B

1 0 0
                                    

Tuwang-tuwa ang hepe ng distrito nang malamang nadakip na ang isang notorious na serial killer ng syudad. Bukod sa karangalang ibibigay nito sa distrito at sa kanya, ang anak niyang nakahuli sa nasabing kriminal ay makakakuha ng reward money at magkaka-tyansa sa inaasam-asam na promotion.

"Congrats, Sloane! Balato naman d'yan."

"Kaya nga. May posibilidad ka pang ma-promote, oh. Wala bang painom?"

Pinanood ko siyang halata ang sobrang kasiyahan sa natatamasang atensyon mula sa mga kasamahan namin sa istasyon. Napangisi ako. Ano kaya ang sasabihin ng mga damuhong ito kung isisiwalat ko sa kanila ang katotohanan?

Naiisip ko pa lang ang posibleng mangyari ay natutuwa na ako.

Lumapit ako sa kumpol nila, nang mapansin niya ako ay agad niya akong ginawaran ng ngiti. Ngumiti rin ako pabalik.

"Dawn, bakit?" Tanong niya nang mapansin ang hawak kong files. Agad ring nagpaalam ang ibang nakakumpol sa kanya para sa kanilang mga gawain. Sayang. Maganda sana kung may makakita ng mangyayari sa nakangiti niyang mukha matapos ang aking sasabihin.

"Sloane, pwede bang ikaw ang mag-interrogate sa kanya?" Tanong ko habang ipinapakita ang files para sa kriminal na kanyang nahuli.

"Ha? Bakit ako? Hindi ba 'yon ang trabaho mo?" Ang masiyahing mukha ay napalitan ng takot at pangamba, halata ang biglaang pamumutla.

Pinigilan ko ang pag-ngiti. Sinasabi ko na nga ba't tama ako.

Kita mo, Dusk? Ito ang babaeng mahal mo. Ito ang babaeng pinaglaanan mo ng lahat, pero ni hindi ka kayang makausap o makita ulit.

Kagaya ng mga pusang 'pag ayaw na ng may-ari ay ililigaw, iniwan ang musmos na Dusk Silveterrio sa lansangan ng kanyang mga magulang.

Ang pamilya ko ay hindi mayaman. Nagtitinda ng mga kandila at kung anu-ano pa ang aking Inay sa may harap ng Quiapo. Tuwing wala akong klase ay sinasamahan ko siya, at doon ko nakilala si Dusk. Kung sino-sinong tindera ang tinutulungan kapalit ng kakarampot na barya para sa kanyang pagkain, pero 'pag nakakuha ng sapat ay pagtutulungan siya ng ibang mga bata para makuha ang perang kanyang pinaghirapan. Ngunit, 'di tulad ng ibang batang nagmumukmok o umiiyak, agad siyang tumatayo, pinapagpagan ang sarili, at sinusubukang mag-ipon ulit ng pambili ng kanyang pagkain.

Ilang beses ko siyang binibigyan 'pag hindi nagiging sapat ang pera niya, at doon kami nagsimulang maging magkaibigan. Mabait na bata si Dusk, at kahit na hindi kakikitaan ng pag-asa ang kanyang buhay, hindi rin kakikitaan ng lungkot ang kanyang mga matang nag-aalab para sa pag-asa.

"May pag-asa akong makikita ko rin ang pag-asang magbibigay sa akin ng tyansang makabangon," aniya isang beses nang kami'y nag-usap.

Iyon ang nagustuhan ko sa kanya. At aaminin ko na dahil sa kanya, pinangarap kong maging pulis. Huhulihin ko lahat ng lalapastangan sa kanya. Tutulungan ko siya sa lahat ng bagay. Ililigtas ko siya mula sa lahat ng kapahamakan.

Nag-aral ako ng mabuti, naputol ang ugnayan naming dalawa ngunit nagbalik rin ng ako'y makatapos na ng pag-aaral. Sa aking pagbabalik, mapapansin ang napakalaking pagbabago ng kanyang mga tingin; ng kanyang mata. Nag-aalab, ngunit hindi para sa pag-asa, para sa ibang bagay.

Isang gabi, habang ako'y naglalakad pauwi, ay may narinig akong palahaw mula sa isang eskinita. Bilang alagad ng batas, agad ko itong pinuntahan, ngunit nang makita ang tagpo ay hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan.

Paulit-ulit na sinasaksak ni Dusk ang isang lalaking wala nang buhay sa sahig. Ang mga mata niya'y nag-aalab para sa isang rason na alam kong hindi siya magdadalawang isip. Anong rason?

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 06, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Bukang-liwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon