Prologue
“PROMISE? Sige na mangako ka.” Pangungulit ng batang lalaki na nasa edad sampu sa babaeng kaharap. Sila lamang dalawa ang naroroon sa malawak na talahiban kung saan sila madalas maglaro. Isang tanda na tila trono nila ang putol na punong kinauupuan nilang dalawa.
“Bakit kasi kailangan mo pang umalis! Ayoko! Ayokong mangako! Kakalimutan na lang kita para hindi na ako masasaktan. Bakit kasi kailangan mo akong iwan?” paghihinampo ng babae, si Kylie na nasa edad sais.
Hindi niya gustong iwan siya ng lalaki, maisip pa lamang niya iyon ay sumasakit na ang dibdib niya. Hindi niya maintindihan kung bakit ayaw niyang iwan siya ng lalaki. Marami naman kasi siyang kalaro ngunit para sa kanya ay ito ang pinaka-espesyal sa lahat.
Napakunot-noo ang batang lalaki. “Hindi ko rin ‘to gusto. Pero wala na akong choice. Aalis kami ng bansa. Kahit na gusto kong magpaiwan ay hindi gagawin nila Mommy at Daddy. Kaya mangako ka. Ipangako mong pagkatapos ng dalawampung taon ay muli tayong magkikita rito at magiging tayo.” Namula muli ang mukha nito nang sabihin ang huling mga salita. Alam niya, nararamdaman niyang masakit din para rito ang nangyayari.
Ngunit hindi maiwasang mapasimangot naman. Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin nito na gusto nitong “maging tayo”. Hidi rin niya maintindihan kung bakit hindi ito puwedeng magpaiwan doon? Ngunit may naintindihan naman siya sa ibig nitong sabihin, na hindi niya ito makikita hanggang sa malaki na siya. Hanggang sa dalampu’t anim na taon na siya. At para sa kanya ay napakatagal niyon. Ngunit gusto pa rin niyang makita ito kahit na nga gaano pa katagal iyon.
Nalala niya nang minsan ay tanungin niya ang magulang nito kung gaano katagal ang mga itong mawawala. Ang tanging sagot ng mga ito ay mabilis ang panahon. “Sige. Nangangako ako. Pero kapag hindi ka dumating at nagpakita sa ‘kin ayoko na. hindi na magiging tayo at wala ka na ring karapatang lapitan pa ako. Hindi tayo bati.” Nakasimangot pa ring sabi niya sa lalaki habang dinuduro ito.
Nagulat na lamang siya nang yakapin siya nito at biglang bigyan ng mabilis na halik sa kanyang mga labi. Natutulalang napatitig siya rito. Larawan sa mga mata nito ang determinasyon. “‘Yan. Para hindi mo ako kakalimutan kahit kailan. Pangako ko rin hinding-hindi kita makakalimutan. Promise, hahanapin kita pagkatapos ng twenty years. Cross my heart. Hope to die.” At hindi pa nakuntento sa pangako nitong iyon ay nag-gesture ito ng cross sa may dibdib nito bago hinalikan ang ginamit na mga daliri at may ibinato. Alam niyang susi iyon ng pangako nito. Upang hindi mapako ang pangako nito sa kanya.
Kahit natutulala pa rin sa pagnanakaw nito ng halik sa kanya ay nakuntento si Kylie sa ginawa nito. “Promise. Twenty years mula ngayon ay magkikita tayo. Huwag mong kalilimutan ‘yan.”
“Hinding-hindi ko kakalimutan. Basta huwag mo ring kalilimutan.”