Bleached hair.
Yan ang palagi kong maaalala sa kanya.
Hindi na ako sigurado kung nagme-make up ba siya, o kahit eyeliner man lamang. Pero ang sigurado ako, hindi siya nagli-lipstick.
Saka ang fashionista niya sa paningin ko. Yung parang lahat sa kanya, branded, mula ulo hanggang paa. Rich kid.
At ang isa pang bagay-ang pinakamatinding bagay- na sobrang nakapukaw ng atensyon ko, yung self-confidence niya.
Na lahat sa kanya, nadadala niya. Nang may taas noo kahit kanino, sabi nga. Na kahit alam niyang maraming mapanghusgang mga mata sa paligid niya, kita mo sa kanya na wala siyang pakialam. Sorry not sorry, sabi nga.
Isa ako sa mga tanong nakukunot palagi ang noo kapag nasa paligid na siya. Isa sa mga taong may negative judgments sa kanya. Parang ang yabang namam nito. Taray ng buhok. Mga ilan sa mga pangungusap na hindi ko man maisatinig, palagiang laman ng utak ko kapag nasa paligid ko sya. Naiirita ako sa kanya.
Pero ang totoo, alam na alam ko sa sarili ko na ang iritasyon na iyon ay may halong inggit. At paghanga.
Pero hindi ako naiinggit o humahanga dahil sa ganda ng mga damit niya. Na afford niyang magpa bleach ng buhok. Ang mahal kaya nun.
Alam mo kung ano ang ikinaiinggit ko? At ang inihahanga ko? Yung confidence niya. Yung tapang at kakayahan niyang dalhin ang sarili niya. Yung aura niya na talagang lilingunin mo sya kasi iba ang dating niya. At higit sa lahat, yung lakas ng loob niya na i-bleach ang buhok niya.
Iyon ang nag-udyok sa akin para magkaroon ako ng lakas ng loob na kausapin siya sa Facebook. Bagay na hindi naman niya ipinagdamot sa akin. Wala na ako halos maalala sa mga unang pag uusap namin noon. May isang text message lang ako na ipinost niya sa Facebook na may ilang taon nang nagpapakita sa akin sa My Day kaya ko naaalala kung paano ko sinabi gaano ko lubos na hinahangaan ang confidence niya.
Doon nagsimula ang pagkakaibigan namin.
Halos mabibilang yata sa daliri, baka nga daliri lang sa isang kamay, ang mga pagkakataon na nagkita kami-mata sa mata, walang anumang pagkakataon na nagkasama, nagkuwentuhan. Minsan ko nga lang yata siya nayakap? O dalawa? Hindi ko na maalala.
Pati pagpapalitan ng mga mensahe, wala na. Dumalang nang dumalang hanggang sa halos wala na. Huling beses kaming nagkausap sa chat, tungkol sa isang nakaraan niyang pag-ibig. At isa sa mga nasabi ko sa kanya, masaya ako para sa kanya.
Wala kaming matibay na ugnayan gaya ng ibang mga tao sa buhay niya. Pero alam ko sa sarili ko na ang lahat ng mga sinabi ko, ipinaramdam, tapat iyon sa puso ko. At mahal na mahal ko ang batang iyon. At totoo ito.
Ngayon, muli siyang nagparamdam sa sistema ko. Ngunit sa isang nakabibigla at kagimbal-gimbal na paraan. Pihadong lahat, hindi lamang ako, ang gumuho ang mundo. Ang hindi kaagad nakakibo. Ang hirap na lunukin ang malupit na katotohanan.
Sa mga ganitong pagkakataon, sa kabila ng reyalidad ng buhay at kamatayan, malaking parte pa rin sa ating sistema ang binubulaga tayo nito. Daig pa natin ang sinampal ng pinakaimportanteng tao sa buhay natin, ang sabihan na hindi tayo mahal ng taong itinatangi natin.
Mahirap at masakit tanggapin ang sampal ng reyalidad at tadhana. Matagal ngunit unti-unti pang mararamdaman ang pag-iinit ng mga palad nito sa ating mga pisngi. Nakagigimbal ng utak. Matagal mo ring iindahin ang epekto.
Ang bigat tanggapin at isipin na wala na siya. Ang hirap lalo na kapag nakikita ko ang mga larawan niya. Hindi matibay ang pundasyon ko sa buhay niya pero talagang napamahal na siya sa akin eh. Paano pa kaya ang mga mas malalapit sa kanya, diba?
Napakabata pa niya para mawala. Hindi ko talaga maisip, ang hirap isipin na wala na sya. Wala na ang bebe ko. Kagaya ng ibang nagmamahal sa kanya, ang dami kong tanong. Masakit na isipin at tanggapin. Ang dami kong panghihinayang.
Hindi man lamang ako nabigyan ng pagkakataon na mas mabigyan pa namin ang isa't isa ng malaking espasyo sa buhay namin. Hindi man lamang ako nabigyan ng kahit iilang oras na makasama siya, makakuwentuhan, makatawanan, ang malaman ang maraming bagay sa buhay namin, ang personal naming iparamdam ang balikat ng bawat isa sa mga pinagdaraaanan, ang makita yung personal na ngiti para maiparamdam na gaano ako kasaya sa bawat kaligayahan niya. Hindi man lamang ako nabigyan ng pagkakataon na masagot nang personal mga ilang tanong ko sa kanya. Kung rich kid ba talaga siya. Kung branded ba lahat ng gamit niya. Kung bakit lagi siyang naka bleach ang buhok. Magkano magpahair bleach. Saan siya nagpapableach. Saan niya nakukuha ang confidence niya. Bakit ang lakas ng aura niya.
Pero syempre, hindi naman ako Diyos. At kung nakakausap ko man si Lord, malamang e medyo nabatukan ako nun sabay sabing "Anak, ang choosy mo naman." Oo nga naman. Ang dami kong kuda pero kung tutuusin, kung iaanalisang mabuti, kahit paano ang dami kong dapat ipagpasalamat eh.
Ang daming tao sa mundo, pero ipinag-adya Niya na magkrus ang landas namin. Na hindi man sa personal na paraan pero nagawa kong iparamdam sa kanya yung oagmamahal ko. Alam ko at naniniwala ako na nardaman niya iyon. At alam ko na napasaya ko siya kahit paano. Kahit paano may alam ako sa lovelife niya. Nasusundan ko sa social media ang ilang mga bagay sa kanya. Na inaccept niya ako sa Facebook. Na naramdaman ko ang kabutihan niya. Ang ilang mga bagay sa likod ng bleached hair niya
Bebe, salamat at hinayaan mo ako na sa ganitong paraan maging parte ako ng buhay mo. Salamat at nakita ko ang ilan sa mga totoong bagay sa iyo. Naging makulay ang panahong inilagi mo dito sa mubdo, at marami kaming naging mas makukay ang buhay dahil sa iyo. Hindi ko alam paano tuluyang natapos ang misyon mo dito sa mundo. Marami akong tanong. Marami akong gusting sabihin. Marami akong panghihinayang.Pero ang sigurado ako, napasaya mo rin ang Panginoon sa naging buhay mo.
Mahal kita bebe. Sa tamang panahon, magkikita tayo. At doon natin ipagpapatuloy ang lahat ng unfinished business sa friendship natin.
Salamat sa kulay na iniwan mo sa amin.