(Sinirang Pangako)
"Babalik ako kapag makapag-ipon na ako ng maraming pera.." hinding hindi ko makakalimutan ang pangako na iyon ni Papa sa akin noong ako ay limang taong gulang pa lamang.
Lumaki ako at nagkaisip na dala-dala ang isang pangako na akala ko ay hindi mapapako. Sa murang edad ay wala akong naiintindihan kung ano ang nangyayari sa aming pamilya. Ang huli kong natandaan, nagtatrabaho sa malayong lugar ang aking Ama at nasasanay kami na lagi syang wala sa aming tabi.
Nagtaka ako nang araw na iyon. Wala namang sinasabi si Mama sa akin kasi musmos palang ako noon. Nakita kong niligpit nya ang mga gamit ni Papa. Gusto kong magtanong pero naisip ko narin na baka kailangan ni Papa ang maraming gamit para sa kanyang trabaho.
Alam kong nagbibilang din ng buwan bago ko muling masisilayan ang mukha ng aking ama. Naintindihan ko iyon dahil alam kong malayong lugar ang kanyang pinupuntahan.
Hanggang isang araw. Umiiyak si Mama? Pero bakit? Gusto ko syang aluin.. gusto ko syang tanungin.. masakit para sa akin ang nakikita ko syang nasasaktan.
Nasasaktan? Pero bakit? Hindi nga ba wala ng kapantay ang pagmamahalan na mayroon sila ni Papa? Hindi nga ba sinabi nya sa akin na intindihin namin ang sitwasyon kung bakit lagi nalang hindi namin kapiling ang aming ama? Kaya anong dahilan kung bakit sya umiiyak?
May masakit ba sa kanya? Kung mayroon.. bakit hindi nya pinagsasabi? Bakit nya kinikimkim sa kanyang sarili ang sakit ng kanyang nararamdaman?
Naiinis ako! Kasi pakiramdam ko wala akong silbi. Ni hindi ko nga mapatahan ang aking ina mula sa pag-iyak diba? Wala nalang akong ibang nagagawa kundi ang mag-isip sa kung anuman ang nangyayari kay Mama.
Hanggang isang araw. Nawindang nalang ako nang marinig ang paalam ni Mama. Aalis sya? Iiwanan nya kami? Pero bakit? Bakit sya lalayo? Hindi nga ba lumayo na si Papa dahil sa kanyang trabaho? At ngayon pati ba naman si Mama? Paano na ako? Paano na ang kapatid ko? Kung pareho na nila kaming iiwan?
Hindi ko mapigilan ang hindi magkimkim ng sama ng loob. Ang liit pa namin pareho para iwanan nila. Mahalaga ba talaga ang trabaho? Pera ba talaga ang mas importante?
Gusto kong pigilan si Mama at sabihin na " Ma, dito ka nalang..may trabaho naman si Papa, diba? Bakit kailangan mo pang lumayo para magtrabaho?"
Pero natigilan ako nang marinig ang sagot ni Mama. "Anak, para ito sa kinabukasan ninyo. Gusto kong mapaganda ang inyong buhay. Pagbutihan mo ang iyong pag-aaral. "
Sinunod ko iyon. Kahit gaano kasakit ang mawalay sa kanila pinagtiisan ko. Dahil alam ko para naman sa aming kinabukasan kaya nila kami iniwan.
Pero isang araw, nagulat nalang ako sa nasaksihan. Si Papa may ibang pamilya? Akala ko ba nasa malayong lugar sya at nag-iipon ng maraming pera? Bakit kailangan pa nyang magsinungaling? Bakit kailangan pa nyang mangako? Bakit nya ako pinaasa?
Umasa ako eh, umasa ako na babalik sya kapag nakaipon na sya ng maraming pera dahil iyon ang pinangako nya diba? Pero bakit ganito ang nangyari? Hindi ko alam na walang kasing sakit kapag hindi mo napaghandaan ang mga pangyayari.
Tanging pagluha na lamang ang aking nagagawa habang inulit ko sa isip ang mga naganap sa aming buhay.
Ang lihim na pag-iyak ni Mama..ngayon ko lang naintindihan kung ano ang dahilan ng kanyang pag-iyak. Ang ora-orada nyang paglayo, ngayon ko lang na-realize na wala na pala kaming masasandalan para matustusan ang aming pangangailangan.
Sa sobrang pagmamahal nya sa amin ay pilit nyang kinimkim ang lahat ng sama ng loob para sa aming ama, hwag lang kaming maapektuhan.
Pero wala na.. wala ng silbi ang lahat. Dahil ngayong natuklasan ko na ang katotohanan ay wala akong ibang mararamdaman kundi ang mamuhi sa aking ama.
Sinira nya ang kanyang pangako. Mahal nya kami? Eh di sana hindi nya kami pinagpalit sa iba!
Babalik? Para ano? Para muling sirain ang masayang samahan naming mag-iina?
Masaya na si Mama, habang iniisip kung paano mapaganda ang kinabukasan ng aming magkakapatid. Masaya na din ako at kontento. Wala man si Papa, atleast nandyan naman si Mama at nakatuon lang sa amin ang kanyang atensyon para gabayan ang aming paglaki.
..end..
BINABASA MO ANG
Sinirang Pangako
Short StoryAng kwento na inyong mababasa ay isang maikling monologo na hango sa tunay na buhay.