Nang umihip ang malakas na hangin sa prutasan, pumalahaw ng iyak ang maliliit na mga bata. Tinakpan ng mga matatanda ang mga tenga ng mga batang nakayapos sa kanila. Ang ilang mga batang malalaki na ay may isinuot na pantakip sa kanilang tenga na gawa sa alpombra.
"Takot po pala ang mga bata dito sa malakas na hangin, Tita Cora," sabi ni Ylac.
"Hindi sila takot sa hangin. May naririnig kasi silang tumatangis na diwata kapag malakas ang hangin."
Tatawa sana si Ylac na parang nakarinig siya ng biro. Pero nakita niyang seryoso ang mukha ng kaniyang tiyahing nagsasalansan ng mga panindang prutas. Inutusan siya nitong itali ang lona na maingay na hinahampas ng hangin. Sinubukan niyang pakinggan ang paligid kung may maririnig siyang tumatangis. Wala.
"Totoo po ba talaga 'yon?"
"Sa tingin mo ba iho, matatakot 'yang mga bata kung wala silang naririnig?"
Maya-maya ay unti-unting naging banayad ang hangin. Bumalik na sa pakikipagtakbuhan at pakikipaglaro ang mga bata na parang walang nangyari.
"Bakit naman po ginagawa 'yun ng sinasabi ninyong diwata?"
Tinitigan muna ni Aling Cora si Ylac. Sinusuri niya kung sasagutin ba niya ang tanong ng pamangkin. Lumaki sa napakamodernong henerasyon si Ylac. Mahirap sa kanilang mga taga-Santa Elena ang paniwalian ang mga taga-lungsod patungkol sa kasaysayan ng kanilang bayan.
"Sabi ng papa mo, matalino ka raw na bata. Kaya sige, ipapaliwanag ko sa 'yo kung bakit."
Mahigit isang linggo pa lang kina Aling Cora si Ylac. Pinagbakasyon muna ng kaniyang ama ang binata para mailayo ito sa mga ka-banda niya. Bumagsak si Ylac sa dalawang major subjects sa kurso niyang fine arts dahil sa kinalolokohan niyang pagtugtog sa banda.
"'Yang nakikita mong bundok, 'yan ang Bundok Lumanay. D'yan nakatira ang diwata. Ang kwento sa amin ng lelang namin, isang maliit na tumpok ng lupa lang 'yan nuon. Paglipas ng mga taon, tumaas 'yan nang tumaas hanggang naging isang bundok. May isang diwata na napadpad dito sa Santa Elena. Nang nakita niyang walang mga tanim ang bundok kundi mga damo at baging, tinamnan niya 'yan ng mga halamang namumulaklak, punongkahoy, at mga gulay. Naging mayaman ang bundok kaya maraming mga hayop ang nanirahan d'yan. At 'yung diwata naman, inari na rin niyang tahanan ang bundok."
"Ang sabi pa ni Lelang, nagkaroon daw ng kasintahan na mangangaso ang diwata. Pero ang problema, may pamilya na ang lalaki. Isang araw, sinundan ng kaniyang asawa ang mangangaso. Nakita ng babae ang asawa nito na kayakap ang diwata. Magmula nuon, palagi nang nag-aaway ang mag-asawa. Dahil sa pagseselos ng babae, tinangka nitong sunugin ang bundok. Pero hindi rin kumalat ang apoy dahil umulan ng napakalakas. Nang isang gabing hindi umuwi ng kanilang bahay ang lalaki, pumunta ang asawa niya sa simbahan kasama ang kanilang anim na maliliit na mga anak. Iniwan ng babae ang mga bata sa altar at umakyat siya sa kampanaryo. Pinatunog niya ng paulit-ulit ang kampana. Nang papaakyat na ang mga taga-simbahan sa kampanaryo, biglang tumalon ang babae."
Sandaling huminto muna sa pagkukwento si Aling Cora at pumikit. Ginunita niya ang naramdaman niyang takot nuong mga dalagita pa silang magkakapatid habang ikinukuwento sa kanila ng kanilang lelang ang tungkol sa diwata. Dinala sila ng kanilang mga magulang sa ibang bayan, at duon nila ginugol ang 12 taon ng kanilang kabataan para hindi nila maranasan ang tangis ng diwata. Bumalik ang mag-anak sa Santa Elena nang naging dalagita na ang tatlong magkakapatid.
"Grabe, ang tragic naman ng nangyari," buntong-hininga ni Ilac. "Ano pong nangyari du'n sa lalaki?"
"Pagkatapos niyang mailibing ang asawa, naglakad siya sa buong kalye ng Santa Elena. Nagmamakaawang hiniling niya na batuhin siya ng mga tao dahil sa nagawa niyang kasalanan sa kaniyang asawa at mga anak. Ilang araw at gabi rin niyang ginawa 'yon. Pero natural, walang taga-Santa Elena ang gustong manakit sa kaniya. Tumigil lang siya nang sinabihan siya ng mga kapitbahay na malubha ang sakit ng kaniyang bunso."