Nakasuot ng jeans at t-shirt, tumungo si Lily sa sakayan ng tricycle sa gilid ng public market.
Nagpaalam siya sa kanyang daddy ngunit hindi ito pumayag. Hinintay niyang umalis ito sa kanilang bahay bago siya tumalilis papuntang palengke.
Maraming taga-baryo ang pumupunta sa pamilihang ito para bumili ng mga pagkain at gamit. Pagdating niya, nagtanong-tanong siya kung saan ang tricycle papuntang San Joaquin.
Itinuro sa kanya ng lalaking nagtitindang ice cream ang pulang tricycle na nag-aabang ng mga pasahero sa isalng gilid ng saplengke.
Quince minutos pa ang kanyang hinintay bago napuno ang tricycle at pinaandar iyon ng driver.
Tatlong baranggay ang kanilang dinaanan bago dumating sa San Joaquin. Tumingin ang dalagita sa relo, mga sampung minuto rin ang kanyang ibinyahe mula palengke hanggang sa baryong ito.
Bumaba siya sa harapan ng barangay hall at doon siya nagtanong tungkol sa masasakyan papunta sa Ilog Mandoling.
"Sumama ka sa bahay, Miss," sabi ng magsasaka na si Mang Kadio. "Doon kasi ang kalabaw ko."
Tahimik nilang tinahak ang daan patungo sa bahay nito. Alas dos ng hapon at masakit na sa balat ang sikat ng araw. Binuksan niya ang dalang payong at sinilungan ang sarili.
Hilera ng mga bahay-kubo ang bumaybay sa daan. Mayroon ding mga sementadong bungalow ngunit hindi tapos ang mga ito.
Malaki ang kaibahan ng buhay sa sentro ng bayan at sa mga baryo. Sa sentro, mas maunlad ang pamumuhay, mas matao at maraming mapaglilibangan habang sa baryo ay napakatahimik at napakasimple ng buhay.
Huminto sila sa isang bahay na may magandang hardin. Kinuha ng magsasaka ang kalabaw nito at tinahak na nila ang daan papunta sa palayan.
Binaybay nila ang malawak na palayan nang tumambad sa kanyang paningin ang mala-mansyong bahay na nasa tuktok ng isang burol.
Minsan ay napag-usapan ng kanyang mga kaklase ang napakagarang bahay na nasa tuktok ng ng burol ng San Joaquin. Sinabi ng mga ito na haunted house na raw iyon dahil walang taong umuuwi roon.
Gawa ito sa red bricks at pinaresan ng mocha na pinta; dalawa ang palapag nito. Ito ang tipo ng bahay na makikita sa Architectural Digest.
"Kanino ho ang bahay na iyan?" tanong niya sa magsasaka.
"Sa mga del Fuente. Matagal nang walang umuuwi diyan."
"Sayang naman. Maganda pa ang bahay."
Narinig niya kung gaano kayaman ang pamilyan nagmamay-ari ng bahay. Isa raw ito sa pinakamayaman sa bansa at ang magarang bahay ay isang bahay-bakasyunan lang.
"Nandiyan naman ang mag-asawang Corazon at Arnulfo na nagbabantay at nag-aayos."
Mga apat na ektarya ang kanilang dinaanan bago nakatapak sa kabilang burol. Kakahuyan naman ang kanilang nadatnan doon. At mga sampung minuto pa ang kanilang nilakad bago naabot ang Ilog Mandoling.
Bumaba si Lily sa kalabaw at tinanong ang magsasaka. "Manong, ito na ba ang bukal?"
"Ay, naku! Umakyat ka pa sa banda roon. Doon ka ba pupunta?"
"Opo."
"Mahirap nang paakyatin doon ang kalabaw."
"Ah, salamat na lang po". Iniabot niya ang cincuenta pesos kay Mang Kadio. "Puwede bang balikan n'yo ako mga alas cinco dito sa eksaktong lugar?"
"Og, sige. Maghahanap lang ako ng mga kahoy na panggatong ko."
Pagkatapos magpasalamat ay inumpisahan niyang sundan ang ilog para malaman kung saan ito nagmula. Iba't ibang punong-kahoy ang naglalakihan at nilalabanan ang pagpasok ng sikat ng araw sa lugar.
BINABASA MO ANG
"An Extraordinary Love"
FantasyMy Special Valentine AN EXTRAORDINARY LOVE By Sefah Mil Published by Bookware Publishing Corp. 2005 ISBN 971---43---0932---8 "AL, MAGPAKITA KA!" sigaw ni Lily sa patag ng Mandoling. Walang-katapusan ang pagtulo ng luha niya at kahit saang sulok ay...