RODEL

91 7 4
                                    

Rodel

Maikling Kwento ni R.G. Gallardo

Rodel©2018

A.K. ang tawag nila sa akin. Si Rodel ang nagbigay ng pangalan na iyon sa akin. Galing daw ito sa salitang Asong Kalye.

Bago ko pa nakilala si Rodel, inampon na ako ng mga taga dito. Marami kami dati pero isa-isa na lang nagsiwalaan ang mga kapwa ko aso. Paborito daw kasi kami ng mga manginginom. Maraming tricycle driver dito sa lugar namin at lahat sila ay nag-aalaga sa akin. Walang nakakagalaw sa akin dito dahil sa proteksyon sa akin ng mga driver.

Masarap ang buhay ko, maraming nagpapakain sa akin. Yon ang gusto ko sa mga tao, kapag nakakilala ka ng mga mabubuting tao, aalagaan ka nila at madalas mas mapagkakatiwalaan ko sila kaysa kapwa ko aso. Ang ibang aso, aagawan o uubusan pa ako ng pagkain. Swerte ko lang kasi nagustuhan ako ng mga tao.

Madalas natutulog lang ako sa mga tinatawag nilang "tricycle" at sabi nga ng mga driver eh mabuti yon para may bantay sila.

May naging kaibigan ako dati na kilalang-kilala ng mga taga dito-si Rodel. Sa tingin ko bata pa sya noong magkasama pa kami kasi mabilis din syang kumilos tulad ko. Alam ko naman kasi kapag matanda na ang kapwa ko aso, hindi na mabilis makatakbo at makaiwas sa mga manginginom, at nakikita ko si Rodel na halos kasing bilis ko tumakbo o kumilos.

Si Rodel ay kilala sa lugar namin kasi magaling syang magbilyar. Yon ang sabi ng mga tao pero hindi ko naman naiintindihan ang "bilyar." Maraming mga lalake na nandoon sa bilyaran kung saan nakaparada yung mga tricycle. May sinasabi yung mga tao na "pustahan"...hindi ko rin alam ang ibig sabihin non, basta alam ko lang malungkot ang tao kapag NATATALO at masaya kapag NANANALO. Sa bilyaran maraming nananalo at natatalo pero kapag pumusta ka daw para kay Rodel madalas ka daw manalo.

Ako ang palaging kasama ni Rodel dati. Hindi ko na matandaan kung paano nag-umpisa yun, basta ang naaalala ko lang madalas kaming magkasama noon. Sa tricycle din sya madalas natutulog katulad ko. Kapag panalo sya, marami kaming nakakain... may mga maliliit na batang lansangan din syang inaabutan ng pagkain. Kapag natatalo si Rodel wala syang nakakain; ako naman meron parating nakukuha sa paghahalukay ko sa mga basurahan. Ayaw ni Rodel ng pagkain na ganoon. Hindi ko alam kung bakit.

Ang alam ko may pamilya si Rodel. Sinundan ko kasi sya dati pero yung babae na tinawag nya na "Nanay" ay ayaw sa akin. Kapag umuuwi si Rodel, sandali lang sya doon sa kanila at naghihintay na lang ako sa labas. Pumupunta lang sya doon para maligo. Ewan ko ba kung bakit naliligo ang tao eh okey naman ang amoy nila kahit hindi sila maligo. Mas madali ko nga sila matukoy o makilala sa amoy nila.

Ang alam ko wala na si Rodel na tinatawag na "Tatay." Meron syang kapatid na tawag nya ay "Kuya." Kamukha ni Rodel si Kuya pero alam ko agad kung sino si Rodel at sino si Kuya kahit na nalilito ang mga tao sa kanila. Ewan ko ba sa mga tao, hindi ba nila malaman sa amoy lang kung sino si Rodel at sino si Kuya? Hindi ko gusto ang amoy ni Kuya. Ayaw kong lumapit sa kanya. Alam ko kasi na masama sya. Takot si Rodel kay Kuya at yon yata ang dahilan kung bakit hindi madalas umuwi si Rodel sa kanila.

Minsan nakita kong sinasaktan ni Kuya si Rodel. Sinubukan kong kagatin si Kuya pero sinipa nya ako sa mukha. Lumaban naman ako ulit kay Kuya kasi nakita ko talagang nasasaktan na si Rodel pero humawak na ng malaking bagay si Kuya na ihahampas sa akin. Ang tao talaga napakamakapangyarihan at napakalakas! Marami silang kayang gawin na hinding-hindi namin kayang gawin na mga aso. Nakakatakot sila lalo na kapag galit!

Minsan ay pumupunta si Kuya sa bilyaran. Ayaw maglaro ni Rodel ng bilyar kapag nandon si Kuya. Sabi nga ng mga tao, nawawala ang laro ni Rodel at madalas matalo kapag nanonood si Kuya. Buti na lang si Kuya minsan lang talaga sa lugar namin. Madalas ko marinig ang salitang "shabu" o "pusher" kapag nag-uusap yung mga driver tungkol kay Kuya. Hindi ko rin alam ang ibig sabihin ng shabu o pusher. Basta ang alam ko hindi maganda yon kasi pabulong halos magsalita ang mga tao kapag yon ang pinag- uusapan-para bang masamang sekreto.

RODEL Maikling KwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon