Hunyango
Sa bawat paglipas ng segundo, minuto, oras, araw, buwan at taon lahat ng bagay nagbabago, wala ngang permanente dito sa mundong ito. Tagu-taguan, maliwanag ang buwan ngunit di ka masilayan sapagkat ikaw ay patuloy na nagkukubli sa isang sulok ng kadiliman. Maraming tanong na bumabagabag sa ating mga isipan, pilit nating sinasagot kahit malabo na. Hanggang kailan ka makikipaglaro ng tagu-taguan sa hawlang hindi mo naman kinabibilangan? Bakit mo pinapahirapan ang sarili mo na magtago sa isang sulok na nababalot ng kadiliman? Hindi ka pa ba pagod na magtago o magpanggap? Ang ngiting nasisilayan namin sa araw-araw, totoo ba? Totoo ba ang mga ipinapakita mo? Ikaw, totoo ka ba? Naging totoo ka ba sa sarili mo? O pati ang sarili mo ay di na alam kung ano ang totoong ikaw?
Sa mga manloloko diyan, masaya na ba kayo sa mga ginagawa niyo na nakakapaglinlang ng ibang tao at para silang pipi, bulag at bingi kapag ginagawan mo sila ng mga panandaliang kaligayahan at ang kapalit ay ang walang katapusang hinagpis. Ang mga salitang sinasambit niyo na nakapagpapahuli ng pusong inosente, ang mga mabulaklak na mga salitang kaibig-ibig ngunit habang tumatagal ay anong sakit. Ano nga ba ang mas mahirap ang masaktan dahil sa pag-ibig o ang magpanggap at itago ang totoong nararamdaman mo o ang tunay mong pagkatao?
Hanggang kailan ka matatakot na mahusgahan ng iba? Hanggang kailan mo sila pilit iintindihin? Hindi ka pa ba sawa, na kahit nasasaktan ka na, kahit gusto mong sumuko na, kahit gusto mong sumbatan ang mga taong walang ginawa sa buhay nila kundi husgahan at maliitin ka. Kahit gusto mong sumigaw na ayoko na, tama na, na pagod na pagod ka na ngunit hindi pwede dahil mas gugustuhin mo na magpanggap o itago ang tunay mong nararamdaman na alam mong makasasakit sa iba. Hanggang kailan ka ba magsasarili? Hanggang kailan mo sasaluhin lahat ng sakit? Hindi ka naman isang bayani para saluhin lahat ng responsibilidad para lang sa kanila. Tandaan mo, tao ka rin nasasaktan.
"Nakamamatay ang akala", isa ito sa palaging sinasambit ng bawat isa sa atin, akala natin hindi totoo ngunit totoo pala. Yung tipong akala mo malakas ka ngunit hindi mo na kaya... Yung tipong akala mo may paki siya sa'yo pero wala naman pala at yung akala mo kilala mo na yung sarili mo ngunit hindi pa pala ikaw yan. Hanggang kailan ka matatakot sa mga mapanghusgang mga mata at masasakit na mga salita ng mga mapanirang tao? Hanggang kailan ka papalamon sa siyam na pantig at isang salita na ito na palaging tinatangkilik ng mga kabataan ngayon – ang depresyon. Hindi kailanman madidikta ng mga grado, medalya o sertipiko mo kung sino ka ba talaga. Hanggang kailan ka magtitiis sa mga taong nagdidikta sa iyong buhay?
Hoy! Gumising ka! Lumabas ka sa kadilimang iyan, mas nababagay ka sa liwanag dahil sa iba, ikaw ay nagbibigay liwanag sa pamamagitan ng mga payo mo. Me, myself and I ika nga nila, ang iyong kakampi sa lahat ng bagay. Maraming dahilan upang magpakatotoo, laging tandaan hindi mo mapipilit ang lahat ng tao sa paligid mo na gustuhin at respetuhin ka. Mas magandang kaunti ngunit totoo.
May-akda: Little
Sa bawat pangungusap ay ako ang dinidiskripsyon ng sanaysay na ito, ewan ko ba nakaka-relate ako e. Minsan ko lamang itong nabasa ngunit ang bawat salita ay nagpapahiwatig ng kung anong sakit. Ang bawat impormasyon na aking nabasa ay puro katotohanan lamang. Ang mga tanong na lubos kong napagnilayan tulad ng "Ikaw, totoo ka ba? Naging totoo ka ba sa sarili mo? O pati ang sarili mo ay di na alam kung ano ang totoong ikaw?", sa hindi ko malaman na dahilan ay napahikbi ako sa aking nabasa. Totoo nga ba ako? O pati sarili ko ay niloloko ko na dahil sa pagpapanggap ko na maging masaya sa bawat araw kahit hindi ko na kaya.
"Hanggang kailan ka matatakot na mahusgahan ng iba? Hanggang kailan mo sila pilit iintindihin? Hindi ka pa ba sawa, na kahit nasasaktan ka na, kahit gusto mong sumuko na, kahit gusto mong sumbatan ang mga taong walang ginawa sa buhay nila kundi husgahan at maliitin ka." Oo gusto ko silang sumbatan sa lahat ng mga kasalanan na ginawa nila sakin! Hindi ba nila alam na sobrang bumababa yung self-confidence ko tuwing sinasabi nila na baduy, fake yung sapatos, hindi branded yung damit at walang make-up. Bakit? Pinakialaman ko ba yung mga suot niyo na kulang na lang pati kaluluwa niyo litaw na, hindi naman ahh! Tinitigan ko ba kayo na para akong nandidiri kapag nakatingin sa mga suot niyo, hindi naman! Bakit pagdating sakin todo tingin yang mga mapanghusga niyong mga mata!
" Kahit gusto mong sumigaw na ayoko na, tama na, na pagod na pagod ka na ngunit hindi pwede dahil mas gugustuhin mo na magpanggap o itago ang tunay mong nararamdaman na alam mong makasasakit sa iba. Hanggang kailan ka ba magsasarili? Hanggang kailan mo sasaluhin lahat ng sakit?" Bigla akong napahinto sa pagluha, bakit ko nga ba pinoproblema yung sasabihin ng ibang tao. Hindi naman ako nabuhay para sa kanila. Hindi ako nabuhay para i-please sila na magustuhan nila ako.
Pinunasan ko ang luha ko tumingin sa mga bituin, mapapabuntong hininga na lang ako dahil nalabas ko na naman yung sakit na nararamdaman ko na tinago ko sa isang buwan.
"Kaya natin to self, kahit hindi kaya dapat kayanin. Kahit pasuko na laban pa rin kasi ganito yung buhay hindi sa lahat ng pagkakataon masaya ka lang minsan kailangan mo ring maging malungkot, okay? Kakayanin natin to self, hanggang sa huli tayo pa rin ang magkasama. Isama na natin ang palaging nakakarinig sa mga kadramahan at napaka OA nating mga imahinasyon si Papa God. Kaya natin to hanggang naniniwala tayo sa kanya at minamahal natin siya. Panibagong bukas na naman ibig sabihin panibagong simula. Kaya cheer up self! Kaya natin to! Fighting!"
----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Yan ang palaging sinasabi ni Hope sa kanyang sarili, kahit ano yatang problema niya na nasosolusyunan niya dahil palagi siyang naniniwala na kakayanin niya kasama ang ating Panginoon. Ikaw ba katulad ka ba niya, na nasasaktan ng ganito? Naka relate ka ba sa sanaysay na kanyang nabasa?
I-like at mag comment na para mabasa na ang #relatemuch mo! At huwag kalimutan i-share sa mga friends, family and loved ones niyo ang storyang ito.