ELIXIR

3 1 2
                                    

Una siyang nakita ni Philip nang ipakilala ito ng kanyang kaibigan. Ang taglay niyang alindog ay kakaiba at tila nang-aakit. Ang hubog ng kanyang katawan ay perpekto – taglay ang mga pinong kurba na humahamon sa pananabik at gigil, ang matapang ngunit kahali-halina niyang pabango ay ‘di mapipigilang samyuhin ninuman.

Nais hagkan at tikman ni Philip ang tila manamis-namis na katas ng mga labi nito ngunit alam niyang ito’y pag-aari’t angkin na ng kanyang kaibigan kaya’t pinairal niya ang pagtitimpi.

Sandali pa’y biglang nagpaalam ang kanyang kaibigan upang bumili ng makakain. Naiwan itong mag-isa kay Philip – isang pagkakataong di pinalagpas ng huli.

Nakabibingi ang katahimikan ngunit sumisigaw ang nagpupuyos nilang mga damdamin. Hindi napigilan ni Philip ang pananabik, hinaplos niya ito. Gumapang ang kanyang mga kamay mula sa leeg nito pababa sa kanyang kabuan, dinama ang malamig nitong pawis. Walang anu-ano’y hinila niya ito palapit sa kanyang mukha. Ang mga labi nito’y nag-iimbita at ang kanyang hininga’y sintapang ng kanyang pabango. Dagling pinuyos ng halik ni Philip ang mga labi nito.

Nagpalitan sila ng maiinit na halik at sila’y tuluyang nagniig. Ang mga halik nito’y nagdudulot ng kakaibang sensasyon sa katawan ni Philip – nakalalango, nakakalasing. Ilang saglit pa’y nasa alapaap na siya.

Maya-maya pa’y tuluyan na itong ngapaalam. Ang tanging natira nalang kay Philip ay ang init ng mapait-pait ngunit banayad nitong halik. Isang pakiramdam na noon nya lang nadama. Ngayo’y batid na nya kung bakit nahumaling ditto ang kanyang kaibigan.

Ang unang karanasan ni Philip ang nagdulot sa kanya upang tuluyan na ring mahumaling. Sa tuwing inaaya siya ng kaibigan niya, nakakahanap siya ng pagkakataong makipagniig dito. Hinahanap-hanap niya ang sensasyon at naging libangan niya ito.

Di nagtagal, nakilala niya ang buong pamilya nito. Sa di maipaliwanag na pangangailangan ng kanyang katawan, maging ang pinsan nitong sina Wayne at Jean ay pinatulan rin nya. At ang masaklap pa’y maging sa ama nitong Emperador ay nakipagniig siya.

Lumipas ang maraming taon ay tuluyan na siyang nalango… Sa kasalukuyan, si Philip ay nakaratay na sa hospital dulot ng malubhang sakit sa atay at kanser sa sikmura.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 05, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ELIXIRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon