Paghinga

7K 421 101
                                    

Hinawakan ko yung kamay niya habang mugto ang mga mata. Pang-ilang araw na ba siyang nakaratay? Parang hindi ko pa yata kayang makita si Aura na nakahiga nang ganyan, matamlay na nakangiti, at nahihirapang huminga.

Alam ko namang hindi boto sa 'kin ang mga kapatid niya. Hindi ko rin naman sila gusto, kaya patas lang. Hindi ko nga ba alam kung bakit sa lahat ng lalaking pinili ni Aura, ako pa.

At ako lang naman ang unti-unti palang pumapatay sa kanya.

"Fritz," bulong niya sa 'kin, "gagaling ako, okey? Kapit lang."

Sumagot ako ng isang matamlay na ngiti. "Sabi mo pupunta pa tayo ng Batanes."

"Oo nga. Kaya nga magpapagaling ako. Umuwi ka kaya muna? Ambaho mo na."

Nagtawanan lang kaming dalawa.

"Uuwi ako, pero dadating ulit ako bukas, okey?"

Tumango siya. "Mahal kita, Fritz."

"Mahal na mahal kita, Aura."

Pag-uwi ko, ando'n siya. Napatingin lang ako sa kanya—siya na walang konsensiyang inaakit ako nang paulit-ulit.

"Tama na," sabi ko. "Putang ina, mamamatay na yung tao—"

Pero wala.

Naakit pa rin ako, lalo na nang dumikit siya sa mga labi ko. Dahan-dahan, unti-unti. Binigyan niya ako ng init, init na hindi matutumbasan ng iba. Bawat dampi niya sa mga labi ko, ibang klaseng init ang nararamdaman ko sa loob.

"Tayo . . . tayo ang may kasalanan dito," sabi ko.

Tinitigan lang niya ako. "Ubos na ako. Pero mukhang gusto mo ng isa pa," mapanukso niyang sinabi.

"Sinabi ko na titigilan kita."

"Pero ikaw na rin ang nagsabi. Masarap ako."

Hindi ko mapigilan. Masisisi nga ba ako ng mga tao? Hindi naman 'to bawal. Sila lang ang nagsasabi. Pero siguro, masarap manadya. Hindi pa lang kasi nila natitikman yung sarap kapag tumitikim ka ng tingin nila ay "bawal."

Pero dahil dito kaya may mga taong naaapektuhan tulad ni Aura. Ako . . . Ako talaga ang pumatay sa pinakamamahal ko.

Bumalik ako sa ospital pagkatapos kong kumuha ng mga gamit. Pero pagdating ko doon, tulog na tulog si Aura. Humihinga, pero hindi nagsasalita.

Kapag nagigising siya, tumatakbo agad ako papunta sa kanya, tinatanong kung anong gusto. Napapadilat nang saglit, pero pipikit siya ulit. Hindi ko kayang makita na ang dati kong masiglang si Aura, tuluyan na lang nalanta.

Lumabas ako para lumanghap ng hangin dahil hindi ko kaya ang sakit ng nakikita ko, at iyon, nakita ko na naman siya. Hinawakan niya ang kamay ko at walang kupas na hinalikan ang mga labi ko. Kahit pa itulak ko siya palayo, lalapit siya at papatunayan na siya ang pahinga ko.

"Mamamatay na siya," sabi niya. "Wala ka namang tatakbuhan kundi ako."

"Demonyo."

"Malamang," bulong niya sa tainga ko. "Pero iyon naman ang gusto mo, di ba? Aminin mo na lang . . . pinipili mo ako."

Tinigil ko siya at tumakbo. Tumakbo hanggang sa makarating ulit sa kuwarto ni Aura. Tinitigan lang nila akong lahat, tila amoy na amoy ang ginawa kong baho. Ininda ko na lang dahil sinisigaw ng puso ko ang humingi tawad kay Aura.

"Aura, please," pakiusap ko, "bigyan mo ako ng tsansa magbago. Gusto ko . . . gusto ko magbago para sa 'yo."

Humihiyaw ako sa galit at pighati. Hindi na siya nagsasalita, at patuloy na bumababa ang hangin niya. Nakita mismo ng mga mata ko kung paano niya pinipilit tanggalin ang maskara sa may bibig niya para huminga.

Gusto niyang huminga.

At ang huling nakita ko ay kung paano niya pinisil ang tela ng kama para maibigay lang sa kanya ng mundo ang ere na hinihingi niya . . .

Pero wala.

Kinuha na ng mundo ang mahal kong si Aura.

Iyak lang ako nang iyak. Paano na ako sa mga susunod na araw? Paano ko itatawid ang susunod na araw na hindi ko na siya katabi? Na ako na lang ang mag-isa sa kama? Na wala na akong lulutuan ng pagkain at wala na rin akong uuwian.

Wala na akong hihintayin na text at tawag.

Wala na akong maririnig na "Mahal kita, Fritz."

At paulit-ulit kong maaalala kung paano niya pinilit huminga sa kahuli-hulihang segundo. Kung paano niya ginusto ang sariwang hangin—isang bagay na pinagkait ko sa kanya.

Lumabas ako. Gusto ko rin ng hangin.

At dahil sa kagustuhan kong 'to, nakita ko na naman siya—siya na dahilan ng lahat, siya na tuksong hindi ko maalis-alis sa sistema ko.

Kahit pa hindi ko aminin, napatay namin si Aura.

At para makahinga—isang paghinga ng sarili kong hangin—tinagpo ko ang kalaguyo ko. Napapikit ako habang pinapainit ko siya. Habang hinahalikan ko siya. Habang hinahayaan ko siyang pumasok sa sistema ko.

Tama nga siya.

Sa kanya nga ulit ako hihingi ng tulong.

Sa kanya rin ako makakalimos ng panandaliang katahimikan.

Sa kanya nga ulit ako babalik.

Tiningnan ko ang abo na dinulot ng tuksong to—ang tukso na siyang ring ginawang abo ang pinakaminamahal kong si Aura.

Nawasak muli ako. At sa ikalawang pagkakataon, bumuga ako ng usok hanggang sa maubos siya at namuo akong muli . . . kahit pansamantala lang.

PaghingaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon