Sino ba ang hindi nagnais na makamit ka?
Ikaw na dahilan ng pag-ikot ng mundo,
nang pagsikat ng araw, pagtanglaw ng buwan, at pagkinang ng mga tala at bituin.
Ikaw na nagbibigay kabuluhan sa bawat hininga at hakbang na aking gagawin.
Ikaw na nagsisilbing gabay sa bawat landas na aking tatahakin.
Ikaw na naghahatid ng pag-asa sa bawat bukas na haharapin.
Subalit kailan nga ba? Kailan ka darating sakin?
Hindi pa ba sapat lahat ng hirap na dumating?
Sa tuwina'y dumudungaw kariktan mong angkin.
Hatid saking puso'y ligayang walang kahambing.
Ngunit ilang ulit na nga bang, ako sayo'y tumangis
Dinala mo'y pighati, luha ba ang iyong nais?
Sa bawat luhang pumapatak,
Ang sakit ay di maiwasang tumatak.
Subalit sayo'y di magsasawa
Ako'y patuloy pa ring aasa.
At ngayon nga'y ika'y nariyan.
Muling kumakatok saking pintuan.
Ikaw ba'y aking pagbubuksan?
Kahit ako'y muli mong masaktan?
Aasa ba akong muli?
Magmamahal ng walang pag-aatubili?
Kakayanan mo'y aking nalalaman
Alam kong ika'y mahirap makamtan
Ngunit sayong pagbabalik saking buhay
Pakiramdam ko wala ng makakapantay
Nang dahil sayo'y muling nagkakakulay
Muling sumisigla ang puso kong namatay.
Sa pagkakataong ito'y maraming nag-iba
Walang alinlangan kahit may pangamba
At isang bagay pa ang namukud-tangi sa lahat
Ikaw ang liwanag na saking mata'y nagmulat.
Sa Diyos iyong nilapit buhay kong puno ng pait
Kaya't muling naghilom mga sugat at pasakit
Kung kailangan maghintay, ito'y aking gagawin
Kung muli mang masaktan, buong pusong tatanggapin
Lahat ay gagawin, ika'y di paluluhain
Pilit kong pananatilihin
Ngiti mong kay ningning
Na sa aking puso'y umangkin.