My Young Princess

146 7 0
                                    

          "Wow, 'nay ang ganda po nito!" anang batang babaeng nasa edad limang taon habang minamasdan ang manikang binigay ng kanyang ina.

          "Para sa akin po ba talaga ito?"

          "Oo anak. Regalo ko iyan sa'yo. Hindi ba't kaarawan mo bukas?"

          "Opo, pero inay ang sabi niyo po kasi wala kayong pera kaya hindi niyo ako mabibigyan ng regalo." inosenteng tanong ng bata.

          "Shaye, ang sabi ko sa'yo baka hindi kita maibili ng regalo. 'Baka' lang naman eh. Ang sigurado ko lang makakabili ako ng pansit bukas para may pagsaluhan tayo ng tatay mo."

           "Eh inay, tumama po ba kayo sa lotto?"

           "Hahaha! Hindi! Eh hindi nga ako tumataya sa lotto eh!" natatawang ginulo ng ina ang buhok ng bata.

           "Kasi inay nakakapagtaka po talaga. Saan po kayo kumuha ng pera?"

          "Ah yun ba? Tinanggap ko kasi iyong trabaho sa mansyon."

         "Sa mansyon po?"

          "Oo, sa mansyon nga ng mga Montelibano."

          "Pero 'nay ang akala ko po ba ayaw ninyo doon dahil masama ang ugali ng donya?"

          "Ssshh!! Baka may makarinig sa'yo. Kailangan natin ng pera kaya tinanggap ko na lang, sayang naman ang kikitain namin ng tatay mo."

          "Ang ibig po ninyong sabihin, pati si itay, magtatrabaho din doon?"

          "Oo, sa bukid naman sya. Iyong dating sinasaka namin noon ang sasakahin niya ulit para may magawa naman siya."

           "Pero 'nay di po ba sa atin ang lupang sinasaka ni itay?"

          "Hindi na ngayon. Naaalala mo ba nung magkasakit ka noong nakaraang taon? Ibinenta namin ang lupa kay Don Ricardo. Para may pampagamot kami sa'yo."

           "'Nay, bakit po ninyo ginawa yun?!"

           "Anak, masyado ka pang bata para maintindihan lahat ng mga nangyayari. Wag ka na masyadong magtanong. Ang mabuti pa, maghugas ka ng kamay at kakain na tayo. Tawagin mo na rin ang tatay mo sa likod bahay."

           Napakamot ng ulong sumunod si Shaye sa utos ng ina. Masyadong mataas ang paminggalan kaya hinila niya ang bangko at doon sumampa para maghugas ng kamay. Pagkatapos ay walang ingat na tumalon at dire-diretsong tumakbo palabas ng bahay upang tawagin ang amang kasalukuyang nagbubungkal ng lupa upang pagtaniman ng sari-saring gulay.

               "Itay may ililibing na naman po ba kayong baka diyan? Kasi po naghuhukay na naman kayo."

               "Hahaha!" malakas na napahalakhak ang ama. "Bakit mo naman nasabing may ililibing akong baka?"

              "Eh kasi po noong nakaraang araw, nakita ko po si  Mang Tonyong na naghuhukay sa tabi ng bahay nila. Sabi niya po baka daw ang ilalagay doon!"

                "Hahaha! Niloko ka na naman pala ng Tonyong iyon! Tatamnan ko ito ng gulay para may pang-ulam tayo pag wala tayong pambili ng manok."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 15, 2012 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

My Young PrincessTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon