"GUMISING SA KATOTOHANANG KAHIT ANONG IYAK AT PAGMUMUKMOK ANG GAWIN MO HINDING-HINDI NA SIYA BABALIK SA IYO."
ONCE UPON A TIME sa Barangay Maligaya. Natigilan si Aling Nena sa pagbibigay ng sukli ni Ding. Napahinto si Manong Sorbetero sa paglalako ng dirty ice cream. At hindi natuloy ni Buloy ang pagpapakamatay. Napatigil ang lahat sa kanilang ginagawa ng dahil sa ingay na maririnig sa ikatlong bahay sa kanto ng Kapayapaan Street.
Dinig na dinig ang pagkabasag ng salamin. Pagkatumba ng upuan. Nakakabinging sigaw. Hagulhol. Malakas na bagsak ng pinto. Patuloy na pagsigaw. At patuloy na paghagulhol. Muling paglagabag ng pinto. Muling paghagulhol. Padabog na lakad ng paa. Malakas na bagsak uli ng pinto.
Mayamaya pa ay nagkaroon nang biglaang katahimikan.
"Psst. Nestor. Namatay na 'ata iyong anak mo. Akyatin mo nga iyon nang maipalibing na ang kagagahan niya."
"Mahal, hindi magpapakamatay iyon. Takot lang niyang masaktan. Ni ayaw nga mapuwing ng anak mo, eh. Hayaan na muna natin. Perstaym lang masugatan ang puso, eh. Bigyan natin siya ng pagkakataon makapag-hilom para sa susunod na magmahal siya ay—"
"HOY! Kung ano-ano ang pinagsasabi mo riyan. Kakabasa mo iyan ng mga payo-payo sa tabloid, eh. Hala, bitawan mo na iyang dyaryo at puntahan mo na ang anak mo at baka sakaling maabutan mo pang humihinga."
Walang nagawa si Mang Nestor kundi sundin ang sinabi ng asawa niyang si Aling Fely. Ang totoo ay ayaw lang talaga makita ni Mang Nestor ang kanyang anak na umiiyak at nanlulumo. Hindi niya kasi alam kung paano ito patatahanin at kung anong advice ang maibibigay niya sa anak.
Dahan-dahan siyang lumapit sa pinto ng kwarto ng dalaga at kumatok.
"Cheche, buhay ka pa ba?"
Walang sagot.
Kumatok uli siya. “Cheche, anak, kung gusto mo sumulat tayo kay Kuya Ely? Magaling magbigay ng advice iyon eh."
Ngunit wala pa ring nagbubukas ng pinto.
"Cheche... Chech—"
Natigilan si Mang Nestor. May mali nang mga oras na iyon. Naramdaman niya ang paglapat ng malamig na kamay sa kanyang balikat"ANAK KA NG NANAY MO!” Lumingon siya. “Cheche! Ano ba?! Papatayin mo ba ako sa sakit sa puso?!"
Nakita ni Mang Nestor ang anak niyang si Cheche na buhaghag ang buhok. Hulas ang makeup sa mukha, magang-maga ang mga mata at mamumulamula pa ang ilong. At kaya pala nanlalamig ang kamay nito ay dahil sa may hawak ang dalaga na ice candy.
"Tay, anak naman talaga ako ng nanay ko. Tsaka bakit ko kayo papatayin? Eh, una tatay ko kayo at pangalawa wala naman kayong sakit sa puso."
"Ano bang ginawa mo?"
"Bumili lang po ako kina Aling Nena... Sabi po kasi nila nakakatulong daw po sa pagmu-move on ang pagkain ng ice cream."
"Oh, eh nasaan ang ice cream? Ice candy iyang hawak mo.”
Hindi sumagot si Cheche. Naglahad lang ng palad ang dalaga. Nagtaka naman si Mang Nestor sa kinilos ng anak, "Oh, ano iyan?"
"Pengeng pambili ng ice cream. Wala akong pambili ng ice cream kaya ice candy lang itong binili ko. Pareho naman pong malamig at galing freezer, eh," Seryoso at walang emosyon na sabi ng dalaga.
Napailing na lang si Mang Nestor. Inakbayan niya ang anak at niyakag papuntang sala kung saan namamalantsa si Aling Fely.
"Oh. Mabuti naman at buhay ka pa. Alam mo namang Holy Week ngayon, akala ko ay sasabayan mo pa ang pagkamatay at muling pagkabuhay ni Kristo, eh," sambit ni Aling Fely sa anak.
"'Nay naman, eh."
"Anak, buti na lang at hindi ka naglaslas ngayon. Baka hindi na maghilom anng suugat mo dahil sa mahal na araw ngayon."
"'Tay, kahit naman po 'di totoo iyon, eh, hindi pa rin maghihilom itong sugat ko sa puso!"
"Hoy, Chelsa, ano bang dinadrama-drama mo diyan?? Hindi ko na nga alam kung ang Drama special mo o ang Lenten Drama special sa TV ang panonoorin ko. Pero naisip ko na wala akong mapupulot na aral sa iyo, eh, kaya sa TV na lang ako tumutok."
"'Nay, naman eh. Hindi naman po ako nagdadrama, eh. Sana nga po hindi na lang 'to totoo pero kahit lumuhod pa ako at humiling na sana kunwa-kunwarian lang ang masakit na eksenang ito, alam kong walang sisigaw ng ‘cut!’"
Tumigil sa pagpaplantsa si Aling Fely at tinitigan ang anak. "Sinabihan na kita, 'di ba? Nakailang ulit ako ng paalala sa iyo? Pero dahil sa kaka—ano nga iyong palagi mong sinasabi?Iyong ano… YOYO. 'Yan, kaka-YOYO mo 'Ayan ang napala mo. Mukha kang bangkay."
"'Nay, una po sa lahat YOLO po iyon. Pangalawa... pangalawa.. Dalawa pala kami sa buhay niya." Muli na namang humagulhol si Cheche. "'Tay, 'Nay… ayoko nang mabuhay pa..."
"Hoy! Chelsa Novella Isidro! Hindi kita dinala sa sinapupunan ko nang siyam na buwan para lang magpakamatay. Limang beses lang kitang inere 'di ko talaga maintindihan kung bakit ang tigas ng ulo mo at ayaw mong makinig sa akin."
"At saka, anak, hindi ka pa ba napapagod? Isang linggo na ang nakaraan, eh. 'Di ka pa ba tapos?" naaawang tanong ni Mang Nestor.
"'Tay. Hanggang dumidilat pa ang mga mata ko. Hindi mawawala ang sakit na nararamdaman ko." Tumayo si Cheche. "Gaganti ako! Makikita ng Erik Vincent Imperial Licona na iyan! Makikita niya!!!" Sabay tapon ng balat ng ice candy sa sahig at padabog na bumalik si Cheche sa kanyang kuwarto.
"CHECHE! Bumalik ka dito at itapon mo ang basura mo! Makikita mo rin ang hinahanap mo kapag hindi mo pinulot itong kalat mo!!!" sermon ni Aling Fely.
Padabog naman na bumalik si Cheche sa salas. Pinulot ang balat ng ice candy at saka winagayway sa ere sabay sabing, "Makikita niya! Makikita niya! Tatamaan siya sa akin!" Paulit-ulit niya iyong sinasambit habang papalayo kina Mang Nestor at Aling Fely.
Lumapit ang ginang sa asawa nito, at hinawakan sa braso. Sinundan nila ng tingin ang papalayong si Cheche.
"Mahal, may tama na ang anak natin," sabi ni Aling Fely.
"Mahal, hindi ko nga maintindihan eh. Puso niya naman ang tinamaan pero parang nadali rin ang utak," ani Mang Nestor.
Nagkatinginan silang mag-asawa. Dinampian na lang ni Mang Nestor ng halik sa sentido ang asawa at napabuntong-hininga.
![](https://img.wattpad.com/cover/22720355-288-k737360.jpg)
BINABASA MO ANG
TO LOVE EVIL
ChickLitAno bang mas masama iyong saktan mo ang taong nagmamahal sa iyo? O iyong gantihan mo ang taong minahal mo?