DISYEMBRE na naman, panahon ng pagmamahalan, ng muling pagsasama-sama ng bawat pamilya. Ngayong panahong kay lamig, kay sarap makapiling ang mga mahal mo sa buhay. Heto na naman ako, naglalakad nang tila walang patutunguhan. Walang nasasaisip, walang pakialam. Kasabay ang mga taong kagagaling rin lang magsimba. Madaling araw na noon, katatapos lang ng ikatlong misa de gallo. Tatlong araw na nga pala akong nagsasakripisyo. Tatlong araw na akong kulang sa tulog. Lahat ng ito pinipilit at kinakaya ko, gusto ko kasing matupad ang hiling ko. Pangarap kong makita na si ama, mabuo na ang pamilyang meron ako. Matagal na panahon na rin simula nong iwanan niya kami ni ina, hindi na raw niya kasi kaya ang kahirapan namin. Sumama siya sa iba, isang mayamang donya. Masakit oo, galit ako, galit ako sa kanya. Tingin ko kasi ang duwag-duwag niya. Nakakahiyang siya pa ang aking ama, pero anong magagawa ko, ama ko pa rin siya. At kapag ganitong magpa-Pasko pangarap ko pa rin ang makita at makasama siya. Ang makumpleto ang aking pamilya. Ito naman palagi ang dasal ko tuwing makukumpleto ko ang misa de gallo. Pero ilang taon na rin akong nagsasakripisyo, hanggang ngayon ba hindi pa rin niya diringgin ang hiling ko? Hindi naman ako humihiling ng malaki ah, simple lang naman ang gusto ko, ang makapiling namin siya ngayong Pasko. Sana ngayon, pagbigyan na niya ako.
24 ng Disyembre, bukas Pasko na, huling pagsimba ko na ng misa de gallo. Nakumpleto ko, nakumpleto ko na naman! Sana talaga magkatotoo na. Mamayang gabi isasama ko na si ina, magsisimba kami, kahit kami lang dalawa.
Kinagabihan, nakagayak na kami ni ina patungo na sa simbahan nang makita ko si ama, oo, nakita ko si ama. Sakay ng isang magarang sasakyan, patungo rin sila sa simbahan. Sinundan ko sila, sinundan namin ni ina. Pumasok si ama sa loob ng simbahan kasama niya ang mayamang donya at ang mga anak nila. Tatlong batang babaeng kay gaganda, ang isa sa kanila kamukha ko pa. Napatingin ako kay ina, sa wari ko'y naluluha na siya. Hindi yata kami nakita ni ama, hindi niya kami nakilala. Umupo sila sa unahang hilera. Umupo ako sa tabi ni ama pero sa kanya'y balewala, katabi ko naman ang aking inang lumuluha. Hindi na nga kami natatandaan ni ama, ang sakit-sakit pala! Napatingin ako sa altar, sa malaking krus na nasa aking harapan.
"Salamat po at pinagbigyan N'yo ako. Kahit ganito, masaya na rin ako."
Tahimik kong usal habang walang patid ang pag-agos ng aking mga luha.