Chapter 16

36.4K 603 0
                                    

NANG hapong iyon ay nagpasama siya kay Nana Inez sa dating tinitirhan. Sandaling nakipagkumustahan sa landlady at sa mga dating kasama sa kuwarto. Pagkatapos ay nagpunta sa dating pinapasukang opisina. Inayos ang dapat ayusin at humingi ng referral letter kung sakali at kailangan na niyang maghanap uli ng mapapasukan.

Ganoon pa man ay sinabi ng boss niya na kung sakali at handa na siyang magtrabaho ay maaaring may puwesto siyang pupunuan. Nakadama ng kasiyahan ang dalaga sa sinabi ng boss niya. Kahit paano ay natitiyak niyang hindi siya gaanong mahihirapan sa paghahanap ng panibagong mapapasukan.

Dahil sa traffic ay mag-aalas-sais na nang makauwi sila ni Nana Inez. Napuna ng dalagang naroon na ang kotse ni Anthony. Naunang umalis ang kasintahan kanina. Isang hindi kilalang sasakyan ang kasunod ng kotse nito.

"May bisita ho ba si Anthony, Nana Inez?" inabutan ng bayad ang taxi driver.

Bahagyang kinabahan ang matanda. Ang Montero ni Angelo ang nasa garahe. "Kay... kay Angelo ang sasakyang iyan, hija."

"Oh!" Bigla ang pagkaba ng dibdib niya. Kung saka-sakali ay malalaman niya ngayon kung anong welcome ang ibibigay sa kanya ng kapatid ng kasintahan.

Tumayo ang dalawang lalaki nang pumasok sila. Sandaling nahinto sa paghakbang si Wilna. Pinaglipat-lipat ang tingin sa magkapatid. Hindi niya mapigil ang di-mamangha sa pagkakahawig ng dalawa.

"Saan kayo nanggaling ni Nana Inez?" Si Angelo na hindi napigil ang sarili. Wala pa sa kalagayan sa akala niya si Wilna na mamasyal.

Naningkit nang bahagya ang mga mata ni Wilna sa nahihimigang galit sa tinig ng lalaki. Si Anthony ay amused na pinaglipat-lipat ang tingin sa kapatid at sa kasintahan. Natitiyak nitong ang buong akala ni Wilna ay ito ang nagsalita.

Marahang humakbang ang dalaga patungo kay Anthony at kumapit sa braso nito habang hindi humihiwalay ang tingin kay Angelo.

"Hindi mo ba ako ipakikilala sa kapatid mo, Anthony?" saglit niyang sinulyapan ang binata at muling ibinalik ang tingin kay Angelo.

"P-paano mong nalaman kung sino ang sino sa amin?" manghang tanong ni Anthony sa kasintahan.

Isang matabang na ngiti ang isinagot ng dalaga. "Inaasahan mo bang hindi ko man lang matutukoy ang sarili kong kasintahan?"

"Oh, well... maraming mga tao ang..."

"I can't be fooled. I can easily identify you both."

Marahang umubo si Angelo. "That's strange. Maliban sa mga magulang namin at kay Nana Inez ay wala pang ibang tao ang agad na nakapagtukoy kung sino ang sino sa amin."

"Hindi ako ang ibang tao, hindi ba, Anthony?" Tiningala niya ang binata.

"My brother, Wil. Si Angelo, my fiancée, si Wilna," pagpapakilala ng binata at gusto nitong matawa sa sitwasyon.

Ikaw, Ikaw Ang Iniibig Ko by Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon