Nung bago pa lamang ako dito sa university ikaw ang unang nakipagkaibigan saken. Pinagtatawanan mo pa nga ako nun kasi wala akong masyadong alam sa lugar nyo, palibhasa laking probinsya ako. Tinulungan mo akong mag-adjust at tinuruan mo rin ako ng kung anu-ano. Hindi ko na iisa-isahin yun 'tol basta marami, lalong lalo na yung mga sabog at walang kwenta mong trip sa buhay.
Hindi nagtagal ay mas nakilala ko ang pagkatao mo. Kabisado ko na ang ugali mo. Naging open ka saken at mas naging close tayo sa isa't-isa. Gusto mo pa ngang magsama nalang tayo sa isang dorm para mas masaya, pero hindi ako pumayag kasi 'tol ang bobo mo. Babae ako, lalaki ka baka marape mo pa ako kapag umandar yang libido mo. Tinawanan mo lang ako nun kasi daw ang kj ko.
Nagdaan ang ilang taon at fifth year na tayo 'tol! Kunting sipag at pangongopya nalang at gagraduate na tayo sa wakas. Kaya ngayon ay todo-todo tayo kung magsunog ng kilay, kasi sabi mo walang babagsak ngayong sem para sabay tayong maging engineer. Pero akala ko pag-aaral lang muna ang aatupagin natin. Di mo naman sinabe 'tol na may iba pa pala. Ang daya mo.
"Tol yung classmate mo sa English si Andrea ganda niya noh? Di ba magkatabi kayo? Hingan mo ko ng number niya please."
Sinunod ko naman ang gusto mo. Hiningan kita ng number niya na ibinigay niya naman na hindi nagdadalawang isip. Abot tenga ang ngiti mo nun. Grabe first time kitang nakita na ganun kasaya. Naging magtextmate kayo minsan pa nga nagkikita at nagdedate. Hati na rin ang oras at atensyon mo saken. Kung magkasama naman tayo puro si Andrea ang bukambibig mo. 'Tol ang swerte ni Andrea.
"Kami na ni Andrea 'tol!"
Sigaw mo saken nung nakarating ako sa hide out natin. Nagmamadali pa akong pumunta dun dahilan upang mabaliktad ko pa ng suot yung tsinelas ko, yan lang pala ang ibabalita mo. Mas lalo kang nalayo saken. Once in a blue moon nalang kung tayo ay magkita. Nalungkot ako pero ganun naman talaga, kinakalimutan na ang kaibigan kapag nagkaka-lovelife. Nagpatuloy ako sa aking boring na buhay. Wala na kasing mangungulit at nambubulagbog sa araw ko. Pero bigla kang bumalik 'tol. Bumalik kang luhaan.
"Gusto niyang makipagbreak. Wala naman akong ginagawa 'tol eh. Hindi ko alam kung ano yung rason. Ayaw ko siyang mawala 'tol. Mahal na mahal ko siya. Mahal na mahal ko si Andrea."
Gusto kitang sapakin, tadyakan at sabunutan nung mga oras na yun. Ang gago mo 'tol, ayaw na nga nung tao sayo ba't pinipilit mo pa sarili mo? Ilang araw kang depressed. Ayaw mong kumain o lumabas man lang. Palaging namamaga ang mga mata mo sa kakaiyak. Grabe 'tol ke lalake mong tao daig mo pa kami kung magdrama. Pero hindi kita natiis. Hindi ko na kayang makita kang nagkakaganyan, kasi 'tol hindi na ikaw ang nakikita ko sayo.
Pinuntahan ko si Andrea. Sabi niya mahal ka niya pero hindi niya daw pwedeng suwayin ang utos ng parents niya. Kumulo ang dugo ko dun 'tol. Gusto kong sabunutan yung girlfriend mo pero pinigilan ko ang sarili ko kasi 'tol alam kong mahal mo siya ng sobra, mas mahal mo pa kesa sa sarili mo at mas mahal mo pa kesa sa kaibigan mo.
"Kung mahal mo talaga ang kaibigan ko ipaglaban mo siya sa magulang mo. Hindi mo siya ikakahiya ng ganun. Alam mo Andrea ang swerte mo. Kasi wala ng lalaking iiyakan ka gabi-gabi at wala ng lalaking tinatawag ang pangalan mo hanggang sa pagtulog niya, kundi ang kaibigan ko lang. Nagtatapon ka lang ng yaman eh pero sana siguraduhin mong hindi ka magsisisi. Mas marami pang mas deserving sa kaibigan ko kesa sayo Andrea."
Bumalik ako sayo 'tol at tinulungan kang bumangon. Lage kong pinapaalala sayo na sabay tayong gagraduate. Na makakalimutan mo rin si Andrea, na mas makakahanap ka rin ng mas deserving. Pero nagalit ka saken. Pakialamera daw ako at selfish. Na kaya ko daw nasasabi ang mga bagay na yun kasi hindi ko pa naranasan ang magmahal at masaktan. Kung alam mo lang 'tol mas nagmahal ako kesa sayo at mas nasaktan ako kesa sayo. Hindi kita sinukuan gago ka! Gusto kong maibalik ang dating ikaw, ang dating ugali mo at ang dating pakikitungo mo saken.
Three days before sa ating graduation kinausap mo ko. Humingi ka ng kapatawaran sa lahat ng sinabi mo at sa lahat ng inasta mo saken. Pinatawad kita 'tol kahit na alam ko ang dahilan kung bakit ka humihingi ng patawad. Kasi nagkabalikan na kayo ni Andrea. Masakit pero pinilit kong ngumiti upang ipakita sayo na masaya ako para sa inyong dalawa.
"And now you may kiss the bride."
Nakatayo ako ngayon sa isang sulok habang minamasdan kayong dalawa na pinagsasaluhan ang isang matamis na halik. Maraming taon na ang nakalipas. Nag-iba na tayo ng landas. Marami ng nagbago; itsura, estado sa buhay, at iba pa, pwera nalang sa isa. Ngumiti nalang ako ng matipid kasi 'tol saksi ako sa pag-iibigan nyo at kahit papano ay pakiramdam ko honored ako dun. Pwede nga akong gumawa ng libro para sa lovestory nyo, pero hindi ko yun gagawin kasi alam kong unti-unti naman akong papatayin ng sakit. Pero sa huling pagkakataon nais kong malaman mo to...
'Tol mahal kita.