Naglalakad tayo noon pauwi noong madaan tayo sa may tulay. Huminto ka sa paglalakad at napatingin sa kalangitan.
"Ang ganda ng mga bituin no?"
Ang tanong mo noon sa akin. Hindi ako sumagot dahil noong oras na iyon ay mas maganda para sa akin ang kislap ng iyong mga mata.
"Uy! May bulalakaw! Tara magwish tayo!"
Sabi mo noon sa akin at agad agad kang pumikit at bumulong. Malamang ay ibinubulong mo ang iyong mga kahilingan, nanatili ako non sa pag tingin sa iyo. Wala na akong ibang gusto pang hilingin dahil nandito ka naman na sa tabi ko.
"Anong hiniling mo?"
Pagtatanong mo sa akin pero hindi ako nagsalita at ngiti lamang ang ibinigay ko sa iyo.
"Ikaw muna anong hiniling mo?"
Pagbabalik ko ng katanungan sa iyo.
"Hiniling ko na sana maging maayos na ang lahat."
Tinignan mo ko sa mata at naramdaman ko ang kalungkutan sa mga tingin mo.
"Tara na at gagabihin na tayo masyado."
Pag aaya mo pero bago ka pa magsimulang maglakad paalis ay hinawakan ko ang kamay mo para pigilan ka saglit. Tinignan kita ng diretso sa iyong mata.
"Huwag kang mag alala. Magiging maayos din ang lahat."