PROLOGUE:
“Lawton, Lawton!” sigaw ng isang konduktor ng bus.
Standing ovation lang ang peg ko ngayon.
Kapag ganitong rush hour talaga, hindi na ako umaasa na may mauupuan ako.
Nakakainis lang!
Bakit ba kasi ang layo ng eskwelahan na pinasukan ko?! Buti na lang at wala kaming uniform kaya palagi akong naka-sneakers kapag papasok.
“Lawton, Lawton!” sigaw ulit ng konduktor. Grabe, puno na kaya ‘yon bus tapos nagtatawag pa siya.
Napahawak na lang ako sa upuan ng driver. Oo, katabi ko na ang driver sa sobrang puno ng bus. Goodluck naman sa akin diba? Parang ako na nga ang konduktor sa pwesto ko eh.
Dahil nga nagtatawag pa ang konduktor, tuloy-tuloy din ang pasok ng tao. Nakaharap ako sa may pinto ng biglang may lalaki na dumaan sa harap ko.
“Ay!” napasigaw ako nang mabunggo niya ako. Paker!
At dahil nabunggo niya ako, natumba ako. Malamang, diba?!
Hulaan niyo kung saan ako lumanding?
Sa bus driver lang naman. Alam niyo ‘yon parang buhat-buhat niya ako na parang bagong kasal? Ganon! Ganon ang itsura namin, ang pinagkaiba lang, nakaupo siya.
Napatingin ako sa bus driv-…
Gad! Bus driver ba ‘to?! Bakit…
Bakit…
Ang gwapo?!
“Miss, ok ka lang?” tanong nito sabay ngiti sa akin. Syet! Pakiramdam ko namula bigla ang mga pisngi ko dahil sa ngiti niya.
“A-Ahm, a-ano…” Bakit ka uutal-utal, Edree?! Takte lang! Ang gwapo eh! Hahaha!
“Hindi pa ba aalis?! Malalate na kami!” sigaw ng isang galit na pasahero ng bus. Dahil doon ay agad akong tumayo at inayos ang itsura ko. Kumapit na lang ulit ako sa upuan niya para hindi ako matumba nang magsimula siyang patakbuhin ulit ang bus.
Sa buong biyahe ay nakatuon lang ang tingin ko sa daan habang nakikinig sa tugtog na nanggagaling sa earphones ko. Nang magkaroon ng bakanteng upuan sa likuran ng driver ay umupo ako doon. Sayang naman ‘yon binayad ko diba? Mahal kaya ng pamasahe.
Dahil malapit na ako sa eskwelahan ko, tumayo na ako para malaman ng bus driver na bababa na ako.
“Sa tabi lang.” sambit ko dito. Dahan-dahan naman huminto ang bus. Pababa na ako ng pigilan ako ng konduktor.
“Miss, saglit lang.” tawag-pansin sa akin ng konduktor. Ano kayang problema nito? Tinanggal ko ang earphones ko at tinanong siya.
“Bakit ho?” tanong ko dito. Nakatayo siya sa likuran ng driver at napansin ko na nakatingin ito sa akin.
“Bayad mo?” usal nito. Anong bayad? Nagbayad na ako ah! Leche ‘tong konduktor na ‘to!
“Nagbayad na ako ah.” Sagot ko dito. Pinakita ko sa kanya ang ticket na binigay niya sa akin. Teka, hindi pa pala niya ako sinusuklian! Paker talaga ‘tong konduktor na ‘to!
“Ah, ganon ba? E di,’yon bayad mo na lang sa pagsalo sa’yo ni-…” hindi niya natuloy ang sasabihin niya dahil binatukan siya ng driver. Napangiti naman ako. Buti nga!
“Sukli ko, kuya?! Hindi mo pa ako sinusuklian.” Turan ko dito. May inabot naman siyang bagong bente pesos sa akin. Tama, ito ang sukli ko. Aba, bente din ‘to. Agad kong pinasok sa bulsa ko ang pera at saka bumaba ng bus.
Pumasok na ako sa school at dumiretso na sa classroom para sa first subject ko. Pagpasok ko ay sinalubong ako ni Jamie, ang bestfriend ko.
“Edree, ‘yon utang mo na bente? Nasaan na?” Ang ganda ng salubong niya sa akin diba? Mahigpit kasi sa pera ‘yang si Jamie. Kapag may utang ka sa kanya at sinabi mong babayaran mo bukas, siya mismo ang maniningil.
Dinukot ko ang bente pesos na nasa bulsa ko. Tamang-tama, sinuklian pala ako kanina sa bus.
“O, ayan na ang bente mo!” singhal ko dito at saka abot sa kanya ng bente. Umupo na ako sa tabi niya at nilabas ang notes ko. Bakit natahimik ‘tong si Jamie? Lumingon ako sa kanya at pinagmamasdan niya ang bente pesos na binigay ko.
“Edree, saan mo nakuha ‘to? May nakasulat kasi oh.” Pinakita niya sa akin ang bente at may nakasulat nga.
Miss, mag-iingat ka sa susunod dahil wala ako para saluhin ka. Sana magkita tayo ulit. :)

BINABASA MO ANG
My Sweet Driver [SOON]
Novela JuvenilBasta driver, sweet lover? Tsss. Kalokohan lang 'yan para kay Edree. Hindi siya naniniwala sa kasabihan na 'yan hanggang sa dumating sa buhay niya si Jenrick. Mapapaniwala kaya ni Jenrick si Edree sa kasabihan na 'yon?