*Printed Version available for pre-order. Just message me here or on my facebook page. See my profile for links*
CHAPTER 1
Sunud-sunod na message alert tone ang pumukaw sa nahihimbing na si Hyacinth Ortaleza. Nakasandal ang mukha at dalawang braso sa harap ng computer table, hinagilap nito ang patuloy pa rin sa pagtunog na cellphone na hindi man lang inaangat ang mukha. Namimigat pa rin kasi ang mata nito at halos ayaw dumilat. Nang makapa ay agad iyong dinampot.
Humihikab na in-i-unan ang ulo sa kaliwang braso habang ang kanan ay hawak ang nasabing device. Sa ganoong posisyon niya binabasa ang mahigit sa dalawampung mensaheng nasa inbox niya. Napapangiti at tumataba ang puso niya sapagkat ang laman ng mga mensaheng iyon ay pawang nakaka-touch na birthday greetings mula sa malalapit na kaibigan at kapamilya.Ngunit unti-unti ring nawawala ang ngiti sa labi niya sapagkat nang pasadahan niya ang ilang mensaheng hindi pa nabubuksan ay hindi niya nasilayan ang pangalan ng inaasahang unang babati sa kanya.
Ang ultimate bestfriend niyang si Sardonyx Castillo o mas kilala sa pangalang Ardon, ang lalaking lihim na minamahal. Ang dahilan kaya binansagan siya ng mga kaibigang certified masukista, martyr at tonta. Bagay nga sa kanya ang tatlong salitang iyon.
She sighed.
Asa ka pa! Maaalala ka lang n’on ‘pag di niya kasama ang Abbygot na iyon!
Tinutukoy niya ang matagal nang karelasyon ni Ardon. Si Abegail Espijo o Abbygot kung bansagan niya. Hindi pa niya nakikita o nakikilala ng personal ang huli. Kinatatakutan niyang dumating ang araw na ihaharap ito ni Ardon sa kanya.
Kinukwento pa nga lang nito ang dalaga sobrang pinipiga na ang puso niya paano pa kaya kung harapan nitong sabihing ‘This is my one and only Abby, my girlfriend, my life, my everything.’
Ouch! Na-imagine niya kasi. Damn! Her imagination hurts her often. Kaya mas gusto niyang matulog o abalahin ang sarili sa maraming bagay kaysa mag-isip.
Matinding selos. Iyon ang nararamdaman niya sa tuwing naiisip niyang magkasama ang dalawa. Paano pa kaya kung personal niyang masaksihan ang pagiging mag-kasintahan ng mga ito?Hindi pa man din nagiging kanya si Ardon balde-baldeng luha na ang iniluha niya dahil lang sa pagmamahal dito na hindi naman niya ginustong mangyari. Habang sinusubukan niyang makipagrelasyon sa iba lalo lang niyang napapatunayan kung gaano katindi ang pagmamahal niya sa ultimate bestfriend. Hindi magawang nakawin ng mga naka-relasyon ang puso niya na ito lang ang bukod tanging tinatangi.
Binalik niya ang atensyon sa text messages at mayamaya’y abala na ang isip, puso at daliri sa pag-reply. Nang matapos ay nag-inat-inat pa siya. Pansamantalang isinantabi ang cellphone at hinarap naman ang computer. Muli siyang napahikab. Pinasadahan niyang maigi ang pinagkakaabalahang gawin. Balak niya sanang ituloy ngunit sumagi sa balintataw niya ang litanya ni Ardon nang malaman nitong kahit birthday niya ay lulong pa rin siya sa mga raket niya.
“Naturingan kang freelancer hindi mo man lang mabigyan ng day off ang sarili mo. From now on, ‘pag birthday mo wala kang ibang gagawin kundi mag-enjoy. Life is too short to waste. Lagi ka na lang nakakulong sa kuwarto kapiling ang computer mo. Explore the REAL world, Haya and mingle. Punta ka sa mataong lugar at manghila ka ng lalaki. Sabihin mo birthday mo. You are single and available. Let’s go and multiply...”
Napapangiti at napapailing siya sa naalala. Likas na maloko at palabiro si Ardon kaya kahit seryosong bagay hinahaluan nito ng kalokohan tulad ng huling linya sa litanya nito.
Magaan ang loob na pinatay niya ang computer at umahon sa kinauupuan. Nagpasya siyang maligo pero kahit sa paliligo ito pa rin ang nasa isipan niya. Kahit paulit-ulit niyang kinikilkil sa utak na magmove-on na dahil hanggang doon na lang talaga sila ayaw naman makisama ng pasaway niyang puso! Kung bakit ba kasi hindi siya pinalaking masama at makasarili eh kung gugustuhin niya lang sirain ang relasyon nito sa Abbygot na iyon magagawa niya! Iyon ay kung sapian siya ni Lucifer!
BINABASA MO ANG
STEALING YOU SOFTLY
RomanceDakilang martir! Iyan ang pinaka-angkop na deskripsiyon kung paano magmahal si Hyacinth "Haya" Ortaleza. Kesehodang magkadurug-durog na ang puso niya sa tuwing pinamumukha ng ultimate bestfriend niyang si Sardonyx "Ardon" Castillo ang pagmamahal ni...