Saturdays

20 0 0
                                    

"Keisha, gising na. Inaantay ka na nila." Panggigising ni mama sa'kin.

Naalala ko sabado nga pala ngayon at may usapan kami ng lolo ko na ipapasyal niya kaming dalawa ni Kira, ang nakababatang kapatid ko. Kaya, tumayo ako agad at nag-palit na ng pan-jogging kahit ang totoo ay maglalakad-lakad lang kami.

Bago sa paningin ko ang lahat ng nadadaanan. Tahimik dahil walang tao at sasakyan ang masyadong dumadaan. Medyo malayo pa sa lugar kung saan nakatira ang mga tao. Tanging ang maririnig mo lamang ay ihip ng hangin na nagpapagalaw sa mga punong malalaki at nakakatakot kahit saan ka tumingin. Mga taniman na sa kalayuan ay tanaw mo ang bundok ngunit kapag madilim ay katatakutan. Kabaligtaran ng magandang tanawin ay ganoon din ang kababalaghan dito dahil sa mga pwedeng mangyari.

Ayaw na ayaw naming dumaan sa lugar na 'to dahil kagaya ng sinasabi ng matatanda ang gubat ay napupuno ng iba't ibang mababangis na hayop at misteryo na baka hindi kana makalabas ng buhay kung pipilitin mong pumasok sa mundong 'to.

Iba't ibang usapan at tawanan ang maririnig sa daan dahil sa mga batang paslit at matandang lalaki na sabay-sabay naglalakad at hindi alam kung saan ang hangganan ng pupuntahan.

"Halika na, oras na at baka hanapin na tayo ng mama niyo." Sambit ng lolo Florencio ko.

"Sige lo, sa susunod na Sabado nalang ulit ha?" Sabi ko habang hawak-hawak namin ang kamay ng lolo ko at sinesway-sway pa dahil sa kabilang gilid nito ay ang kapatid ko.

"Oh andito na pala kayo, kumain na kayo." Anyaya ni nanay sa'min dahil pawis at halatang gutom ang inabot namin dahil sa paglalakad.

"Mauna na'ko, Reema." Paalam ng lolo ko kay mama. Kagaya ni mama ay agad kaming tumayo ng kapatid ko at nagpaalam sa kaniya.

Kagaya ng nakaraang usapan ay gigising ng maaga kapag Sabado para maglakad-lakad at hindi alam kung saan mapapadpad.

Sa paglipas ng panahon kasabay ng pagtanda naming lahat ay unti-unting nag-iba ang takbo ng oras at mundo namin.

"Nak, gising na. Tanghali na. Kakain na tayo." Pagtawag ni mama.

Kagaya ng ibang kabataan sa panahon ngayon ay umaabot na rin ako ng hanggang madaling araw sa pagbabasa ng libro sa wattpad. Kaya napupuyat ako at tinatanghali na ng gising.

"Dumaan ang lolo mo kanina, naghingi ng pambili ng gamot. Binigyan ko naman. Ginigising kayo pero hindi daw kayo magising." Sabi ni mama habang naghahapag sa lamesa ng pagkain.

"Eh ano po ang sabi niyo?" Tanong ni Kira.

"Sinabi ko na baka puyat nanaman kayo, kaya no'ng mataas na ang sikat ng araw ay umuwi na ito." Sabay pag-upo ni mama para kumain na rin.

Lunes nanaman kinabukasan, maaga nanaman gigising dahil sa alas-siyete na pasok ko. Nadatnan ko ang lolo ko sa labas, tumatawa ito dahil sa wakas ay nakita niya ulit ako. Ngunit, hindi ko siya pinansin.

Nag-lapag ako ng plato, isa para sa kaniya at isa para sa'kin dahil pinapakain na rin siya ni mama. Inilapit ko lahat ng pagkain sa kaniya. Sa bawat paggalaw ng kamay ang nakikita ko ang panginginig nito dahil siguro pasmado dala na rin ng pagod.

Walang imikan hanggang sa matapos akong kumain at dumiretso na para maligo.

Dumaan pa ang mga araw sa tuwing dadalaw ito ay madalas gano'n ang nangyayari. Walang pansinan, sa madaling salita binabalewala. Si mama lang ang nakakausap niya o 'di kaya minsan tulog pa ako dahil sa puyat dahil sa mga ginagawa sa school tuwing biyernes ng gabi hindi naiisip na bukas ng umaga ay may lakad pang dapat gawin at puntahan.

Lumipas ang araw at panahon na nagiging 2 o 3 beses nalang dumalaw si Lolo Florencio sa bahay dahil sa tumatanda na rin ito at medyo malayo ang bahay namin sa kanila tapos nilalakad lang niya. Meron na rin siyang mga apo sa anak niya na kailangan niyang alagaan sa bahay nila. Kaya minsan inaantay namin siyang dumating para ma-ibigay yung mga gamit na hindi na namin ginagamit para mapakinabangan pa ng iba.

Hanggang sa tumanda na rin ang kapatid ko na si Kira ay halos hindi na namin nakikita ang lolo ko dahil bakasyon at araw-araw kaming tinatanghali ng gising kaya hindi na namin alam kung pumupunta pa ba siya o hindi na. At ni minsan ay hindi man lang namin naitanong kay mama kung dumadalaw pa ba siya.

Nawala na ang aking lakas ngunit nandito pa rin ako at walang sawang tinititigan ang kalangitan. Pinaghalong asul at puting kulay ang bumubusog sa aking mga mata at dinaramdam ang malamig na simoy hangin na tila inaalo ang pighating aking nararamdaman ngayon.

Nagpakawala ako ng buntong-hininga before I finally speak simula pa kanina na puro iyak at hikbi lang ang maririnig mo mula sa'kin.

"Sana, no'ng mga araw na nagpupuyat ako dahil sa mga walang kwentang bagay e natutulog na lang ako ng maaga para makita ka. Ang tagal na no'ng huli tayong nagkita. No'ng huli kong nasilayan yung mukha at ngiti mo. Yung mga salita mo na nakakapag-patawa sa amin. Yung mga kuko mo na kahit marumi bakas ng paghihirap mo kahit matanda ka na." Pinunasan ko ang luha ko at muling hinaplos ang pangalan mo.

"Ang daya mo naman. Hindi man lang ako nakapag-pasalamat sayo ng harapan e. Nasabi ko na ba sa'yo na mahal kita at mahalaga ka sa'min?" Sabay punas pa rin ng luhang patuloy parin sa pagpatak sa mukha ko.

"Pasensya ka na, no'ng mga panahong binabalewala kita na dapat pinapahalagahan kita hindi ko nagawa. Nagsisisi ako na kung kelan wala ka na do'n ko lang naramdaman na sana mas sinulit ko yung mga araw na kasama kita kase hindi ko akalain na darating yung araw na'to." Sambit ko kasabay ng malakas na ihip ng hangin na tila may yumayakap sa akin.

"I love you, lo. Mamimiss kita. Dadalawin kita lagi dito. Gabayan mo kami ha?" Hinaplos kong muli ang lapida nito sa huling pagkakataon.

Nagising akong pawis na pawis at umiiyak dahil sa malungkot na panaginip. Hindi ko kakayanin kung sakaling mangyayari iyon.

Nagmadali akong hanapin ang cellphone ko para tignan ang oras. Alas-tres pa lang ng madaling araw. Kaya, nagdasal ako at natulog ulit.

Ika-sampu ng Mayo araw ng sabado, nagising ako ng maaga kaya ginising ko rin si Kira sinabi ko na babawi ako sa lolo ko dahil sa nakakatakot na panaginip ko.

Excited na excited ako dahil sa tagal ng panahon ay ngayon na lang ulit mangyayari 'to. At sana kaya niya pa at pwede pa siyang maglakad kahit sa malapit na lang para makabawi kaya nag palit na'ko ng pang-jogging at sapatos.

Ngunit, pagdating ng alas-siyete ng umaga ay wala pa rin kahit anino ng lolo ko. Napatanong na ako sa mama ko kung pupunta pa ang lolo pero sabi niya baka hindi na kasi baka may inaasikaso kaya malungkot kaming nagpunta sa kwarto ng kapatid ko para magbihis na.

Nang biglang tinawag kami ni mama,

"Mga anak, ang lolo niyo." Excited kaming nag-unahan tumakbo palabas ng kapatid ko para sana salubungin siya.

"Si lolo, ma? Andiyan na?" Masayang tanong ng kapatid ko.

"Hindi, nak. Patay na daw. Kaninang umaga lang."

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jul 19, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Florilegia: Untold StoriesWhere stories live. Discover now