A Young Girl's Heart

3 0 0
                                    

"Huy, Ate? Ano na? Ba't tulala ka riyan?" Kinaway-kaway ni Mama Alice ang kamay niya sa tapat ng mukha ko. Humigop siya ng kape sa tasa niyang may maliit na uka.

"May naisip lang po." Muli akong sumubo ng pagkain saka bumuntong-hininga.

"Ate, ano ba 'yan? Ano'ng problema? Gusto mo bang samahan kita mamaya? Kulang ba ang pera mo para sa pag-shopping mo? Ano? Sabihin mo lang, Ate." Inayos niya ang suot niyang salamin sa mata. Binitawan ko ang kutsara't tinidor at walang ganang ipinatong sa mesa ang mga braso. Sumandal ako sa upuan at muli na namang bumuntong-hininga.

"Hindi naman siguro ako kukulangin sa pera, 'Ma. Isa lang naman ang bibilhin ko." Tinitigan ko ang naka-frame na cross stitch sa pader ng kusina. The Last Supper. Iyon ang kauna-unahan kong gawa kaya proud na proud ako roon.

"Eh ano bang gumagambala sa 'yo?" Binitawan na rin niya ang mga kubyertos niya. Magkahawak na ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa mesa. Para siyang isang business woman na nasa isang lunch meeting na handang makinig sa ipo-propose kong bagong business deal. "Amputla na naman ng labi mo. Hindi ka na naman umiinom ng maraming tubig."

Naiinis man ako tuwing pinag-uusapan ang labi ko, hinayaan ko na lang si Mama. Wala ako sa mood.

Kinuha ko ang kutsara ko at inipon ang kanin sa gitna ng plato. Kinuha ko ang isang butil na nasa loob pa ng kulay brown na shell at nilagay sa gilid ng plato. Bumuntong-hininga ako.

"Ayaw mo bang pag-usapan? Nag-aalala na ako, Ate." Mababanaag nga ang pag-aalala sa kaniyang tinig. Hindi ako nag-abalang tumingin sa kaniya. Ipinagpatuloy ko ang pag-iipon ng kanin.

"Hindi naman sa gano'n, 'Ma." Hindi yata tumatalab ang kanin na kinain ko. Hindi ko maramdaman ang mga kinain kong Go Foods. Nananamlay ako. Naging taba na lang ba sila? Hindi ko man lang napakinabangan at naging enerhiya para sa buong araw? "Paano ko ba sasabihin?" Kakamut-kamot ako ng ulo habang nakatingin sa mga hita ko. Tinitigan ko ang thighs ko na para bang nandoon ang kasagutan sa 'king mga katanungan. Sinilip ko si Mama. Nakatingin lang siya sa akin. Sabay niyang itinaas ang mga kilay niya at pinakitaan ako ng "ano na 'yong sasabihin mo" face.

Bumuntong-hininga uli ako. "Ewan ko ba, 'Ma. Masyado na yata akong nagiging praning. Hayst!" Napahilamos ako ng mukha.

"Praning? Paanong praning?"

Muli na naman akong napabuntong-hininga. "Aaminin ko, 'Ma. Crush ko 'yong classmate ko."

Tiningnan ko ang reaction ni Mama. Sumilay ang isang napakalawak na ngisi sa kaniyang labi. Humalumbaba siya sa mesa. "Gwapo ba?"

Heto na naman po tayo. Nagiging childish na naman ang Mama Alice ko.

"Sabi ko na magiging ganiyan ka eh. Aasarin mo na naman ako." Humula na ako na sa tingin ko ay mangyayari nga talaga. Minsan, napapatanong ako kung nanay ko ba itong kasama ko o isa lang na nakatatandang pinsan na mahilig mang-asar.

"Wala pa nga eh. Masyado ka namang advance mag-isip, Ate." Bahagyang hinampas ni Mama ang hangin. "So ano nga? Guwapo ba 'yang crush mo?"

Hindi ko napigilan ang ngiti ko. Napatakip na lang ako sa mukha ko at bahagyang tumili. "'Di ko alam. Ewan ko. Ah basta, 'Ma! Nakukyutan talaga ako sa kaniya."

"Hala siya? Kinilig. Hinay-hinay lang, Ate." Inabot ako ni Mama at bahagyang tinapik sa braso. "Ayiee! Kinilig naman ako. Sige nga, Ate. Magkuwento ka nga. Gusto kong malaman kung pa'no nainlab ang maganda kong anak na kamukhang-kamukha ko sa binatang 'yan," sabi niya nang makaupo na siya nang maayos sa upuan niya.

A Young Girl's HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon