"Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nariyan ang lalaking iyan na mamahalin ka, Jipsy," sabi ng mama niya na mariing nakatitig sa anak na panay ang tulo ng luha mula sa mga mata.
"Ngunit mahal ko siya, Ma! Wala ba kayong tiwala sa akin? Ang gusto ko lang naman ay mayroong taong magmamahal sa akin ng buong puso!" Sagot ni Jipsy sa ina.
Hindi pa rin humihinto sa pagtulo ang luha ni Jipsy. Ayaw niyang makaramdam ng ganun. Ayaw niyang umakto ng ganun, lalong-lalo na't ina ang niya ang kaniyang kinakalaban.
"Sa iyo, oo, pero sa lalaking iyon, wala!" Pasigaw na sabi ng ina ni Jipsy. Ang boses nito ay umalingawngaw sa buong kwarto niya. "Mapapakain ka ba ng lalaking iyon? Eh mas mauuna pa iyon mamatay kaysa sa iyo! Hindi ka ba nag-iisip?" Dagdag ng ina ni Jipsy, unti-unting humina ang boses nito ngunit naroon pa rin ang galit at lungkot.
Hindi siya makasagot sa kaniyang ina dahil sa kaalamang ininsulto nito ang mahal niya. Tila lalong nag-igting ang galit sa kaniyang mga mata. Ang ayaw na ayaw pa naman niya ay iyong iniinsulto ang mga taong mahal niya.
"Wala ka ng magagawa pa, mama," sabi niya sa isang mahinang tinig. Unti-unti niyang pinahiran ang mga luhang tumutulo mula sa kaniyang mga mata. "Kung ayaw niyo sa kaniya, mas mabuti na sigurong aalis na lang ako sa pamamahay na ito," dagdag niya na mariin ang pagkasabi. Tila determinadong gawin ang kaniyang naisip.
Inihakbang niya ang kaniyang mga paa. Isa-isa na tila ayaw pang gawin ang kaniyang desisyon ngunit pagkakita niya sa mga nanlilisik na mata ng kaniyang ina ay mas lalong naging desidido na siya.
"Hinding-hindi na ako tatapak pang muli sa pamamahay na ito," sa pinakahuling pagkakataon ay tinitigan niya ang mukha ng ina.
"Jipsy!"
Wala ng makakapigil pa sa kaniya.
Gagawin niya ang gusto niyang gawin.
Kahit pa ito'y labag sa kalooban ng kaniyang ina.
Patawad, ma. Kahit ngayon lang susundin ko ang nais ng puso ko at hindi iyong nais ng isip mo.