito sa karton ko...kasya ka pa naman.

Hoy...kaibigang pusa...kanina pa ako kwento nang kwento sayo bakit di ka nasagot? Ano? Mapalad ako di ba? Swerte mo kaibigan mo ako! Nakakain ka na ba? Tara...kain tayo kila aling Petra...hingi tayo ng sabaw. Bukas ikaw naman ang magkwento ha...

"MIYAWWWWW!"... :)

_________________________ OOO )))

Point of View ng TAONG GRASATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon