Black Christmas

4.7K 202 64
                                    

Ilang linggo na akong hindi pumapasok ng trabaho kaya hirap ako ngayon sa paghahanap ng pwedeng pag-utangan para makaraos. Kung hindi sardinas, ay daing ang niluluto ko para sa kanila.

Ginisang kangkong at bagoong ang ihahanda ko ngayon, mukhang pinalad ako dahil pinahiram ako ni Aleng Serya ng isang daan.

Tiyak matutuwa sila dito. Amoy at mukha palang ay masarap na.

Matapos makaluto ng hapunan namin ay dumiretso agad ako sa kwarto ni Mama upang tawagin ito. Hanggang dito ay amoy na amoy ko pa rin ang aking ginisang kangkong.

"Ma, kain na po tayo." Wala siyang sagot.

Hindi ko na siya hinintay pa at tinungo ang katabing kwarto nito, ang kay Papa. Kagaya ni Mama ay wala ring sagot si Papa.

Hindi gaanong malaki ang bahay namin, pero sapat na ito para sa aming lahat, sapat para magpahinga, sapat na para paglagyan ng mga alaala namin.

"Isang, hali ka na. Kain muna tayo." Sabay katok ko sa pintuan niya. Tinawag ko na rin ang isa ko pang kapatid na nasa gitna ng kwarto namin ni Isang. "Dina, kain na dali."

Wala rin silang sagot.

Nauna akong naglakad habang sila ay tahimik na sumunod sa 'kin, malaki na talaga ang pinagbago ng bahay na 'to mula nang mangyari 'yun.

Ako na ang nagpaupo sa kanila sa kaniya-kaniyang mga pwesto, nilagyan ko ng pagkain ang bawat pinggan sa harapan nila, at naghanda na rin ako ng isang pitsel at limang baso sa tabi. Sa paraang ganito, nasusklian ko ang mga pagkukulang ko sa kanila sa panahong nawala ako dito sa bahay, sa panahong naglayas ako.

"Dina, kain ka ng mabuti, namamayat ka oh." Natawa naman ako sa 'king sinabi at hindi siya sumagot. "Joke lang, 'to talaga hindi mabiro." Nakasanayan kong siya palagi ang binibiro ko, pero palaging siyang naaasar.

"Ikaw Isang? Kumusta pag-aaral mo?" Sa pagkaka-alam ko ay matalino siya at nangunguna sa klase. Hindi rin siya sumagot.

"Ma? Masama ba ang pagkakatimpla ko sa ulam?" Masiyado kasi siyang strikto pagdating sa pagtitimpla, kaya araw-araw habang nagluluto ako, sinusubukan kong perpektuhin ito palagi, para makita ko ang mukha niyang may ngiti ulit. "Teka lang kukuha lang ako ng asin."
Napansin kong matabang ang pagkakatimpla ng kangkong.

"Pa, napagod ka na naman ba?" Kilalang masipag ang Papa ko dito sa bayan namin, kaya kung maaari ay maiibsan ang pagod niya sa paraang ganito man lang. "Hihilutin kita mamaya, gusto mo?"

Umupo na ako sa 'king pwesto at nagsimulang kumain, nagtaka ako nang makitang hindi nababawasan ang pagkain nila. 

"Alam mo ma, pinahiram ako ni Aleng Serya ng isang daan kanina." Nakangiti kong sambit.
"Kahit papano ay may mga taong namamalasakit pa pala sa 'tin."

Wala akong nakuhang ni isang reaksiyon mula sa kaniya, tumango lang siya at napatitig ulit sa pagkain. Napabuntong hininga lang ako at nagpatuloy sa pagkain.

"Uy pa. Oo nga pala muntik ko nang makalimutan, may gusto sanang kumuha sa 'yo bilang repairman. Okay lang ba?"

Hindi rin siya sumagot.

"Dina, Ishang? Malapit na ang Christmas party. May pang-regalo na ba kayo sa mga kaklase niyo at kaibigan?"

Medyo nalungkot naman ako dahil hindi rin sila sumagot, tuwing tinitignan ko sila tanging mga blangko nilang mukha at walang kabuhay-buhay na mga mata ang nakikita ko.

Ano ba 'to? Ako lang ang miyembro ng pamilya?

May nagawa ba akong kasalanan? Mayroon nga pero pinagsisihan ko na, at ginagawa ko ang lahat ng ito para mapatawad nila ako. Ang iwan silang naghihirap dito ay isang malaking kasalanan, hindi ko alam kung mapapatawad ba nila ako sa kabila ng pagtalikod ko sa kanila.

Hindi na, hindi na nila ako mapapatawad pero nandito pa rin ako, nag-aasang mapatawad nila.

"Sana mapatawad niyo ako." Unti-unting tumulo ang luha ko, pinahid ko naman ito agad dahil kumakain pa ako.

Nang matapos na akong kumain ay niligpit ko na ang pinagkainan namin. Itinapon ko nalang ang mga natirang pagkain nila, palagi nalang ganito. Hindi sila kumikibo, tanging tango lang at iling ang sagot nila, medyo nasanay na rin ako.

Handa 'kong harapin ang paghihirap na ibinibigay nila sa 'kin kung ang maidudulot naman nito'y kapatawaran sa nagawa kong kasalanan.

Marami na silang naisakripisyo para sa 'kin, mula sa paglalabada ni Mama hanggang sa pagkumumpuni ni Papa ng mga sirang appliances, ginawa nila ang lahat para lang makatapos ako ng pag-aaral at maging isang  pulis.

Palagi nila akong ginagabayan sa daang matuwid at puno ng liwanag pero mas pinilit kong dumaan sa lubak-lubak at madilim na daan. Pinasok ko ang mundo ng mga droga, alak, fraternity at pambababae, inubos ko lahat ng pera.

Nilapitan ko ang nag-iisa naming family picture at hinaplos ito, inaalala ang mga masasayang araw. Dito na bumuhos ang luha ko.

Bumalik ako sa kanila upang magbago, upang humingi ng kapatawaran. Pero pagdating ko ay isang napakatahimik at madilim na bahay ang naabutan ko, wala na 'yung dating sigla ng bahay, wala na ang dating pagmamahalan na bumabalot sa buong bahay.

Ang dating ilaw ng tahanan ay pundido na at nabasag.

Ang dating haligi ng tahanan ay inaanay na at unti-unting nabubulok at nasisira. 

Hindi mo na rin makikita ang dating masiglang ngiti na nakapinta sa mga mukha nila.

Ang family picture na 'to ang nagsisilbing tanglaw para sa mailawan ang aking madilim na buhay.

Saksi ang bahay na ito sa mga kasiyahan at kalungkutang nadaraanan naming lahat, saksi ang bahay na 'to kung paano namin hinarap lahat ng problema at sabay sabay na umahon.

At ako lang talaga ang dahilan kung bakit kami nagkaroon ng masamang bagsak. Ako ang unang kumalas sa magkabigkis naming pagmamahalan. Ako ang sumira sa bahay na 'to.

"Mapapatawad niyo pa ba ako sa mga kasalanang nagawa ko?" Walang humpay ang pagtulo ng luha mula sa 'king mga mata.

Ngayon ay bakas na sa kanilang mga mukha ang saya, ang ngiti nilang sagot ay sapat na para sa 'kin, ang ngiting matagal ko nang hinihintay.

Binuksan ko ang maliit na drawer malapit sa 'kin at binunot ang baril na matagal ko ng tinago.

Dahan dahan ko itong itinutok sa 'king ulo at napapikit, kasabay ng pagbagsak ng mga luha ko ay siyang pagbabalik tanaw ko sa buhay namin noon.

Kung sana hindi ako umalis, hindi sana magiging ganito ang lahat. Totoong nasa huli ang pagsisisi.

"Salamat sa lahat."

Magkikita na tayo ulit.

At kinalabit ko ang baril.

...

Black ChristmasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon