Prologo

846 165 4
                                    

Malakas ang ihip ng hangin ng gabing iyon at hindi niya maikukubli ang lamig na nararamdaman.  Hindi sapat ang makapal na suot niyang damit sa lakas ng hampas ng hangin sa kanyang katawan, kasabay ng paghampas ng makapal at mahaba niyang buhok sa kaniyang mukha.  Hindi rin sapat ang init na ibinibigay sa kanyang katawan ng ilang bote ng alak na nainom niya bago siya nagdesisyong akyatin ang Bundok ng Lobo.

Tama si Berting ng sabihin nitong kailangan niyang paghandaan ang pag-akyat sa bundok upang hanapin ang kung sino mang halimaw na pumatay sa kaniyang nag-iisang anak.  At hindi ngayon ang tamang oras para harapin niya ito.  Nakainom lamang siya kaya ganoon na lamang ang lakas ng kanyang loob.

Ngunit hindi siya nagpapigil, nadaig pa rin ng galit at sakit na nararamdaman ang mga babala ng kainuman. 

“Duwag ka Berting!! Duwag!!”  Paulit-ulit na sigaw ni Nestor habang sinisimulang akyatin ang matarik na daan patungo sa kagubatang nasa itaas ng Bundok ng Lobo.

Tatlong oras na paglalakad ang kailangan niyang bunuin na tanging sinag lamang ng bilog na buwan ang magiging gabay.  Hindi niya naisip na kakailanganin niya ng ilaw kapag narating na niya ang kagubatan.

Wala nang pakialam si Nestor sa kung ano man ang mangyayari sa kaniya sa kagubatan.  Nawalan na rin naman ng saysay ang buhay niya simula ng araw na bawiin sa kaniya ng Diyos ang kanyang anak na si Victor sa kahindik-hindik at hindi maipaliwanag na pangyayari.

Mababangis na hayop, iyon ang sabi ng imbestigador sa kaniya, ngunit kung anong uri ng hayop, hindi niya alam.  Ngayon, mamatay ang kung ano mang uri ng hayop ang hahadlang sa kanya.  Wala siyang papatawarin.  Wala sa sukat o bangis ang magpapataob sa kaniyang galit.

 Patuloy siyang naglakad hanggang marating ang kagubatan.

At gaya ng inaasahan, madilim ang buong paligid.  Bagama’t may mga huni ng ibon at kuliglig siyang naririnig, ramdam niya ang katahimikan.  Rinig niya ang tunog ng sarili niyang mga yapak.

Hinugot niya ang itak na nasa kanyang tagiliran at sinimulan niya itong iwinasiwas, kasabay ng pagsigaw ng kanyang galit at paghihinagpis.

“Ngayon, lumabas kang halimaw ka!!” 

At muli niyang iwinasiwas ang bagong hasa’t matalim na itak.

“Tingnan ko ngayon ang tapang mo.  Magpakita ka!!”

Ilang ulit niya rin itong ginawa hanggang sa mapaluhod siya dahil na rin sa naramdamang pagod.  Sumandal siya sa nakaumbok na batong naroon at hindi na rin niya napigilan ang umiyak.

“Walang kalaban-laban ang aking anak!”  Humahagulgol niyang sigaw.

Ilang sandali pa’y may tila kakaiba siyang narinig.

Hininto niya ang kanyang pag-iyak.

Pinakiramdaman niyang mabuti kung ano ang narinig, at sinibukan niyang pigilan ang sarili sa pag-galaw.

Lumalakas ang tunog na kanyang nararamdaman.  Nagsimula sa paisa-isang yapak hanggang sa dumami ito.  Lumalakas habang papalapit ito.

Ang kaninang matapang niyang loob ay nabalutan ng kaba.  Ang kaninang pagod niyang katawa’y nakaramdam ng lakas, at muli, kanyang iwinasiwas ang tanging sandatang dala.  Ang matulis at matalas niyang itak.

“Magpakita ka!!” Patuloy ang pagwasiwas niya ng itak.

Pinakiramdaman niyang mabuti kung nasasaan nanggagaling ang mga yapak, at ng lingunin niya ito sa kanyang kaliwa’y dalawang nanlilisik na pulang mga mata ang kanyang nasaksihan.

Pilit niyang minumukhaan ang kung ano mang bagay ang pinagmamasdan niya ngayon habang iwinawasiwas ang kanyang itak.

Ang dalawang mata’y nagsimulang lumakad papalapit sa kanya hanggang ilang sandali pa’y maaninag niya ang kabuuan nito.  Nanlaki ang kaiyang mata sa nakita.  Nanginig ang buo niyang katawan at muntik na niyang mabitawan ang itak na hawak sa takot na kanyang naramdaman.  Totoo nga ang bali-balita sa bayang iyon.

Humakbang siya paatras ng makarinig siya ng malakas na ungol sa kanyang likuran at ng lingunin niya ito’y doon niya napagtantong hindi nag-iisa ang kalaban.  Hindi niya alam kung paano pagagalawin ang sandatang dala kaya naman iwinasiwas niya ito sa magkabilang tagiliran.  Hanggang sa matisod siya sa nakausling batong nasa kanyang kanang paanan na nagdulot ng kanyang pagtumba.

Hindi na alam ni Nestor at hindi na niya malalaman pa kung ano ang sumunod na nangyari matapos siyang tumumba sa lupa.  Kasabay ng kanyang pagbagsak ay ang pagsunggab ng dalawang nilalang sa kanya.  Ang isa’y inatake ang kanyang tiyan habang ang isa’y kinagat ang kanyang leeg.

PULANG BUWANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon