Apat na boardmates namin ang natagpuan naming nakabitin sa mga kisame. Si Billy, si Anjo, si Aaron at ang huli, si Chester.
Hindi namin ito inaasahan. Lahat kami tulala habang tinatawagan namin ang pulis. Wala si ate Maj, umuwi sya sa probinsya nila para dalawin ang kanyang isang kapatid. Marami kaming nandito subalit ni isa sa amin, walang nagawa sa mga pagpapatiwakal na naganap.
Walang may nakarinig, walang may nakakita ng ginawa iyo ng mga biktima. Ang narinig nalang namin ay ang sigaw dahil sa mga bangkay na nakabitin sa kisame.
"Ano bang nangyayari? Bakit ba nagpapatiwakal ang iba? Ayos naman sila ng ilang araw tayong nag-usap usap", saad ni Kuya Ken na kanina'y halata mong takot sa mga nakita. "Hindi naman nila kayang gawin yun dahil lang hindi nila tanggap ang pagkamatay ni Sonny at Vincent", ani ni Tyron. "Baka naman", biglang sabat ni Paul.
Nagtitigan ang lahat na parang nagkaintindihan sila at iisa lang ang iniisip. At isa-isa silang tumitig sa akin. Naguluhan ako. "Ano?", tanong ko. "Baka dahil ito dun sa patakaran ni ate Maj, pano kung ito ang kapalit ng pagpasok namin sa kwarto mo?", saad ni Paul. Tumango ang iba. Natigilan ako.
Pano kung yun nga? Pero paano? Wala namang kakaiba sa kwartong iyon.
"Paano mangyayari iyon? Wala naman tayong nakitang kakaiba?", sagot ko. "Paano kung hindi naman talaga nakikita ang nandoon? Paano kung totoong may multo nga doon na kasama mo? Paano kami? Kami na ang susunod!", sigaw ni Benjie. "Sana hindi nalang tayo pumasok sa kwarto ni Fred, sana naniwala tayo kay ate Maj. Sana sumunod nalang tayo sa patakaran", saad ni Tyron.
"P-pumasok kayo sa kwarto ni Fred?"
Nagulat kaming lahat. Si ate Maj, nandito na pala. Napatitig kami sa kanya at napayuko.
"Sabihin nyo, sino-sino ang pumasok sa kwarto ni Fred?" pasigaw na tanong ni ate Maj. "A-ate Maj, s-sorry hindi namin nakaya ang kyuryusidad namin sa kwarto ni Fred kaya...pinagplanuhan naming lahat ang pagpasok sa kwarto nya", sagot ni Kuya Ken.
"K-kayong lahat? Jusko po!" gulat na sabi ni ate Maj. "Bakit? Bakit hindi kayo nakinig sa akin? Bakit hindi kayo sumunod?" napahagulgol na si ate Maj.
"Sorry ate, hindi naman namin alam na mangyayari ito. Kung sinabi mo lang sana ang dahilan, hindi sana kami papasok doon", saad ni Tyron. "Ano ba kasing meron doon ate Maj, mamamatay na ba kami?", sigaw ni Benjie.
Patuloy sa paghagulgol si ate Maj. Namumugto na ang mata nya sa kakaiyak. Binigyan namin sya ng tubig para inumin. Naghintay kami sa mga sasabihin nya.
"Pasensya na kayo kung hindi ko ito nasabi sa inyong lahat. Pero yun ang sabi sa akin ng aking ina. Hindi ko maaaring sabihin sa inyo dahil kung saka-sakali ay isasarado ang gusaling ito. Bago pa man nabili ng aking ina ang gusali ay dati na itong paupahan. Maayos naman ang gusali subalit ibinenta ito ng dating may-ari dahil sa pagkalugi nito", pagkkwento ni ate Maj.
"Nabili ito ng aking ina sa mababang halaga lang pero isa lang ang pakiusap ng dating may-ari, ang kwartong iyon, hindi maaaring sumobra sa isa. At hindi rin ito pwedeng mabakante, kung kaya't hindi ito pinaalam ng aking ina sa kanyang mga boarders. Pinaupahan ng aking ina ang kwartong iyon sa isang babae, isa syang nursing student. Sa hindi inaasahang pangyayari ay binisita sya ng kanyang kapatid. Pinapasok nya ito at doon pinatulog sa kwartong iyon. Sa kasawiang palad, nagising syang nakalambitin sa kisame ang kanyang kapatid. Wala na itong buhay.", pagpapatuloy nya.
"Hindi pa dito natapos ang lahat. Marami na ang boarders na umupa sa kwartong iyon. At katulad ng dati, bawat pumapasok sa loob na hindi umuupa sa kwartong iyon ay nagpapatiwakal. Ang masama pa, ang dating mga may-ari ng kwartong iyon ay nagpatiwakal din", patuloy pa nya.
Nagulat ako. Ibig sabihin, mamamatay ang lahat ng pumasok sa kwarto ko? Pati ako, mamamatay din?
"Hindi ko sinabi sa inyo, pero hindi ako ang unang pumalit sa pamamalakad ng boarding house na ito. Ang kuya ko, sya ang nagpatuloy sa pamamalakad habang nakaratay sa sakit ang aking ina. Katulad ng nakasanayan namin, isa lang ang maaaring umupa sa kwarto. Bawal ang lahat na pumasok at higit sa lahat, bawal ang bisita. Bawal ang lahat, bawal ang pagpupuyat dahil sa mga kasayahan tulad ng inuman at tambay ng mga boarders. Kailangan tulog na pag sapit ng alas 11 ng gabi", kwento nya.
"Pero katulad din ng una, may mga hindi sumunod at pumasok pa din sa kwarto. Lahat sila, nagpatiwakal. Dahil dito, nagsaliksik ang kapatid ko. Inaalam nya ang lahat ng nangyari sa gusaling ito bago pa man namin ito nabili. Subalit makalipas ang ilang bwan ay nagpatiwakal din sya. Kung kaya't ako na ang namalakad, hindi naging interesado ang iba pa naming kapatid sa negosyo dahil sa pagpapakamatay na nagaganap rito. Patawarin nyo sana ako", napahagulgol ulit si ate Maj.
Natigilan kaming lahat. Mamamatay kaming lahat?
"Ano ba kasing mayroon sa kwartong iyon ate?", sigaw ni Kuya Ken na halata narin ang takot sa mga mata. "Nang gabing mamatay ang kapatid ko, may ibinigay sya sa aking envelop. Sinabi nya sa akin na itago ko ito at buksan lang kapag nagkaroon ng ganitong sitwasyon. Pero hindi ko inaasahan na mangyayari pa ito dahil sa pinagbigyan ko kayong lahat sa mga pagpupuyat at inuman na gusto nyo. Isa lang ang pinaghigpitan ko, at yun ay ang pagpasok sa kwartong iyon", sagot nya.
Tumayo si ate Maj at pumasok sa opisina nya. Pagbalik nya'y may dala-dala syang lumang envelope. Umupo sya ulit at binuksan ito. Tumambad sa kanya ang mga lumang litrato ng gusali, mga clippings ng dyaryo at litrato ng kwartong iyon. Subalit nagulantang kami sa aming mga nabasa sa clippings ng dyaryo.
Paano na kami ngayon?
BINABASA MO ANG
Kwarto
HorrorLahat ng boarders ay pinapayagang magpuyat at mag-inuman sa loob ng kanilang kwarto. Pwera sa iisang kwarto na natatanging iisa lang ang umuupa. Alamin ang misteryo sa kwarto.