Naghahanda ka na naman ng iyong mga gamit
Ba't hindi ka mahiga at ako'y muling hagkan
Ikulong sa iyong bisig at ng ikaw'y mayakap
Ng madama ko ang init ng iyong pagmamahal.
Ang iyong paglabas sa munting tahanan natin
Ay ang araw na muli mo akong lilisanin.
Kung ako lang sana ang tatanungin,
Nanaisin kong ikaw'y manatili dito sa aking piling.
Muli ko na namang bibilangin ang mga araw
Na kay bagal dumaan at lumipas.
Muli ko na namang titingalahin ang buwan
At alalahanin ang mga sandaling pinagsaluhan.
Sa dami ng luhang pumatak ng dahil sa pangungulila
Sana ganoon din kadami ang pagkakataon na pwede kitang makasama.
Kung maaari lang sana na ako'y maging tala
Upang sa iyong paglalakbay ikaw'y nakikita.
Walang sandali ang lumipas na hindi ko ninanais
Mahaplos ang iyong pisngi, marinig ang iyong boses,
Sa iyong mga bisig ay mayakap at maangkin muli.
Panaghoy ko sa hangin kailan kaya didinggin?
Kung ang kapalaran ko ay ikaw'y hintayin
Dahil nakasalalay sa iyong paglisan ang bukas natin
Ako ay magtitiis at maghihintay pa rin
Hanggang sa araw na ikaw ay muling makapiling.