Kamusta?!
Dami kong nabalitaan sa'yo ngayon ah. Daming bago? Daming hamon? Sa bungad ng taon?
Oo nga pala, nabalitaan kong may hacienderong pinagkatiwala sayo ang kanyang mga ari-arian. Saglit! Hindi kaya nagkakamali sya? Hindi naman sa ano, pero anong alam nya sayo? Nagulat ka? Isa-isahin ko?
Matanong nga kita.
Una, Anong alam mo sa pangangalaga ng mga hayop, pananim at nang kung anu-ano pa sa loob ng hacienda. Marahil may konti kang nalalaman sa agrikultura, pero sapat nga bang basehan?
Pangalawa, Naalala mo nung napatay mo yung manok ng kapit-bahay nyo? Haha. Akala mo di ko alam? Na sa sobrang takot mo ay nilagay mo sa drum ung patay na manok para di nila makita. Oo! Alam kong di mo sinasadya yun. Pero, nakapatay ka pa din.
Madami pa akong alam na di mo alam na alam ko.
Ngayon, nagdadalawang isip ka na ba? Alam ko naman, una pa lang diba?
Kahit alam kong hindi mo pinangarap yan, kaso totoy, mukhang iyan nga ata ang nakatadhana sayo.
Ngayon, marahil ito na lang ang maipapayo ko sayo..
Harapin mo yung bawat araw.
Ilang bilyon ang tao sa mundo, hindi lahat magugustuhan ka. Marami ang mamumuhi, maiingit at kakalaban sayo. Malaking itong hacienda. Maraming mas matagal sayo, Maraming mas marunong sayo. MARAMING MAS KARAPAT-DAPAT sayo. Alam kong alam mo yan sa sarili mo. Pero mapalad ka totoy, kaya tapangan mo.
Lumilipas lang ang bawat araw, anumang sakit ng maghapon ay lulubog din ang araw at lilitaw ang buwan, at kung palarin, haring araw ay sasalubungin.
Kung may mga pangamba at pagdududa, hayaan mo lang. Normal yan.
Kung may mga pagsisisi, pagbutihin na lang sa susunod.
Kung may mga hindi pa nakokompronta, anu't ano pa, kahit san ka naman pumunta, haharapin mo din yan. Kaya maging handa lang.
Gigising sa umaga. Gagawa, Matutulog. Isang araw.
Ganyan lang lumilipas ang bawat araw.
Hayaan mong mag-alala ang bukas sa sarili nya.
Minsan, bago mo maranasan na napakaganda ng lahat ay kailangag mong maranasan na walang saysay ang lahat.
Hanggang sa mamamatay ka na.
Yung wala ka ng paki alam sa lahat. Yung tila dumadaan na lang sayo di ka na ganun kabalisa katulad ng una.
Alalahanin mo lamang ang angkla, - na inibigay sayo ng Kapitan bilang pag-asa. Tila mga buhay na salita na nakatira sa puso mong naghihintay ng bawat araw na dadaong ang isang barko.
Tumatayo ka na, at tinatawag ka na Nya.
"Inalis ko ang pagkakatulala ko sa tubig ng ilog, at humayo na nga ako"